VIII. Alamat ng Brand X

133 4 0
                                    



(Paalala: Ang kuwentong ito ay binubuo ng maraming salita. Huwag bilangin kung ilan.)

Magsisimula ang kuwento sa panahon na moderno na ang pamumuhay ng mga tao. Konkreto ang kalsada, siksikan ang mga kotse, truck, at jeepney sa mahabang highway. Ang mga gusali sa siyudad ay napakataas at puno ng mga bintana sa bawat palapag.

Isa sa mga gusali na ito ang isang kumpanya ng sabong panlaba. Ang pangalan ng kumpanya na ito ay Brand Expert. Hindi na sila bago sa negosyo at kalakaran ng mga sabon ngunit hindi rin naman sila naging una sa mga survey at pagiging sikat na brand. Sila ay nasa ikaapat sa brand ng mga sabong panlaba sa buong bansa.

Habang nasa meeting ang board members ng kumpanya, nagpaplano sila ng mga bagong taktika kung paano sisikat ang kanilang produkto na Expert Detergent Soap. Sa pagpupulong nga naganap, may isang ginoo na ngalan ay Mr. Domen, siya ay nagmungkahi ng isang ideya;

"Naisip ko, bakit hindi tayo gumawa ng isang patalastas na ikukumpara natin ang Expert Detergent sa ibang brand ng sabon?" mungkahi ni Mr. Domen

Ang may-ari ng kumpanya na si Mrs. Esperto ay namangha sa ideya na ito. Gayundin naman ang ibang miyembro ng kumpanya ay napa-palakpak.

Kinabukasan, nagsimula na ang produksyon ng patalastas na ito. Kinakabahan ang lahat dahil hindi pa nagagawa ng kahit anong kumpanya ang ganitong uri ng patalastas. Napagdesisyunan nila na gamitin ang Arnel's Detergent na kompetisyon sa gagawing patalastas dahil pangatlo ito sa ratings. Hindi nila pinili ang una at pangalawang brand dahil masyadong delikado kung sisiraan nila ang mga ito.

Ang patalastas ay magsisimula sa paglatag ng dalawang puting tela sa lamesa. May mantsa ang dalawang tela na natuyong putik. Naroon din sa lamesa ang dalawang bareta ng sabon. Ang isa ay sa Arnel's at ang isa naman ay sa Expert. Subalit ang sabon ng Arnel's ay pinalitan nila ng ibang bagay – isang pekeng sabon na gawa sa plastic. Ipinakita dito na mas epektibo nga ang sabon ng Expert upang matanggal ang mantsa. Natapos na ang pagkuha sa eksena na ito.

Isang linggo matapos ang produksyon, handa na upang i-ere ang patalastas nila.

Nagulantang ang mga tao na nakapanood nito. Sa mga baranggay, usap-usapan ang kakaibang patalastas na ito. Halo-halo ang mga naging reaksyon, at kuro-kuro ng mga tao. At sa panig naman ng mga kumpanya ay sobra sila nagulat sa napanood nila, lalong-lalo na ang Arnel's. Dahil sa ginawang patalastas ng Brand Expert, nagalit ang may-ari ng kumpanya ng Arnel's.

Kung kaya, ang ginawa nilang aksyon ay idemanda ang Brand Expert. Sa korte ay kinasuhan sina Mr. Domen at Mrs. Esperto ng paninirang puri, maging ang sampu ng mga board members ng kumpanya.

Ngunit dahil sa patalastas na ginawa ng Brand Expert, na-enganyo ang iba pang kumpanya na gumawa ng mga mas kaaya-aya na mga patalastas. Sa halip na ang gamitin nila ay ang tunay na pangalan ng kumpanya, ginamit nila ang Brand Expert na maging kompetisyon ngunit pinalitan nila ito ng Brand X.

At dahil sa mga patalastas sa radyo at telebisyon, nagpadala ng mga espiya ang Brand Expert sa lahat ng kumpanya ng sabon, upang malaman nila kung sila ba ang Brand X sa mga patalastas na ito – hindi sila nagkamali sa kanilang akala. Nang malaman nga nila na sinisiraan sila ng lahat ng kumpanya na kakumpetisyon nila, nagsimula na rin malugi ang Brand Expert sa merkado.

Mahihinuha sa kuwento ang pinagmulan ng paggamit sa Brand X sa mga patalastas sa kasalukuyan na panahon. Ito ay dahil sa paninirang puri at katangahan. Katangahan dahil mali ang taktika na ginamit ng Brand Expert. Hindi nila dapat ginamit ang tunay na pangalan ng gusto nila siraan.



- W A K A S -

Mga Pekeng Alamat  #TWAAJulyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon