Chapter 1: Ang Pagbagsak Ng Haliya

117 1 0
                                    


"Bumagsak ang Haliya! Nakawala ang Bakunawa! Mag-ingat at magsipagtago kayo!", sigaw ng isang matipunong nilalang na may katawang gaya ng sa tao ngunit may ulo, kamay, paa at pakpak na gaya ng sa agila at kilala sa tawag na garuda. Sa mundong ito, ang mga garuda ang nagsisilbing kawal sa mga pangunahing gusali at mahahalagang lugar. Kabilang na dito ang Haliya, isang piitang balot ng karimlan, kung saan iginagapos at ikinukulong ang pinakamababagsik at pinaka mapanganib na mga magiko at iba pang mahiwagang nilalang. Ang mga garuda ang pinakapinangingilagan at pinakanakakatakot sa lahat. Gayunpaman, mababakas mo sa mukha ng isang ito ang takot at ang pagod mula sa malayong paglipad. Kita rin ang bawat sugat at galos sa kanyang katawan na maaring natamo sa kunsaan mang bakbakan. Agad-agad ay tumungo ito sa nagiisang templo sa gitna ng lungsod habang patuloy ang pagsigaw sa kanyang babala. Nabalot pa ng pagkabahala ang kanyang puso nang makitang walang nakikinig sa kanya at karamihan sa mga magikong nakakakita sa kanya ay parang nagtataka o maaaring namamangha sapagkat kaiba ito sa mga garudang karaniwan na nilang nakikita. Isa pa, hindi sila sigurado sa sinasabi nito sapagkat ang kwento ng Bakunawa ay parang naging isa nang alamat sa karamihan sa kanila.

Maya-maya pa ay narating na niya ang sentro ng kapangyarihan sa Magikhayo, ang Magiton. Ito ay isang maringal na templo na may mga haliging gawa sa maputi at matingkad na bato na napapalamutian ng mga adornong Jade at ginto. Mayroon itong apat na tore sa bawat sulok na may taas na 400 talampakan bawat isa at nakakabit sa isang mas mataas na toreng nasa 700 talampakan sa gitna at pinagdudugtong ng mga haliging tulay. Ang bawat tore ay may insinya ng apoy, tubig, hangin at lupa habang ang gitnang tore ay may insinya ng liwanag. Ang bungad ay isang malaking istruktura na nagsisilbing bulwagan na kahawig ng Parthenon sa bansang Greece at direktang nakakabit sa gitnang tore. Ang harapan ng bulwagan ay may pitong haligi na kumakatawan sa Pitong lungsod ng Magikhayo, ang Magiton, Estoria, Mysto, Uldama, Prisetta, Gibbon at Lumeria. Halos mapaluhod ang garuda nang bumagsak ito sa bungad ng templo ng Magiton. Pinilit nyang tumayo upang akyatin ang facade ng templo na halos may dalawampu't limang baitang. Isa, naramdaman nya ang bigat ng kanyang katawan. Dalawa, Sumabay din ang kirot sa kanyang kanang binti dulot ng sugat mula sa matatalim na kuko ng Bakunawa. Tatlo, muling bumalik sa kanyang ala-ala ang muka ng isang nilalang na hindi nya ninais makita kailanman. Apat, unti-unting pumatak ang luha sa kanyang mga mata habang naaalala ang mga kasama na walang awang pinaslang ng anino ng isang tao. Nakita nya itong nagbuga ng kung anong maitim na usok na mas maitim pa sa karimlang bumabalot sa Haliya. Hindi, nakita nya itong huminga ng kamatayan sapagkat ang kamatayan ay siya. Lima, unti-unting nawawala ang kanyang ulirat hanggang ang kanyang katawan ay lubusang bumagsak sa ikalimang baitang ng hagdanan. Nagdilim ang paligid at hindi na nya alam ang sunod na nangyari.

"Halika tulungan natin.", anyaya ng isang tinig. "Hindi ba mananakit iyan?",ang nangangambang tanong naman ng isa. "Kailangan natin syang tulungan. Mukang hindi maganda ang dala nyang balita. Madali! Dalhin natin siya sa Punong Magiko.", sigaw ng mas nakatatandang kinari, isang maamong nilalang na may magandang mukha na kinaiibigan ng sinuman at may mga kamay na nagiging pakpak sa sandaling kailangan niyang lumipad. Agad na dinala ng mga batang kinari ang garuda sa Punong Mago.

MagikhayoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon