"Kailangan mong lumaban Leopardus! Ikaw na lamang ang natitira naming pag-asa.", mariing wika ni Magi Estella.
Parang naipit sa pagitan ng nag-uumpugang bato ang Punong Maestro ng DalMaMa. Hindi nya alam kung alin ang susundin nya, ang mga kasamahan ba o ang bilin ng yumaong kaibigan na kailangan nyang protektahan at palakihin si Alunsina upang magampanan nito ang kanyang itinadhanang tungkulin.
"Umaasa kami sayo Leopardus. Kapag hindi tayo nagtagumpay, tuluyang babagsak ang Magikhayo. Gagamitin iyon tiyak ng Dalaket upang wasakin tayo ng tuluyan!", isa pang masidhing pakiusap mula kay Mago Genaro.
"Sige, kung ito ang sa palagay ninyong nararapat nating gawin. Hahamunin ko sa tunggalian ang Excelsis. Gayun pa man, ano ang susunod na hakbang sakaling matalo ako? Batid kong hindi lingid sa inyong kaalaman na nasa huli ako sa hanay ng mga Tala. Ayaw kong umasa kayo ng lubusan sapagkat iyan ang katotohanan. Kung sakaling hindi ako magtagumpay, nais kong ipagpaliban ninyo ang rebelyon. Gumuwa kayo ng lihim na sandatahan na magagamit ng itinakdang Magi sa propesiya sa pagtupad niya sa kanyang tadhana", tugon at mungkahi ni Leopardus.
"Subalit kailan darating ang itinakda? At saan natin sya mahahanap?", may pagdududang tanong ni Estella.
"Labing-walong taon mula ngayon at siguradong handa na sya. Maniwala kayo sapagkat nahanap na namin sya. Ipagpaumanhin ninyo ngunit hanggang dyan lamang ang impormasyong maaari kong ibahagi." muling tugon ni Leopardus.
Matapos ang pulong ay isa-isa silang lumisan habang si Leopardus ay naiwang balisa. Inutusan nya si Banag ang kanyang kinari, na tawagin si Maestra Elvira.
"Mukang balisa ka Leopardus? Anong maipaglilingkod ko sa iyo sa mga sandaling ito?" mahinahon ngunit nag-aalalang tanong ni Elvira.
"Kumusta si Alunsina? Hindi ba nya hinahanap ang kanyang ina?"
"Madalas syang umiyak nang mga unang araw subalit mukang nasasanay na ang bata. Ramdam ko nga'y ako na ang tinuturing nyang ina. Tunay na napaka-ganda nya."
"Hindi ka maaaring mapamahal sa kanya Elvira. Sa kabila ng mga kaguluhang ito'y kailangan nyang lisanin ang DalMaMa. Kawawang bata, subalit yun lamang ang makabubuti para sa kanya."
"Saan naman natin sya dadalhin Leopardus?"
Saglit na nanahimik bago sumagot ang punong Maestro, "Sa kagubatan ng Nihilo."
Nanlaki ang mata ni Elvira. Nangingilid ang kanyang luha dala ng pagkabigla at pagkabahala.
"Nahihibang ka na ba Leopardus? Wala pang pumasok sa gubat na iyon ang muling nakalabas. Alam na alam mo kung gaano kahigpit ang mga Encatada ng Hadrino. Isa iyong lagusan na walang daan pabalik.", mariing wika ni Elvira.
"Wala ng ibang lugar Elvira. Hindi naman siguro ipagkakait ng mga Encantada ang buhay sa isang inosenteng banta. Ilagay mo ang liham kong ito kasama ni Alunsina. Kapag hindi nila iyon ginawa, maging sila ay madadamay sa paparating gulo.", paliwanag ni Leopardus.
"Dalhin mo sya bukas na bukas bago pumutok ang liwanag. Maaaring hindi na ako makabalik bukas kaya't tiyak na hindi na rin sya ligtas sa lugar na ito. Sundin mo ako Elvira, para sa ikaliligtas ng bata at ng mundong ito. Ikaw na rin ang bahala sa DalMaMa. Gawin mo ang iyong makakaya upang mapanatili ang lahat ng magagandang bagay sa lugar na ito", pagwawakas ni Leopardus.
Kinaumagahan, bago mag-agaw ang dilim at liwanag, ay agad na dinala ni Elvira ang bata sa kagubatan ng Nihilo. Nakita nya ang patay-sindi at nakabibighaning ilaw ng napakaraming alitaptap. Ibinaba nya ang bata sa pagitan ng malalaking ugat ng isang puno ng kapok. "Luces maximus", isang dasal ang kanyang pinakawalan na syang naglabas ng isang matinding liwanag sa kanyang kamay. Bumalot ito sa puno at sa bata upang tumawag ng atensyon ng mga encantada.
"Paalam Alunsina. Sana'y hindi mo kami kamuhian pagdating ng panahon. Aabangan ko ang iyong pagbabalik munting anghel." pagpapaalam ni Elvira, sabay mabilis na umalis habang pasulyap-sulyap sa dako ng punong maliwanag.
BINABASA MO ANG
Magikhayo
FanfictionIsang labanan ang napipintong maganap sa isang daigdig na ikinubli sa mata ng mga mortal. Isang magiko ang nakatakda na sagipin ang lahat ng nilalang. Pasukin ang mundo kung saan namumuhay ang mga alamat. Tuklasin ang hiwaga at sagutin ang misteryo...