Madilim ang buong paligid nang sumapit ang ika-sampo ng gabi. Walang buwan ang masisilayan sa kalangitan. Tanging mga huni lamang ng panggabing kulisap ang maririnig.
Sa 'di kalayuan mula sa tinutuntungan kong puno ng cypress, maririnig ang huni ng isang ibon habang pumapagaspas ang mga pakpak nito. Marahil ay nagambala ang pamamahinga ng munting ibon. Dahilan upang biglang lumipad sa isang kalapit na puno at doon ituloy ang naudlot na pamamahinga.
Ngunit sa isang katulad kong may itinakdang layunin, hindi natatapos doon ang aking gabi. Minamasdan ko ang malawak na bakuran ng mansyon. Gamit ang aking matalas na pakiramdam na nasanay na sa ilang mga misyon at ang aking mga matang nakakakita sa kadiliman, wala akong maramdamang takot o pangamba. Bagkus, nasasabik akong makadaupang-palad ang pakay ko ngayong gabi.
Ilang gabi na rin akong nagmamasid sa mala-palasyong mansyon ng palihim. Walang sinuman ang makakapansin ng presensya ko na kahit ang matatandang bampira ay hindi kayang sukatin ang kakayahan ko. Napangiti ako.
Kapag nasa misyon ako'y madalas akong makitang naglalakad lamang suot ang marurumi at punit-punit na damit na pinapasuot ng kaibigan kong isang salamangkera. Ang mga nakakakita sa aki'y napagkakamalan akong isang baliw. Kailangan ko iyon upang makapagmanman sa paligid ng hindi napapansin. Ngunit sa kabila ng pagbabalatkayo kong iyon nagtatago ang isang sekreto.
Maliksi akong nakatalon mula sa puno patungo sa terasa ng mansyon. Walang ingay kong narating ang terasa at mabilis na nakapasok sa loob. Ang napasukan ko'y isa palang silid-aklatan. Marahan akong naglakad. Alisto ang pandinig ko sa ingay at pinapakiramdaman ang paligid kung may mga kalabang nagtatago sa dilim.
Isa lang ang pakay ko roon. Ang patayin ang isang silverblood vampire na lubhang mapanganib para sa mga taong aking pinoprotektahan. Ilan lamang sila sa mga bampirang naghahasik ng lagim sa bayang iyon ng Santa Barbara.
Kreeeek!
Tumigil ako sa paglalakad. May nagbukas ng pinto ng silid-aklatan. Nagtago ako sa likod ng estante ng mga libro upang makapagmanman. Hindi ako maaaring magpadalos-dalos ng aking desisyon.
Pumasok sa silid ang nagbukas ng pinto. Tuloy-tuloy siyang umupo sa likod ng mesang tanggapan at hindi nag-abalang buksan ang ilaw. Nangingiti siya habang minamasdan ang daliring may nakasuot na singsing. Ang lalaking yao'y ang pakay ko at hindi man lang ako nahirapan sa paghahanap sa kanya. Kusa siyang lumapit sa maninilang katulad ko.
Nararamdaman ko ang salamangkang bumabalot sa singsing na kanyang hawak. Ngunit batid ko din na hindi ako tinatablan ng isang ordinaryong salamangka lamang.
Lumabas ako mula sa aking pinagtataguan. Sa isang iglap ay nasa harapan na ako ng aking biktima. Umangat ang ulo ng lalaking bampira pagkakita sa akin. Ngumiti ako bilang pagbati.
"Cine ești tu?" Tanong sa akin ng aking kaharap gamit ang salitang Romanya. Hindi nakikita ang aking mukha dahil sa suot kong maskara. Bagaman hindi siya kakikitaan ng takot o pangamba man lamang. Diyan siya nagkakamali. Walang taong hindi nanganganib sa akin.
Hindi nawala ang ngiti ko. "Eu sunt criminalul." Tumawa ang lalaking bampira sa aking tinuran.
"Cred ca glumesti. Ești din mintea ta?" Nasa boses niya ang pang-iinsulto sa akin.
Hinayaan ko lang siyang magsaya. "Râzi dacă vrei. Te voi ucide ulterior." Balewala kong sabi habang tumatawa siya.
"Încercați cele mai bune dus."
Ang hamon na iyon ang nagpakilos sa akin. Mabilis akong nakalapit sa lalaki. Sinakal ko siya gamit ang kaliwa kong kamay at itinaas sa ere. Nagkakawag-kawag siya na waring nalulunod. Lumabas ang mga mahahabang pangil niya sa kabila ng aking pagkakasakal. Hinawakan niya ang aking braso.
"Lasă-mă jos!" Sigaw niya sa kabila ng kanyang pagpupumiglas. Ngunit sa halip na sundin ang utos niya'y lalo ko pang hinigpitan ang pagkakasakal ko sa kanya hanggang sa manghina siya.
Inilabas ko ang aking sai. Pero bago ko pa man itusok sa puso ng bampira ang aking sandata ay may sumulpot na dalawa pang bampira sa aking likuran. Pinagbabaril nila ako na mabilis ko namang nailagan. Natamaan ako sa aking kanang balikat na naging dahilan upang ganahan akong makipaglaban. Maghihilom din naman ang sugat sa aking balikat. Kung isang ordinaryong bampira lamang ako'y baka naabo na ako.
Pinagsasangga ko ang mga bala gamit ang pares ng sai sword ko. Nang maubos ang ammunition nila, ako naman ang umatake. Hinagis ko ang aking sai na tumama sa dibdib ng kalaban. Sa isang iglap, naabo ang mga bampirang kalaban ko. Hindi man lang ako nahirapan sa dalawang iyon.
Pinulot ko ang sandatang ginamit ko sa dalawa at lumapit sa aking pakay. Nakatayo na siya ngunit gumigiwang ang katawan dala ng lubhang panghihina.
"N-Nu t-te a-apropia d-de m-mine." Uutal-utal niyang pagsasalita habang itinututok niya ang singsing sa akin. May asul na liwanag ang nagmumula sa bato ng singsing. Isa iyong quartz, ang makapangyarihang bato na nakakapagpaabo ng mga silverblood na bampira kung mahawakan o madampian lamang ng batong iyon. Ang salamangka ang pumoprotekta sa mga gumagamit ng bato upang hindi sila maabo.
Ngunit hindi ako isang silverblood kaya hindi ako tinatablan. Malaya akong nakakalapit sa aking biktima kahit na ito'y nagmamay-ari pa ng batong quartz. At kamatayan ang parusa sa mga gumagamit nito.
Itinaas ko ang sai at tinarak sa mismong dibdib ng lalaking bampira. Tuluyang kumalat sa hangin ang abo ng bampira.
BINABASA MO ANG
The Masked Princess
FantasyThe Masked Princess is a thriller-fantasy story that unfolds about life, friendship, love and trust. If you love to read about vampires and witches/wizards, I guess you will love this story... P.S. to all who were heartbroken: "Someday, someone will...