8Habang nagpapasasa sa katamisan ng halik ni Binny na-realize ni Fatima na hindi pala pare-pareho ang halik.
Noon lang siya nahalikan nang ganoon. Magaang na halik ngunit nakakapagpatuliro. Sansaglit lang pero parang nararamdaman pa niya kahit nagkalas na sila. Payak kung ikokompara sa mga halik ng expert kissers na gaya nina Rex at Sean, ngunit humatak at nagpalutang ng kakaibang emosyon na banyaga pa sa kanya.
Parang gusto niyang maiyak. Dahil hindi man dapat ay parang gusto pa niyang ulitin nila ang halik. Wala pang isang kisap-mata ay nawasak na ng halik na iyon ang mga depensang mayroon ang isang tulad niya. Bigla siyang lumaya sa bilangguang hindi niya alam na kinaroroonan niya.
Paano pa makakatingin si Fatima sa mga mata ni Binny pagkatapos ng namagitang halik sa kanila? Tinakasan siya ng mga salita na maaaring sabihin para mabale-wala ang kabaliwang iyon.
Mabuti na lang at hawak ni Binny ang sarili nito. Ito ang nagtayo sa kanilang mga sarili. Inakay siya nito palabas ng clearing nang walang namamagitang salita sa kanila. Sinamsam nito ang kanilang mga dala at magkaagapay na bumalik na sila sa mansiyon.
Hindi pa sila nakakalayo sa talon nang may isang mabigat na bagay na humaging sa ulo ni Binny. Kapwa sila nagulat. Napahinto sila sa paglakad. Awtomatikong hinagilap ng kamay nito ang braso niya.
“A-ano 'yon?” kinakabahang tanong niya.
Tinungo nila ang binagsakan ng bagay. Gakamaong bato iyon na kinuha marahil sa talon.
“Diyos ko! Binny, kung nahagip ka n’on, baka—” Ayaw niyang isaboses ang posibleng nangyari. “Sino ang mambabato sa 'yo rito?”
“Wala 'yon,” pagwawalang-bahala nito. “Kung minsan, may mga bakulaw na naglalaro diyan sa may talon. Baka nagbabatuhan sila at napalayo lang ng hagis ang isa.”
Hindi yata niya maipagwawalang-bahala iyon, kung paanong hindi rin niya maipagwawalang-bahala ang namagitang halik sa kanila. Wala siyang naririnig na kaluskos o ingay man ng sinasabi nitong hayop. Tahimik ang paligid maliban lang sa huni ng ibon at kuliglig.
“Paano kung hindi? Paano kung inihagis pala 'yon ng gustong manakit sa pamilya mo, particularly sa 'yo?”
“Huwag mo nang alalahanin ang tungkol doon, okay? Kung talagang may gustong manakit sa akin, sana noon pa na madalas akong nag-iisa sa pagha-hunting o sa pagha-hiking. Believe me, hindi ako ang target ng batong 'yon.”
Hindi na lang siya umimik ngunit hindi talaga niya makumbinsi ang sarili na paniwalaan ang sinasabi nito.
PARANG bale-wala kay Binny ang nangyari sa kanila. Hindi ito nagbabanggit ng kahit na ano tungkol sa nangyaring intimacy sa pagitan nila. Walang nakita si fatima na naiba sa kilos nito.
Pinanonood nila nang mga sandaling iyon ang Lost In Translation sa DVD player na nasa den. Kuwento iyon ng dalawang tao na parehong bored sa pananatili sa isang foreign country. Naging magkaibigan ang dalawa at sa loob lamang ng maikling panahon ay nagkalapit ang loob nila.
Ang totoo ay na-bore din siya sa panonood ng nasabing pelikula. Ngunit may naiwan sa isip niya. Kaya siguro hindi niya minahal si Jericho ay dahil bihira silang magkita. Madalas na ito pa ang nakikipagkita sa kanya.
Hindi siya gumawa ng effort na maging constant ang communication nila. Kung minsan pa nga ay gumagawa siya ng paraan upang hindi sila magkausap nito.
Hindi tulad nina Bob at Charlotte sa Lost In Translation. Sa maikling panahon ay hinahanap-hanap na nila ang company ng isa’t isa.
Napatingin siya kay Binny. Bakit kaya ngayon lang siya nakadama rito ng romantic feelings gayong noon pa nasa kanila ang mga elemento ng paghahanap sa isa’t isa gaya ng nasa dalawang bida ng pinanonood nila?
BINABASA MO ANG
Braveheart Series 2 Benicarlo Ocampo (Relentless Lover) COMPLETED
RomancePhr Book Imprint Published in 2005