Chapter 4: Ang May Marka ng Sarimanok

47 0 0
                                        


Tahimik n Inihatid ng dalawang munting nilalang ang Arsimago papunta sa tanggapan ng Maestro Heneral. Dumaan sila sa isang pasilyo na punong puno ng mga memorabilia. Nandoong nakasabit ang mga luma nang larawan ng kung sinu-sinong tao. May ilang pamilyar sa pinuno at may ilan namang tanging pangalan na lamang sa ibaba ng larawan ang nagpapaalala. May mga nakalagay ding kung anu-anong bagay sa mga gilid tulad ng lumang baluti ng mga sinaunang magiko, mga ulo ng mga malalaking hayop, lumang mga palakol at espada, mga rebulto at kung anu-ano pa. Subalit ang kapansin-pansin sa lahat, ay ang nakasilid sa lagayang salamin. Ito'y isang balabal na kulay lila na may mga puting linyang gumagapang sa iba't-ibang dako ng tela. Nang-aakit ang matingkad nitong kulay na para bang isang mahalaga at dakilang tao ang nagsuot nito. Nakalagay ito sa dulo ng pasilyo kung saan naghihiwalay ang daan sa kaliwa at kanan. Parang sinadya itong ilagay sa lugar na iyon upang mas mabigyan ng halaga at atensyon kumpara sa iba pang bagay na naroroon. Pagdating nila sa dulong kinaroroonan ng balabal ay kumaliwa sila. Ilang hakbang pa at narating nila ang tanggapin ng Maestro Heneral. Kumatok ang isa sa mga duwende at nang bumukas ang pinto ay nakayukong tumalikod at umalis.

"Luistro! Sa wakas. Tuloy ka kaibigan." paunang bati ng Maestro. "Mukhang malaki na ang iyong itinanda mula nang huli tayong magkita. Sabagay, limang taon ka na ding Arsimago. Kahit ako man ay tatanda rin sa posisyong iyon!", pagbibiro ng Maestro, kasunod ng isang malakas na halakhak. Masayahing tao ang Maestro. Marami sya palaging baong kwento at palaging nakangiti o tumatawa. Malayong-malayo siya sa ugali ng Arsimago na tahimik, mainipin at bihirang ngumiti. Kataka-taka kung paano sila naging matalik na magkaibigan. "At ikaw naman ay hindi pa din nagbabago Leopardo. Masayahin pa din kahit tumatanda na.", sagot naman ng Arsimago. "Sinong matanda? Ako? Hindi ano!", tugon ng Maestro, sabay pilit na binuhat ang kahong nakapatong sa isang upuan na mukang may kabigatan. Sinusubukan nya itong ilipat sa ibabaw ng kanyang mesa ngunit kaunting angat pa lamang ay halata nang nabibigatan ito dahil sa hindi maipintang mukang. Nang malapit na sya sa mesa ay muntik na niya itong mabitawan. Agad namang hinawakan ng Arsimago ang kahon upang alalayan ang kaibigan. Nang maipatong nila ang kahon ay agad silang nagtawanan. Noon lamang muling napatawa ang Arsimago ng ganoon. Parang nakalimot siya sa malaking problema na kanyang kinakaharap. Kagyat na natapos ang tawanan nang nagtanong na si Luistro.

"Leopardo, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Naparito ako dahil sa iyong liham. Maari ko bang makita at makilala ang sugo upang makita ko kung sya na nga?", mariing usisa ng Arsimago. Sa sandaling iyon, sa unang pagkakataon, ay doon naman nakita ni Luistro ang pagkabahala sa mukha ng Maestro. "Bueno, dahil nagmamadali ka. Sige, ipapakita ko sya sayo. Ngunit, sasabihan na kita. Wag kang masyadong aasa." seryosong sagot ng Maestro. Biglang kinabahan ang Arsimago. Batid niyang hindi nagbibiro ang kaibigan ngunit ano ang ibig nyang sabihin dito. Maari kayang hindi ito sigurado sa sugong ipapakilala niya?

Naglakad papunta sa pintuan si Leopardus, dumungaw sya sa pasilyo at sabay sumigaw,"Elvira! Dalhin mo dito ang pakay ng Arsimago.". Ilang sandali pa ay may narinig na silang tunog ng gulong na tumatama sa sahig at papalapit sa kanilang silid. Bago pa man makalapit sa pintuan ang tunog ay isang sanggol ang umiyak. Lalong kinabahan ang Arsimago. Pagbukas ng pinto ay tumambad sa kanila ang isang stroller na may nakahigang sanggol. Nanlaki ang mga mata ng Arsimago at muntikan na syang mapaupo sa kanyang kinatatayuan. "Leopardo! Ang ibig sabihin nito?, ako ba'y niloloko mo?", pasigaw at naiinis na wika ni Luistro. Bago pa sya makapagsalita pang lalo ay tinanggal ni Elvira ang nakatakip na tela sa katawan ng bata at tumambad kay Luistro ang marka ng sarimanok sa may bandang balikat ng bata. Lumuhod si Luistro upang tingnan itong mabuti. Hindi sya maaring magkamali. Ito na nga ang marka ng sugo. Biglang tumahan ang bata. Itinaas nito ang kamay at pilit na inaabot ang bigote ng Arsimago. Inilapit naman nito ang mangiyak-ngiyak niyang mukha. Humawak ang sanggol sa kanyang pisngi at doon, sa sandaling iyon ay may kung anong malakas na kapangyarihang gumapang mula sa kamay ng bata papunta sa kanyang mukha at sa kanyang buong katawan. Bigla ding nagliwanag ang kanyang medalyon na parang tumutugon sa nilalang na nasa kanyang harapan. Tumayo ang Arsimago. Masaya siya sa nasaksihan ngunit labis syang naguguluhan. Paano ito? Sigurado syang ito ang sugo ngunit sigurado din syang hindi pa nito kayang lumaban. Ano mang sandali ay siguradong sasalakay na ang Bakunawa at ang kung sinumang nilalang na nagpakawala dito.

"Sino pa ang ibang nakakaalam nito maliban sa inyong dalawa?" tanong niya sa dalawa. "Wala na. Minabuti kong gawin itong lihim dahil nais kong ikaw muna ang makaalam. Namatay ang ina ng sanggol matapos syang isilang tatlong araw na ang nakakaraan." tugon ng Maestro. "Tatlong araw? Ibig sabihin, isinilang ang sanggol sa araw na sinalakay ang Haliya. Hanapan ninyo ng naangkop na medalyon ang bata. Kailangan makontrol ang kanyang kapangyarihan. Sa lakas nito ay hindi malayong maramdaman ito ng kalaban.Babalik na muna ako sa templo at iiwan ko sya dito. Nais kong kayo ang mag-alaga. Palakasin at palakihin nyo sya ng naaayon sa itinadhana para sa kanya." habilin ng Arsimago. "Masusunod Luistro." sagot ni Leopardus. "May pangalan na ba kayo sa kanya?" tanong ni Luistro. "Wala pa po mahal na Arsimago. Kung inyo pong mamarapatin ay maari na pong kayo ang magbigay ng pangalan.Hiniling ng kanyang ina na kayo raw po ang nais nyang magbigay ng pangalan sa kanyang munting dilag" tugon naman ni Elvira. "Ah, isa pala syang babae. Sige, mula ngayon ay tatawagin ka nang Alunsina." sabi ng Arsimago sabay halik sa noo ng munting anghel.

MagikhayoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon