Agad na naglakad papunta sa punong bulwagan ang Arsimago. Naabutan nya doong naghihintay ang apat na miyembro ng Elementos at nag-uusap. Bigla silang tumahimik at tumayo bilang paggalang sa pagdating ng pinuno. Ang miyembro ng Elementos ay ang nagsisilbing tagapangalaga ng mga susi ng silid ng Minokawa. Hindi ito mabubuksan kung mawawala ang isa, maliban na lamang kung gagamitin ng Arsimago ang kanyang susi na kayang buksan ang lahat. Ang Elementos din ang tumatayong kinatawan ng Arsimago sa mga pagpupulong at mahahalagang okasyong hindi nya sabay-sabay na mapuntahan. Sila din ang humahaliling tagapanguna sa pagpupulong ng Consilio sa mga sandaling wala ang Arsimago. Tungkulin din nilang ipagtanggol ang Arsimago at ang templo sa abot ng kanilang makakaya. Sa araw-araw ay nagpupulong sila upang ibahagi sa Arsimago ang lahat ng nangyari sa buong araw."Sumaatin ang liwanag.", bati ng pinuno. "At manatili kailanman.", tugon naman ng apat.
"Ano ang inyong pinagkakaguluhan?", mariing usisa ng Arsimago.
"Kataas-taasan, nagpadala po ng atas ang mataas na hukuman na nagpapawalang bisa sa inyong utos na isara ang mga lagusan at bawalan ang sinuman na lumabas at pumasok sa Magikhayo. Isa daw po itong paglabag sa saligang kautusan.", pag-uulat ni Mago Allegory.
"Inutil na Cortez! Hindi ba nila naiintidihan ang tindi ng suliraning ating hinaharap?", galit na wika ng pinuno.
"Kung gusto nyo po ay maari nating isuspende ang batas at ipatupad ang batas konstabular.", anyaya ni Magi Rosetta.
"Tiyak na magdudulot iyan ng negatibong reaksyon mula sa mga mamayan. Kailangan natin ng sapat na ebidensyang magpapatunay sa lahat na kailangan nating isuspende ang saligang kautusan", saway ni Allegory.
"Ano pa bang gusto nila eh bumagsak na nga ang Haliya?", yamot na sabat ni Golan.
"Maari itong maging dahilan ng pagbagsak ng tiwala sa Templo at sa Arsimago. Sigurado ding magiging hati ang reaksyon ng Consilio kung gagawin natin ito", sabi naman ni Prisbe.
"Impertinenteng Magnus Cortez! Marunong talaga sa pulitika ang Excelsis. Alam kong alam nya na magiging problema natin ito. Siguradong sasamantalahin nya ang sitwasyon sakaling magpatupad ako ng batas konstabular!", inis na sagot ng Arsimago sabay nanahimik ng kaunti at huminga ng malalim.
"Subalit sa kabilang banda, mas importante ang kaligtasan ng Magikhayo kaysa ano pa man. Sige, magpatawag kayo ng kumperensya bukas ng umaga. Kailangang maibaba ang utos sa lalong madaling panahon. Kung hindi ay baka huli na ang lahat." utos ng pinuno.
Samantala, habang balisa ang mga tao sa templo ay nagsasaya naman ang Excelsis Pretor na si Mago Marcelo Dela Vierra sa kanyang mansyon. Hawak ang kopitang may alak sa kanyang kaliwang kamay habang nakaupo sa mahabang mesa at naghahapunan. Kasama nya sa mesa ang walo pang pretor ng Cortez, ang Gobernador ng Lumeria at Prisetta, Ilang mabababa at matataas na opisyal ng Konstableng lokal at Pangkalahatan, gayundin ang ilang miyembro konsehong Mitikus at mga kinatawan ng ibat-ibang estado.
"Hindi magtatagal at babagsak na ang tiwala ng mga tao sa templo at sa Arsimago. Malapit ka nang maging tunay na pinuno ng lahat mahal na Excelsis.", ani Mago Razol ng Prisetta. Sabay nagtawanan ang lahat.
"Hindi sapat sa aking mapalitan ang Arsimago sa pwesto. Gusto ko ay mawala din sya sa Magikhayo! Hanggat naririto sya, hindi magiging sigurado ang pag-upo ko sa trono! Kaya naman sisiguraduhin nyong lahat ang kanyang pagbagsak!", utos ng Excelsis kasunod ang malakas na halakhak.
"Tiyak na tiyak na na mangyayari iyan. Mayroon tayong sapat na bilang sa lahat ng sangay ng pamahalaan. Kawawang Arsimago. Wala syang kaalam-alam.",pahayag ng kinatawan ng mga kapre na sinundan din ng malakas na tawanan ng lahat.
Lumalalim na ang gabi habang palalim na din ng palalim ang suliraning kakaharapin ng mundo ng Magikhayo.
BINABASA MO ANG
Magikhayo
FanfictionIsang labanan ang napipintong maganap sa isang daigdig na ikinubli sa mata ng mga mortal. Isang magiko ang nakatakda na sagipin ang lahat ng nilalang. Pasukin ang mundo kung saan namumuhay ang mga alamat. Tuklasin ang hiwaga at sagutin ang misteryo...