"Edoras! Edoras! Naririnig mo ba ako? Magsalita ka.", isang tinig na waring may pangamba at may pagmamadali ang narinig ng garuda na kanina'y humandusay sa baitang ng templo. Ang tinig ay nanggagaling sa isang matandang lalaki na alam na alam niya kung kanino. Maya-maya pa'y iminulat niya ang kanyang mga mata at nakita ang tumatawag na nakatayo sa kanyang gawing kanan. Hindi nga siya nagkamali. Ito na nga ang taong pakay niyang makausap, ang taong dapat na makaalam ng dala niyang masamang balita; walang iba kundi si Arsimago Luistro, ang punong mago ng Magikhayo at tagapamahala ng templo ng Magiton. Sya ang taong kinikilalang pinakamalakas sa lahat.Hindi pa din ito nagbabago kahit mahigit sampung taon na niya itong hindi nakikita. Bagama't tumanda na at halos pumuti na ang kanyang mahabang buhok, at may kahabaan na din ng di hamak sa karamihan ang kanyang bigote at balbas, siya'y mukang kagalang galang at kamangha-mangha pa din. Ang suot niya ay isang kulay puting mahabang damit. May balabal din syang lalong makintab na puti na may palamuting etniko na nagkukulay ginto. Sa kanyang kaliwang kamay ay may hawak syang mahabang puting tungkod na may dulong parang isang agilang nakabuka ang bagwis. Ang mga paa nito'y may tangan na isang makintab na puting bola na parang may maliwanag na usok na di mapakali at gustong kumawala mula sa loob. Ang katawan ng tungkod ay pinapalumpunan ng isang larawan ng pulang dragon na pilit inaabot ang bola sa kuko ng agila.
"Edoras, magsalita ka. Anong nangyari sa iyo? At bakit ka napadpad dito?", isa na namang nagmamadaling tanong ng Arsimago. Pinilit ikwento ni Edoras ang nangyari at sa sandaling iyon ay nakita nya sa unang pagkakataon ang mukha ng Arsimago na may halong pangamba. Halos hindi ito makasalita at sandaling nawala sa sarili ngunit mabilis ding nagmadali ng lakad palabas ng silid.
Halos madapa-dapang humangos ng lakad ang Arsimago Luistro. Nagtungo sya sa punong bulwagan. Ang punong bulwagan ay may isang malaking upuan sa gitna na may disenyong hango sa liwanag. Sa magkabilang gilid ay may tigdalawang upuan na halos kasing ganda ngunit mas maliit kaysa sa nasa gitna. Ang isa'y may disenyong apoy, sa isa ay tubig, at hangin at lupa naman sa dalawa pa. Mayroon itong mesa sa harapan. Makababa ng tatlong baitang ay isa pang mesa ang nasa gitna na kung titingnan sa itaas ay parang nasa hugis "T" ang posisyon ng dalawang mesa. Sa magkabilang gilid ng mesa sa ibaba ay may tig tatlong upuan. Ang disenyo ng mga upuan ay simple at pare-pareho lamang. Sa magkabilang gilid naman ng bulwagan ay may tig limang baitang-baitang na upuan. Naupo ang Arsimago sa gitnang upuan. Walang anu-ano'y tinuktok niya ng may kalakasan ang sahig gamit ang kanyang tungkod. Ilang sandali pa ay nagliwanag ang buong paligid dahil sa sabayang pag-ilaw ng mga ilawang nasa mga gilid ng silid. Bigla ding may kung anong liwanag ang pumakawala mula sa puting bola ng kanyang tungkod at mabilis na pumaitaas at lumabas mula sa bubungan ng bulwagan bagama't wala itong butas. Sa himpapawid ay naghiwa-hiwalay ito sa mas maliliit na liwanag na dagliang nagliparan sa iba't ibang dako. Ilang oras lamang ang dumaan at sunud-sunod na nagdatingan ang mga humahangos na mga kumpol ng puting liwanag na animoy buhangin. Unti-unti ay nabuo sila sa anyo ng mga tao. Unang dumating ang apat na myembro ng Elementos, si Magi Rosetta ang tagapangasiwa ng elementong hangin, Si Magi Prisbe ang tagapangasiwa ng tubig, si Mago Golan ang tagapangasiwa ng lupa at si Mago Allegory ang sa apoy. Sinundan sila ng Hexecutus o ang anim na tagapamahala ng anim na bayan ng Magikhayo na sina Magi Romana ng Estoria, Magi Stella ng Mysto, Mago Genaro ng Uldama, Mago Razol ng Prisetta, Mago Mojico ng Gibbon at Mago Raykko ng Lumeria. Kasunod na din nila ang tig- aapat na kinatawang mago sa bawat bayan at ang mga miyembro ng Mitikus o konseho ng mga maaalamat na nilalang sa buong Magikhayo.
Hindi magkamayaw ang ingay sa loob ng bulwagan, bawat isa ay nagtatanong kung ano ang paksa ng biglaang pagpupulong. May ibang nakarinig na ng bali-balita ngunit hindi tiyak kung ito ay tama. May iba namang nagmamasid at naghihintay ng tahimik.
"Sumaatin nawa ang liwanag." paunang bati ng Arsimago. "At manatili kailanman." ang sabayang tugon naman ng lahat. "Ngayong gabi, ay ikinalulungkot kong ibalita sa inyo ang pagbagsak ng Haliya. Napatay ang ating magiting na taga-pangasiwa na si Magi Adelara. Nakawala rin pati ang mga presong nakakulong duon.", salaysay ng Arsimago. "Paano na ang Bakunawa?" tanong ng isang nasa pulong. "Nakawala rin ito.", ani ng pinuno. Umalingawngaw ang takot sa buong bulwagan. "Subalit sinu-sino ang lumusob at gaano sila kadami? Parang napakaimposibleng natalo ang ating mga tagabantay. Hindi kaya pinagtaksilan tayo ng ating mga garuda?" tanong ng isang mago. "Imposible iyan! Hindi magagawa ng mga garuda ang magtaksil!", mariing pagtutol naman ng kinatawan ng mga garuda. Nagkagulo ang mga kinatawan at ang bawat isa'y may kanya kanyang sinasabi. "Tahimik! Tumahimik kayo!" sigaw ng Arsimago."Walang kinalaman ang mga garuda, sapagkat ang lahat ng bantay sa Haliya ay patay na.", patuloy pa niya. Bagay na ikinabigla na naman ng lahat. "Hindi pa tiyak kung sino ang nilalang na ito. Gayun pa man, nakatitiyak tayo na malakas ang ating kalaban. Oo, nag iisa lamang siya.",patuloy pa niya. "Mga kasama, alam naman natin ang panganib na dala ng Bakunawa. Kayang kaya nitong lipulin ang ating mundo at ang mundo sa ibabaw. Palagay ko ay alam nyo na na isa na lamang ang natitira nating pag-asa. Kaya naman, iminumungkahi ko sa kagalang-galang na konsehong ito na pakawalan na ang Minokawa!", mungkahi ni Mago Razol. Nag-ingay ang mababang lupon bilang pagsang-ayon. "Tahimik! Nakalimutan na ba ninyo na kailangan ng tao na may kakayahang magpasunod sa Minokawa?!", sawat naman ng pinuno. "Hindi ba't ang Elementos ang pinakamalalakas na Mago sa buong Magikhayo? Wala ba sa inyo ang may kakayahang magpasunod dito?", mapangahas na tanong ng isa. "Wala! Sapagkat wala sa amin ang itinakda. Kami ang itinalagang susi ngunit hindi kami ang itinakdang tagapangasiwa.", paliwanag ng pinuno. "Aalis ako upang hanapin ang itinakda. Ang Elementos ang itatalaga kong pansamantalang tagapamahala sa Magikhayo. Sa ngayon, inaatasan ko ang konsehong ito na ibalik sa ayos ang Haliya at hulihin at muling ikulong ang mga nakawalang preso. Ang mga dating garudang Haliya ay papalitan ng mga Tayho. Ipakalat ang mga Sarimao sa lahat ng dako upang mapadali ang paghanap sa mga bilanggo.Gayundin, ipabatid kay Magi Alicia na sya ang bagong talagang Bisor na mamumuno sa bagong pamunuan ng Haliya. Isara ang bawat lagusan papasok at palabas at siguraduhing walang makakapasok at walang makakalabas sa mundong ito maliban kung may pahintulot ng Elementos.", habilin ng Arsimago. "Tinatapos ko na ang pagpupulong na ito. Naway, patnubayan tayo ng liwanag. Sumaatin ang liwanag.", pahimakas ng pinuno. "At manatili kailanman.", tugon ng mga nasa bulwagan.
Pagkatapos ng pulong ay mabilis na nagsipaglaho ang lahat. Walang nag-atubili o nagpahinga man lamang. Sinimulan nilang gawin ang lahat habilin.
BINABASA MO ANG
Magikhayo
Fiksi PenggemarIsang labanan ang napipintong maganap sa isang daigdig na ikinubli sa mata ng mga mortal. Isang magiko ang nakatakda na sagipin ang lahat ng nilalang. Pasukin ang mundo kung saan namumuhay ang mga alamat. Tuklasin ang hiwaga at sagutin ang misteryo...