THIRD PERSON'S POV
ThursdayTirik parin ang mapulang araw sa hapon na iyon. Tahimik na ang karamihan sa mga building. Nasa mga snack houses ang karamihan sa mga estudyante at ang iba ay nagpahinga na sa mga dormitory nila.
Naglalakad sa tahimik na hallway ng third floor org. building ang matabang grade twelve student na si Marco.
Aligaga siya at hindi mapakali. Lagi siyang tumitingin pabalik sa kanyang likuran dahil pakiramdam niya ay may palihim na sumusunod sa kanya.
Kasing bilis ng kanyang hakbang ang tibok ng kanyang puso. Kahit anong oras ay gusto na niyang sumigaw sa sobrang takot. Mas nakadagdag pa sa kaba niya ang tunog na gawa ng pagtama ng kanyang sapatos sa sahig.
Iniisip niya na baka ano mang sandali ay may humarang o humila sa kanyang likuran. Pero pilit niyang pinakalma ang sarili, ngunit sa tuwing iniisip na walang ibig sabihin ang nararamdaman niya ay mas lalo lang umaapoy ang kaba niya.
Ilang araw na niya itong nararamdaman. Lagi niya ring napapansin na parang may nakatingin o nakasunod sa kanya mula sa malayo.
Muntikan na niyang maihagis ang hawak na libro nang biglang sumulpot ang isang lalaki sa kanyang harapan. Hindi niya napansin ang pag-akyat nito dahil nahaharangan ng pader ang view ng hagdan.
Kumawala ang mahabang buntong hininga sa kanyang nanginginig na labi nang makilala ang lalaki. "James..."
Galing siya sa isang snack house kung saan napili ni Mena na maging meeting place. Patungo siya sa kanilang clubroom dahil nautusan pa siyang maglinis roon.
Kunot-noong tumitig si James sa pawisang kaklase. "Marco? Anong nangyari sayo? Ganyan kaba ka seryoso sa pagpapayat mo at hapong-hapo ka?" Biro niya. Pero agad rin siyang sumeryoso ng makita ang kawawang imahe ng kaklase. "Ano bang nangyari sayo?"
Hinabol muna ni Marco ang hininga bago sumagot. "M-ay hu-maha-bol sa a-kin." Hindi parin regular ang paghinga niya dahil sa sobrang nerbyos.
Napatingin naman si James sa direksyon kung saan nanggaling ang kaklase. "Wala naman ah." Tumingin siya rito. "Baka guni-guni mulang 'yan. Don't scare yourself Marco."
"Hindi, totoo ang sinasabi ko. Matagal ko na itong nararamdaman." May takot na pahayag ni Marco.
Natahimik si James kaya nagtaka si Marco. Kumunot ang noo niya nang unti-unting namilog ang mata ni James. Wala siyang ibang makita rito kundi takot.
"James..." Bumalik ang kabang naramdaman niya kanina at mas dumoble pa ito lalo na at sa likod niya ito nakatingin.
"Si-sino iyan?" Mabagal na tanong ni James. Pagkatapos ay may itunuro siya sa likuran ni Marco dahilan para manindig ang balahibo nito.
"S-sino?"
"Marco... Naka-itim, pula ang mata, may dalang itak, duguan... Mu-multo." Nanginginig pa ang boses niya habang sinasabi ito.
Napabuka ang namumuting labi ni Marco at namuo ang malalaking pawis sa kanyang noo. Napako rin ang mga mata niyang nanlaki at hindi kumukurap. Ayaw niyang lumingon, gusto niyang tumakbo pero parang napako rin ang mga paa niya at tinatraydor rin siya ng mga tuhod niyang nanginginig.
Unti-unting bumaba ang ekspresyon ng mukha ni James. Ilang segundo pa ay bumulaga ang halakhak nito kay Marco. Halos manakit ang kanyang panga sa kakatawa habang hindi naman makapaniwala si Marco sa kanyang kinatatayuan.
"HAHAHA!" Tawa pa nito habang pinagmamasdan ang walang kamalay-malay na si Marco.
Agad na tumingin sa likuran si Marco at nakita ang walang katao-taong hallway. Nawala ang kaba at takot nito ngunit naiinis parin siya kay James dahil sa pananakot na ginawa nito.
