(Babala : Ang kuwentong ito ay naglalaman ng kadiri at nakakasuka na pangyayari. Mag-ingat po kayo. Salamat sa pagbasa!)
Noong unang panahon, hindi pa uso ang bigas, sa lupain ng Ehipto. Rito ay may isang higante na pangalan ay Jonas. Ang higanteng si Jonas ay mahilig kumain ng bato at buhangin dahil hindi pa naiimbento ang pagkain noon.
Isang araw, naglalakad si Jonas sa disyerto ng Ehipto nang mapansin niya ang isang kuweba ng mga anito. Hitik sa kulay na ginto at kumikinang ang mga anito, lalo na sa tuwing natatamaan ng sinag ng araw. Mabilis na tumakbo si higanteng Jonas sa kinaroroonan ng mga gintong anito. Hinimas-himas niya ang mga ito, at siya ay naglalaway na sa gutom.
At ang sumunod na nangyari ay, sinimulang kainin ni Jonas ang mga gintong anito. Matakaw ang bawat pagkagat niya. Madali niyang naubos ang mga ito, sa loob lamang ng isang minuto! Sa pagkabusog, masarap na humiga si Jonas upang magpahinga.
Sumapit ang dapit-hapon, nagising si Jonas dahil sumakit bigla ang tiyan niya. Dali-dali siya tumayo at lumingon-lingon. Siya ay nasa harap ng kuweba kung kaya't naisip niya na pumasok doon. Madilim ang looban ng kuweba ngunit hindi na nag-alinlangan, umupo si Jonas.
Makikita ang tumataeng higante, mukhang matigas ang kanyang ilalabas. Sa sobrang ire, pawis niya ay lumabas. Tagaktak ang butil ng pawis ni Jonas at ang mukha niya ay parang pilipit na ubas. Ilang minuto pa ang lumipas, ay natapos nang tumae si Jonas. Sa pagbagsak ng isang tae niya, ay dumagundong ang lupa. Nang tignan ni Jonas ang tae niya ay nagulantang siya. Ito ay hugis tatsulok (trayangulo). Tatsulok at kulay ginto ang tae ng higanteng ito.
Ang tae ni Jonas ay nagsimulang bumaon sa lupang buhangin. Dahan-dahan itong lumulubog. Tumakbo siya papalayo upang hindi mapasama sa pagbagsak. Ang kuweba ay nagsimula na rin gumuho. Sa mga nangyari na ito ay hindi makapaniwala ang higanteng si Jonas.
Ito na nga ang naging alamat, kung paano nagsimula ang pagbuo ng mga sinaunang Pyramid sa Ehipto. At ang tae ni Jonas na isang higante, ang pinakaunang Pyramid sa buong mundo. Ang mga lokal na residente ng Ehipto ay naging interesado sa balitang ito. Naisip nila na puwede nila pagkakitaan ang gintong tae. Kaya inalok nila si Jonas na gawin ulit ito.
Sa kalagitnaan ng disyerto, kung saan nagtitipon-tipon ang mga tao kapag may piyesta. Rito ay nakatayo ang tatlong gintong tae ni Jonas. Tatlong Pyramid. Sa paglipas ng panahon, natunaw ang tatlong taeng hugis Pyramid. Natunaw ang mga ito dahil sa matinding sikat ng araw. Bumaha ng likidong tae sa buong Ehipto. Nabalutan ng tae ang mga bahay. Kumalat din ang sakit dahil sa amoy ng mabahong tae. Nalunod at namatay ang mga tao sa basang tae ni Jonas.
Dahil sa nangyari, nag-desisyon ang hari ng Ehipto na parusahan ang higanteng si Jonas. Pinugutan siya ng dila upang hindi na makakain. Tinakpan din ang butas ng puwet niya.
Namatay si higanteng Jonas pagkalipas ng isang linggo. At ito na nga ang pinaka-unang Pyramid Scam sa buong mundo.
- W A K A S -
BINABASA MO ANG
Mga Pekeng Alamat #TWAAJuly
General FictionPinakamataas na parangal: #1 sa kategorya ng Alamat [ika-walo ng Hulyo, 2018] Paalala: Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pekeng kuwento at kasaysayan ng mga bagay at pangyayari. Hindi pinapayuhan ang mga magbabasa na maniwala sa mga nakasaad...