V. Alamat ng Jubang-Jubang (Ladybug)

216 8 0
                                    



Noong unang pahanon, sa kagubatan ay may bagong dating na nilalang. Siya ay maliit, kulay pula ang katawan at may batik-batik at bilugan na kulay itim. Siya ay may anim na paa - manipis at baliko. Hindi siya mukhang Leyon o Tigre. Hindi rin mukhang Ibon o Paniki.

Isang araw, nakasalubong ni Tutubi ang bagong dating na nilalang.

"Ikaw yung bagong dating dito sa kagubatan. Naaalala ko noong bagong dating ako rito. Subalit, mayroon na kong pangalan noong simula pa lang."

Nalungkot ang bagong dating na nilalang dahil sa sinabi ni Tutubi.

"Sana ay mahanap ko ang aking pinagmulan. O kung mayroon sana magbigay sa akin ng pangalan ay tiyak na ikagagalak ko ng lubusan. Ano ang iyong ngalan?"

"Ako si Tutubi. Ikinagagalak kita makilala. Kailangan ko na muna umalis kaibigan. Hanggang sa muli!"

Ang araw ay lumubog na at ang buwan ay lumitaw pagkatapos. Ang bagong dating na nilalang ay nakatayo sa isang basang dahon. Siya ay napansin ni Salagubang.

"Kumusta? Ako ay si Salagubang. Ang balita ay wala ka pang pangalan. Tayo ay mayroong pagkakahawig sa itsura. Marahil ay nagsisimula rin sa SALA ang iyong pangalan?"

"Hindi ko sigurado. Ang alam ko lang ay wala akong malaking problema sa kakulangan ko ng pangalan. Ngunit kung mabibiyayaan ako ng pangalan ay lubos kong ipagpapasalamat ito."

Lumipas na ang mga taon, ang kagubatan ay nalagasan na ng mga puno. May mga bagong puno rin naman na umusbong. Ang mga hayop ay nagkaroon na ng mga anak at ang iba ay lumipat na ng ibang gubat.

Sa kabila ng mga pagbabago, may isang matandang puno, ang nanatili na nakatayo pa. Ang matandang puno na ito ay lugar kung saan nakatira si Walang Pangalan. Ang matandang puno ay nagwika,

"Kaibigan, sana'y mahanap mo ang iyong pagkakakilanlan. Ang buhay ko ay hindi na magtatagal, dahil sa mga tao na ilegal na pumuputol ng matatandang puno na katulad ko."

"Malulungkot ako kaibigan, kapag nawala ka. Simula ng aking pagdating dito sa gubat, ay sa iyo na ako nakatira. Ikaw ang palagi kong kausap at dahil sa iyong sinabi, ay mas lalo ako nabahala sa aking kinabukasan."

Dumating na nga araw na kinatatakutan ni Walang Pangalan at ni Matandang Puno. May mga tao na dumating sa kanilang harapan. Bumulong si Matandang Puno,

"Sila yung mga pumuputol ng puno! Tumakas ka na kaibigan!"

Ang mga tao ay naghanda na ng mga kagamitan nila. Inilabas nila ang malaking lagari at machete, na talaga naman matutulis at kumikintab sa tuwing nasisinagan ng araw. Nang sisimulan na nilang putulin ang matandang puno, napansin ng isa si Walang Pangalan. Napatigil siya at nagwika,

"Uy! Tignan ninyo oh! May Jubang-Jubang sa tangkay ng puno! Kuha kayo ng kahon ng posporo, dali!"

Nanlaki ang mga mata at ngiti nila Matandang Puno at ni dating walang pangalan, na ngayon ay kilala na bilang si Jubang-Jubang. Kumaripas ng lipad si Jubang-Jubang paitaas sa langit. At nagsirko-sirko pa na lumipad sa buong kagubatan. Habang sa ibaba niya ay marahas na pinagtataga ng mga tao si Matandang Puno. Maririnig ang kanyang mga sigaw ng hinagpis at panaghoy.

Mahihinuha sa ating kuwento na makasarili ang sinuman na nagkaroon ng magandang bagay sa kanilang buhay. Ang sinuman na nalulungkot at nasa gitna ng matinding problema ay mababa ang pagtingin sa mundo at napapansin niya ang bawat tao na dumadamay sa kanya. Sa sandaling malunasan na ang problema ng tao ay makakalimutan na niya ang nakalipas. Siya ay lilipad ng mataas at hindi na bababa. Hindi na siya lilingon, at kakalimutan na niya magpasalamat.



- W A K A S -

Mga Pekeng Alamat  #TWAAJulyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon