3
"Igaganti kita sa gagong 'yon, Fatima! Hindi ako papayag na basta ka na lang niya ibabasura."
Hinawakan niya ang braso ni Binny. Katatapos lamang niyang ipagtapat sa kaibigan ang mga napag-usapan nila ni Sean. "No, Binny, hindi ko papayagang gawin mo 'yon kay Sean."
"At hahayaan mo na lang na bale-walain ka niya?" Halos umusok ang bumbunan nito sa galit.
"N-nakikita ko naman ang katwiran sa sitwasyon niya ngayon. Alam ko, ayaw rin niya na magkalayo kami. Wala lang siyang mapagpilian. Kahit ako, makokonsiyensiya kapag nagpatuloy kami sa relasyon namin at mapadali lalo ang pagkawala ni Rose.""Goodness! Fatima, hindi ko inaasahan na ganyan ka ka-naïve."
"Huwag ka namang ganyan, Binny. I was only doing a dying girl a favor."
"Hindi ko alam kung dapat bang kaawaan kita o alugin ka nang malakas," naiiling na sabi ni Binny, mukhang galit pa rin. "Hindi mo ba nakikita? Pinapaikot lang ng Remulde na 'yon ang ulo mo. Gawa-gawa lang niya ang kuwentong 'yon para huwag kang magalit sa paglayo niya sa 'yo. At para kahit nag-break na kayo, magmukha pa rin siyang hero sa paningin mo."
Sumama ang loob niya. "Hindi 'yan totoo! Mahal ako ni Sean. Wala lang siyang choice kaya kami naghiwalay. At pansamantala lang naman ito.""Fatima, idilat mo nga 'yang mga mata mo!"
Muntik na siyang mapangibit sa halos pasigaw na salita ni Binny.
"Walang ganoong kuwento! Third-rate fictionist lang ang gagawa ng ganoong istorya!"
Biglang umusbong ang pagdududang iyon sa pinakasulok ng utak niya bago pa man sila mag-usap nito. Ngunit sadya nga yatang mahal na mahal niya si Sean kaya agad niyang binura ang pagdududang iyon.
Nang mga sumunod na araw ay hindi napagkikita ni Fatima si Binny. Pumapasok naman ito sa school ngunit laging nagmamadaling umuwi. Halos hindi na tuloy sila nakakapag-usap.
Tuwing tatanungin naman niya si Gani, palagi lang nitong sinasabi sa kanya na busy si Binny sa "secret mission" ng binata. Ayaw sabihin ni Gani kung ano iyon kapag inuusisa niya.
Lalo siyang na-depress dahil doon. Si Binny na nga lang ang natitirang tao na palaging umuunawa at umaalalay sa kanya bukod sa kanyang mga magulang, lalayuan pa siya. At hindi naman niya kayang sabihin sa mama at papa niya ang tungkol sa dahilan ng breakup nila ni Sean.Mahigit isang linggo ang lumipas bago siya nilapitan at kinausap ni Binny. May iniabot ito sa kanya na isang brown envelope.
"Nariyan ang lahat ng impormasyon na nakalap ko tungkol kay Rose Nubla," anito. "Ang allegedly ill girlfriend ng ex-boyfriend mo."
Parang hindi kayang buklatin ni Fatima ang nilalaman ng envelope. Ngunit nanaig ang kuryosidad niya kaya sa huli ay inilabas din niya ang mga laman niyon.
Batay roon, walang kahit na anong malalang sakit si Rose. Nasa abroad ito nang nakaraang dalawang taon. Nagkahiwalay lang ito at si Sean ngunit hindi naputol ang relasyon ng dalawa.
Ngayon ay nasa Pilipinas na uli si Rose. Ito na uli ang girlfriend ni Sean.
Lumalabas na gumawa nga ng kuwento si Sean para lang hindi magalit si Fatima. Ayaw siguro ni Sean na saktan siya nang husto. Ayaw rin siguro nitong magmukhang kontrabida sa kanyang paningin.
Ngunit iisa pa rin ang suma. Niloko siya ni Sean.
Kung noong huli silang mag-usap ni Sean ay mabigat ang kalooban niya, doble na ang bigat niyon dahil sa nalaman niya. Napakasakit. Subalit hindi pa rin niya makuhang mamuhi kay Sean. Napahagulhol siya. Umiyak siya nang umiyak sa dibdib ni Binny. Hindi ito nagsalita. Walang sinabing kahit na ano sa kanya upang aluin siya. Ngunit sapat ang yakap ni Binny at marahang paghagod sa kanyang buhok upang maibsan ang bigat ng kanyang dibdib.
BINABASA MO ANG
Braveheart Series 2 Benicarlo Ocampo (Relentless Lover) COMPLETED
RomansaPhr Book Imprint Published in 2005