It's hard to accept a failure but it is even harder when you realize you didn't do your best. When you can honestly say that and cease to believe that life is worth living.
We give relevance to our lives on earth not the things that happen to us...
1
Parang may pakpak ang mga paa ni Fatima habang papasok sa elevator na magdadala sa kanya sa ikawalong palapag ng condominium building. Naroon ang unit ng boyfriend niyang si Rex. Birthday nito nang araw na iyon, kaya hindi na niya pinasukan ang huling dalawang period niya sa panghapon sa school. Bumili siya ng birthday cake para kay Rex bago siya nagtuloy roon.
Binuksan ni Fatima ang pinto ng unit gamit ang sariling susi. Pagpasok niya ay sinalubong siya ng malamyos na kantang “I Don’t Have The Heart” ni James Ingram. Malamang na nakikinig si Rex sa FM band ng mini component.
Nagtuloy siya sa kusina. Nakahanda ang ngiti at greetings niya para lang nagulat ng eksenang nabungaran. Naroon si Rex, nakasandal sa kitchen table. Kayakap at kahalikan ang isang babae. At hindi iyon kung sinong babae lang. Ang best friend niyang si Lalaine ang kahalikan ni Rex.
Nabitiwan ni Fatima ang hawak na cake.
Nahinto naman sa ginagawa ang dalawa. Pagkagulat at guilt ang makikita sa mukha ng mga ito.
Pumihit siya at tumakbo palabas ng unit.
Parang sasabog ang dibdib niya sa galit. Isang taon na niyang nobyo si Rex. First boyfriend niya at first love din. Sa loob ng panahong mag-boyfriend sila ay nagtiwala siya kay Rex. Buong-buo.
Parang babasaging bagay na nahulog ang pagtitiwalang iyon. Nadurog iyon at nagkapira-piraso dahil sa ginawa nito. And to think na ang best friend pa niya ang kasama ni Rex na sumira sa kanyang puso at pagtitiwala.
Pasara na ang pinto ng elevator nang maabutan siya ni Rex. Napilit nito ang sariling pumasok doon bago sumara ang pinto.
“Fatima... I-I’m sorry.”
Hindi siya umimik. Patuloy lang siya sa pag-iyak. Mabuti na lang at sila lang ang sakay ng elevator.
“Hindi ko sinasadyang saktan ka. Si Lalaine... i-inakit lang niya ako.”
Hindi pa rin siya kumibo. Hinayaan niyang magsalita si Rex.
“Pumunta siya sa unit ko. The next thing I knew, hinahalikan na niya ako.”
Sa wakas ay narating na nila ang ground floor ng building. Mabilis na lumabas ng elevator si Fatima habang nakasunod pa rin si Rex.
“Fatima, please. Please, pakinggan mo muna ako.”
Patuloy pa rin siya sa paglakad. Mabuti na lang at may dumaang taxi. Pinara niya at sumakay doon. Walang nagawa si Rex nang isara niya ang pinto ng taxi at i-lock iyon.
SA HALIP na umuwi ay bumalik uli si Fatima sa eskuwelahan. Hindi siya maaaring umuwi at magpakita sa kanila sa ganoong kalagayan. Tiyak na mag-uusisa ang kanyang papa. At malamang na sugurin nito si Rex kapag nagkataon. Hindi rin siya maaaring magpunta sa pad ng kuya niya. Mag-iisa lang siya roon dahil abala ang kuya niya sa opisina.
BINABASA MO ANG
Braveheart Series 2 Benicarlo Ocampo (Relentless Lover) COMPLETED
RomancePhr Book Imprint Published in 2005