(Sana sa paglalahad kong ito ay magsilbing inspirasyon, aral at magbukas sa inyong kaalaman na ang lahat ng bagay ay may rason. Sana sa mga rebelasyong aking ilalahad ay huwag niyo akong husgahan. Isipin ang bawat sitwasyon bago ninyo ako tuluyang matain)
Ako po si Amerah, tubong Solana Cagayan.
Lumaki po ako sa malaking pamilya. Pawang pagsasaka ang kinabubuhay ng aking mga magulang. Sa murang edad ay namulat na ako sa maagang pagbabanat ng buto kumita lamang ng pambaon sa eskuwela. Sa hirap ng buhay ay wala akong ginawa kundi ang mangarap na sana balang araw ay yumaman din kami. Ang makatikim ng masasarap na pagkain at makapunta sa mga magagandang lugar.
Sa pagkakataong gipit kami sa pera ay naririnig ko ang minsanang pagtatalo ng aming mga magulang na dumarating sa puntong nagsisisihan sila kung bakit kami dumaming mga anak nila na siyang pahirap ngayon sa kanila. Sa mga ganoong pagkakataon ay hindi ko maiwasang magtanong sa Diyos. 'Bakit kami mahirap? Bakit kahit anong kayod ng mga magulang namin eh kahit pagkain man lang sa hapag ay hindi sasapat.'
Wala akong inisip noon kundi ang makapagtapos ng pag-aaral upang makatulong sa magulang ngunit hindi ganoon naging kadali para sa akin na makapag-aral dahil sa sunod-sunod kami noon ay high school pa lang ay halos magkanda-kuba-kuba na sina inang at itang para kahit high school man lang ay makatapos kami.
Mula sa pagtitiyaga, tiis at determinasyon ay naigapang ko ang aking pag-aaral sa high school. Walang araw at gabing hindi ako tumitigil sa pagtatrabaho upang may ipambayad lamang ako sa mga bayarin ko sa eskuwela at sa awa ng Diyos ay nakapagtapos din ako.
Alam kong sa puntong iyon ng buhay ko ay hindi na kayang pag-aralin ako sa kolehiyo kaya wala na akong nagawa kundi ang magtrabho bilang tindira sa isang palengke. Pinangarap kong makapag-ipon upang makapag-aral sa kolehiyo kahit vocational lamang ngunit sa tindi ng pangangailangan ng pamilya ko ay wala akong naipon hanggang sa makilala ko ang isang ale na minsang naging costumer sa palengke at doon ay nabuhayan ako ng pag-asa. Pag-asang maghahatid sa akin sa yamang aking pinapangarap.
Isang recruiter ang babae papunta sa bansang Saudi Arabia.
Dahil sa lugar namin ay masasabing ang nasa abroad lamang ang may kaya ay wala na akong atumbiling sumubok para sa aking pangarap. Sa edad na dise nueve ay natupad ko na ang pangarap kong makapag-abroad. Madaling pekehin ang lahat ng aking papeles upang makalipad ako ng walang maraming tanong lalo na sa usaping edad. Gamit ang pangalan ng nakakatanda kong kapatid ay tuluyan ko nang iniwan ang bansang sinilangan.
———>itutuloy
BINABASA MO ANG
PANAGHOY: Slave Mistress(Completed)
Historia CortaAng kuwentong ito ay hinalaw sa tunay na buhay ng isang taga pagbasa. Mga kuwentong tinago ng ngiti sa kabila ng karimlan. Buhay na nawasak pero bumabangon para sa pamilya. Isang makabagbag damdaming paglalahad sa isang kuwentong dumurog sa aking pu...