Chapter 4 - Untold Secrets

715 14 0
                                    

NAKIKITA ko ang sarili kong tumatakbo papasok ng isang malaking tarangkahan. Itinulak ko ito pabukas upang makapasok ako sa loob niyon. Nagkalat ang mga tuyong dahon sa paligid. Hindi ko maaninag ang lugar na kinaroroonan ko. May mga puting lapida akong nadaanan habang naglalakad kaya napagtanto kong nasa sementeryo ako. May mga buto at bungo rin akong nakita sa ilang bahagi. Hindi ko mawari kung mga buto iyon ng hayop o tao. Hindi ko na inusisa iyon at pinagpatuloy ang pagtakbo...

May mga humahabol sa aking mga nilalang na parang mga multo ang mga ito. Kung multo nga ba silang matatawag. Lumilipad ang mga ito, gula-gulanit ang itim na damit na mahaba, nakatago ang mga mukha sa loob ng itim nilang kaputsa at tanging mga naagnas na mga kamay lamang ang makikita. Ang bawat madaanan ng mga ito’y nalalanta at naninigas sa yelo. Nakalahad ang mga kamay nila. Waring inaabot ako…

Nakarating ako sa isang giba-gibang kapilya. Wasak ang bubong. Sira-sira ang mga pader. Nagkalat ang mga upuan. At may naghihingalong tao sa altar ng kapilya...

Isinara ko ang pinto. Nagbabaka-sakaling hindi makapasok ang mga humahabol sa akin. Saka ko tinungo ang kinaroroonan ng taong nakahandusay doon. Naliligo siya sa sariling dugo habang hinahabol ang kaniyang paghinga. Nang mapansin ako’y itinutok niya ang paningin niya sa’kin...

“Seri?”, tawag sa akin ng lalaki. Hindi ko makita ang mukha niya dahil sa madilim ang kinaroroonan ng lalaki. Nag-aalangan ako kung lalapit o mananatiling nakatayo sa gitna ng kapilya. Bago pa man ako makapag-desisyon ay bumukas na ang pintuan ng kapilya at naabutan ako ng mga humahabol sa’kin…

Hindi ko na sila mapigilan sa paglapit sa'kin. Nasa harapan ko na sila.

Naririnig ko ang mga binubulong nila na parang may gusto silang kunin sa'kin. Nahihilo ako. Sari-saring mga imahe ang nakikita ko habang parang minamartilyo ang ulo ko sa sobrang sakit. Hindi ko nakayanan ang matinding pagsakit ng ulo ko hanggang sa mawalan ako ng malay…

“Seriiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiii!...” ang huli kong narinig mula sa lalaki sa kabila ng paghihirap niya…

 ***

SYL'S POV:

NAPABALIKWAS ako ng bangon. Butil-butil ang mga pawis ko sa noo. Habol ko ang bawat paghinga ko na para bang doon ako umaamot ng lakas. Napahawak ako sa dibdib ko dahil sumasakit iyon. Marahan kong hinagod ang balat sa tapat ng puso ko.

Noong isang araw ko lang iyon napansin minsang naligo ako. Mapusyaw na puti iyon kaya hindi gaanong halata dahil maputi ako. Madalas din iyong sumakit kapag nananaginip ako ng hindi maganda. Gaya ng nangyari sa'kin ngayon lang.

Inilibot ko ang paningin sa paligid ko. Madilim pero alam kong nasa kwarto ko pa rin ako kaya hindi dapat ako matakot. Ngunit ang mga panaginip ko ay parang totoong nangyari sa hindi ko malamang kadahilanan.

Napabuntung-hininga ako. Isa na namang masamang panaginip. Halos gabi-gabi ay kakaiba ang mga panaginip ko na hindi ko lubos maintindihan.

At sino ang Seri na tinatawag ng lalaki sa panaginip ko? Hindi maaaring ako iyon dahil hindi ko pa nakikita ang lalaking iyon sa tanang buhay ko.

The Masked PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon