9
“Sa makalawa na pala ang lipad ni Binny papunta sa States.”
Lalong nanlumo si Fatima pagkarinig sa sinabi ni Gani. Nitong mga huling araw ay napapadalas ang pagkikita nila. Minsan ay pumapasyal ito sa kanila. Kung minsan naman ay dinadaanan siya ni Gani sa classroom niya.
Sa hula niya ay nalulungkot si Gani sa napipintong pag-alis ni Binny. Sobrang tagal na ng pagkakaibigan ng dalawa kaya tiyak na mami-miss ng mga ito ang isa’t isa
“Kailan kayo nagkita?”“Kanina. Ipinagbilin ka nga niya sa akin. Bantayan daw kita.”
Malasakit ng isang kaibigan marahil ang nagbunsod kay Binny upang sabihin iyon kay Gani. At hindi niya kailangan iyon.
“Alam mo ba, may isa pang nakakagulat na balita tungkol sa isang 'yon,” patuloy ni Gani.
“Ano?”
“'Di ba, alam mo 'yong tungkol sa family tradition nila na ipinagkakasundo sila ng parents nila sa kanilang mapapangasawa?”
Alam niya iyon dahil iyon mismo ang dahilan kung bakit nagkalayo noon ang hipag niyang si Honeylette at ang kapatid niyang si Al. “Ano naman ang tungkol doon? Hindi ba at palpak naman lahat ang pagkakasundong nangyari sa pamilya nila?”
“'Yong kay Lilac lang yata ang medyo okay. Ipinag-kasundo rin pala si Binny ng parents niya doon sa anak ng family friend nila na nag-migrate na sa Louisiana.”
Whatever iota of hope she had was crushed at that very moment. Kaya pala sa Louisiana pupunta si Binny. Tiyak na pakakasal na ito roon.
Ganito siguro ang naramdaman ni Job nang kunin dito ang lahat ng ari-arian at mamatayan ng lahat ng sampung anak. Utter devastation.
Hindi siya umiyak sa harap ni Gani. Ngunit mula sa araw na iyon, gabi-gabi na siyang umiiyak tuwing nag-iisa na siya sa kanyang silid.
Paulit-ulit niyang ibinubulong ang sinabi ni Job noon pagkatapos na bagsakan ito ng mga trahedya: “The Lord gave, and the Lord has taken away; blessed be the name of the Lord.”
Ngunit wala siyang makapang comfort sa kanyang dibdib. Habang-buhay na yata siyang mangungulila kay Binny.
MABILIS-MABAGAL na lumipas ang dalawang taon para kay Fatima. Mabilis dahil isinubsob niya ang sarili sa pagtuturo. Iyon ang tumulong para lubha siyang maging abala at mawalan ng panahong mag-isip at magluksa dahil sa kabiguan.
“Tita! Bang! Bang!”
Isa pa sa pruweba ng bilis ng panahon—si Alvaro, Junior, ang anak nina Alvaro at Honeylette. Parang pinilas ang mukha nito sa kapatid niya. Kaya naman lokong-loko ang papa niya sa apo nito.
Kailan lang ay madalas pa niyang kalungin si AJ tuwing dumadalaw sa kanila o siya sa bahay ng mga ito. Ngayon ay hindi na kayang pigilan si AJ maliban na lang kung tulog na ang pamangkin. Sobrang likot at lusog ng bata. Nakakapagod nang kalaruin.
Nagpatihulog siya sa sofa.
“Ded, Tita. Clows yo’ eyes,” anito, nakatutok pa sa kanya ang baril-barilan.
Sumandal siya sa sofa at pumikit. At dahil yata alam nitong talo na siya ay umalis na si AJ doon. Tiyak na maghahanap ito ng ibang mababaril.
Mabagal din ang panahon dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa puso at isip niya si Binny.
Siguro dahil wala siyang masasabing closure sa pagitan nila. At siguro din dahil nabalitaan niya mula kay Honeylette na hindi naman nagpakasal ang kapatid sa babaeng ipinagkasundo kay Binny.
BINABASA MO ANG
Braveheart Series 2 Benicarlo Ocampo (Relentless Lover) COMPLETED
RomancePhr Book Imprint Published in 2005