Suot ang salaming itim na may gradong isang daan at dalawampu’t lima, nakita ko ng malinaw ang kapaligiran. Namukhaan ko s’ya. Dala ang bisikletang akay-akay n’ya. Lumulubog ang araw.
Ika-labing apat ng Hulyo. Nakatanggap ako ng liham. Hindi ko inaasahan ito. Sa haba ng panahon, ngayon ko lang muli nakita ang sulat kamay n’ya. Wala pa ring pagbabago. Ang paling at engineering letters na yun. S’ya nga talaga.
Binasa ko ang nilalaman ng sulat. Kung ano ang pagbuo nya sa mga linya sa buong talata. Ang bawat salita ng bawat pangungusap. Akala mo’y kausap ko s’ya sa mga oras na binabasa ko ito. Ang kapirasong papel na ‘to ang bumubuhay sa kan’ya. Bumubhay sa presensya n’ya.
Hawak ang kapirasong papel, inaabangan ko ang paglabas nya sa gusaling iyon. Ang gusaling kung saan kami madalas magkasalubong. Ang laki na talaga ng pagbabagong naganap. Isa na s’yang ganap na propesyunal mula sa bokasyong kanyang kinuha.
Pasulyap-sulyap.
Pasilip-silip.
Patingin-tingin.
Nagtatago ako sa isang makitid na pader upang muli s’yang makita. Matagal na rin nang huli ko ‘tong ginawa. Bukas aalis na naman ako. Tutungo nang muli sa tahanang kumupkop sakin habang ako ay naghahanap ng trabaho.
Magpapaalam muli sa bayang ito.
Hindi ako huminto sa pagmamasid sa kanya. Akay ang lumang bisikleta, nagpatuloy sya sa paglalakad. Suot ang asul na rubber shoes, puting t-shirt, itim na slocks, habang hawak ang isang attaché case. Nakalagay ang puti nyang polo sa kanyang balikat. Suot ang salaming itim. Ganun pa rin sya.
Limang taon akong hindi nagpapakita. Napatawad nya na siguro ako pero ang sarili ko hindi ko pa rin napapatawad. Umiwas na ko ng tingin nang malapit na syang dumaan sa tapat ko. Nasa kabilang daan sya. Simpleng simple pa rin.
“Manong, palimos po,” wika ng isang gusgusing batang hawak ang aking kamay.
Dumukot ako sa aking bulsa. Inabot ang limang piso kong barya.
“Salamat po,” sabay takbo ng bata.
Bigla ko tuloy naalala nung magkakasama kami ng aking sinta at s’ya. Linggo no’ng araw na iyon. Katatapos ng misa. May isang matandang ang nanghihingi ng limos sa labas ng simbahan.
Malayo sya sa aming dalawa ng aking sinta. Nakita kong hinawakan ng matanda ang kamay nya. Walang sinabi ang matanda. Napansin ko na lang na may dinudukot sya mula sa bulsa ng kanyang kupas na maong. At doon ko nakita ang pag-aabot nya ng dalawampung piso sa matanda.
Nakita ko at ng aking kasama ang pagsambit ng kanyang bibig sa matanda.
“Lola, ibili nyo po ‘yan ng pagkain,” at ngumiti sya ng matamis.
Hinawakan nya ng mahigpit ang kamay ng matanda. Walang pag-aalinlangan. Walang pagdadalawang isip. Walang halong kasakiman. Doon ako natuto.
Bigla akong nagising. Nakarinig ako ng mga huni ng maya.
Unti-unti akong naglakad papalayo sa aking tinataguan. Dahang dahan akong pumasok mula sa tarangkahan ng pamantasan. Hindi ko alam kung bakit tila yata dinadala ako ng aking mga paa dito.
Magdadapit hapon na. Kailangan ko ng umuwi pero ayaw magpapigil nang aking sarili. Dinala nya kong muli sa puno ng narra. Ang matayog na punong tirahan ng mga ibong maya. Ang himpapawid. Ang lupa.
Kakaunti na lang ang mga mag-aaral. Limang tao pero nanatiling tahimik lang ang punong ito. Walang sino man ang naglalakas loob na puntahan ito maliban sa akin at sa kanya.
Dahan-dahan. Nakarinig ako ng ilang yabag.
“Kamusta ka na?” ang boses na ‘yon. Nakapatong ang isa nyang kamay sa balikat ko habang nakatalikog ako sa kanya.
Kilala ko ang boses na ‘yon. Bumalik s’ya. Pero bakit? Nakita nya ba ko roon?
Suot ang salaming itim na may gradong limangpu, nakita ko syang muli. Namukhaan ko sya. Hawak ko ang puting papel. Nilalamon na ng dilim ang buong kapaligiran. Sumindi ang ilaw sa gusali. Sumindi ang ilaw sa pasilyo. Dahan-dahan akong tumingin sa paglitaw ng isang tao sa aking likuran.
BINABASA MO ANG
ANG KAIBIGAN KONG SI HUDAS
Fiksi SejarahANG KWENTONG MAGPAPAINTINDI KUNG ANO BA TALAGA ANG ISANG KAIBIGAN. (ANG ANUMANG PANGNGALANG MABABANGGIT AY GINAMIT LAMANG NG MANUNULAT PARA MAGING MAAYOS ANG KANYANG LIKHA. ITO AY KATHANG ISIP LAMANG NG MANUNULAT.)