I have never seen a spaceship. Nope. Not in person. Not on TV. And not even in my wildest dream.
Oh! Actually, I have seen one on TV. It was a drawing. A moving drawing.
It was on Dragon Ball Z.
May isang episode na kailangang pumunta ni San Goku sa ibang planeta para sa dragon balls. At sa planetang 'yon nakilala ang pinakaunang antagonist ni Goku, si Freeza.
May kaibigan si Goku na isang pamilya na binubuo ng mga scientist. Ginawan nila ng personalized spaceship si Goku. Isang sphere, parang earth. Puti ang kulay sa loob at labas. Ang mga machines, kitchen, bedroom, at iba pang kagamitan ay nasa gilid lang. Nakadikit, paikot. Sphere, eh. Tapos sa gitna, isang malawak na espasyo para doon mag-ensayo si Goku habang bumabyahe. Matagal ang travel time sa space. Taon ang binibilang.
No'ng napanood ko 'yon, sabi ko, wow! Gusto ko rin no'n! Pero hindi ko ginusto na maging kasing laki 'yon ng tulad ng kay Goku. Okay lang sa 'kin ang maliit, maliit pa lang naman ako, eh. Okay lang din sa 'kin kahit ang height ng spaceship ay kapantay ko lang kapag nakaupo. Mas preferred ko nga ang maupo kaysa tumayo, eh. Basta ang diameter sapat para higaan ko. Sapat para malagyanko ng pagkain. Sapat para sa ilang kagamitan ko.
Gusto ko, kulay pink sa loob. Tapos inviciblesa labas. Ayoko kasing makita ako ng mga tao, eh. Gusto ko, secret lang ang spaceship ko, maging ang mga travels ko.
Yup. Wala akong balak na pumunta ng ibang planeta. Dito lang ako sa earth. Baka nga dito lang din ako sa Pilipinas, eh. Nakakatakot kaya pumunta ng ibang bansa. Nakakatakot bumyahe sa langit, o sa tubig. Baka mahulog ako 'pag pinalipad ko ang spaceship ko. At 'pag naglagay naman ako ng propellers para mapaandar ko 'to sa dagat, baka kainin ako ng isang dambuhalang laman-dagat. Ayoko. Gulong na lang ang ilalagay ko para sa lupa lang ako. Gusto ko sa highway ako dadaan para smooth.
Pagkatapos, magbabaon ako ng pagkain. Gusto ko ng Moby, 'yong maraming maraming Moby. Gusto ko rin ng hotdog na hindi napapanis at parang laging bagong prito. Tapos, babalatan ko 'yong hotdog gamit ang bibig ko at 'yong laman lang ang kakainin ko. Ang sarap kaya ng hotdog pag wala 'yong pula na parang nakabalot sa kanya. 'Di 'yon alam ng mga matatanda. 'Di kasi nila sinusubukan kasi ayaw nilang magsayang ng pagkain. In short, ayaw nilang sayangin ang pera nila. Buti na lang bata pa 'ko, 'di ko problema ang pagsasayang at pera.
Tapos gusto ko, orange juice ang baon kong inumin. Pwede na rin ang pineapple juice. Salitan na lang sila. Pagkatapos, babaunin ko 'yong paborito kong kumot. 'Yong malaki naming kumot, 'yong kayang balutin 'yong buong katawan ko para safe. 'Pag kasi bitin 'yong kumot at may balat akong naka-expose, feeling ko may dadampot sa 'kin na masamang tao, o hindi tao.
Magbabaon din ako ng unan. Pero isa lang. Masikip na sa spaceship ko, eh. I think, okay na 'yon. Isang sphere na spaceship na may maraming-maraming Moby, hotdog, orange juice ('Wag na kaya 'yong pineapple juice? Sayang lang sa space, eh.), kumot, at unan. 'Di na 'ko magpa-pack ng toiletries. Makikiligo na lang ako sa restroom ng mga gasoline station. Shit. Kailangan ko pala ng pera para sa gasolina ng spaceship ko. Saan kaya ako kukuha?
"Hoy Jess! Anjan na'ng tatay mo!"
Mabilis akong tumayo mula sa pagkakahiga at saka tumungo sa sala at inilatag ang mga libro ko sa school. Kinuha ko ang libro ko sa History at nilipat ang pahina sa chapter na tinalakay namin kanina. Gano'n talaga ako kapag parating na si tatay sa bahay. Either magtutulug-tulugan ako o kaya ay mag-aaral. Totoong pag-aaral naman ang ginagawa ko at hindi kunwa-kunwarian lang. Gano'n ako lagi kapag anjan na si tatay: busy. Takot kasi ako sa kanya kaya lagi akong busy-busyhan kapag anjan na sya para hindi niya ko mapapansin.
Nang makarinig ng malakas na pagbagsak ng bagay ay pumikit na ako at taimtim na nagdasal. Ipinagdasal ko na sana ay hindi mag-away sila nanay at tatay.
"Wala ka talagang kwenta! Salot ka! Nagkamali ang Diyos sa paggawa sa'yo! Bwisit ka talaga sa buhay ko!"
Dumilat ako at saka malalim na humugot ng hininga. Kailangan ko na namang tiisin ang buong gabi na magkaaway sila nanay at tatay. Ang totoo, si tatay lang naman ang umaaway kay nanay. Hindi naman sumasagot si nanay, eh. Mabait ang nanay ko. Takot lang din siya kay tatay tulad ko. Kaya nga niya 'ko binalaan kanina na parating na si tatay dahil alam niyang takot ako kay tatay.
Security guard sa high school ng bayan namin si tatay. Bukod do'n ay magsasaka rin siya. 'Yon ang kinabubuhay ng pamilya namin. Tatlo kaming magkakapatid pero nasa Maynila pareho ang mga kapatid ko dahil nagsisipag-aral sa kolehiyo. Ako na lang ang natira dito sa probinsya dahil bunso ako at bata pa 'ko.
"Per, ano ba naman? Tumigil ka na. Naririnig ka ng anak mo." Hindi ko na narinig na nagsalita pa si tatay matapos siyang awatin ni nanay. Pumasok na siya ng bahay at inabutan niya kong nag-aaral. Nakatitig lang ako sa mga letra pero ang totoo ay wala talaga akong naiintindihan. Gulo na kasi ulit ang utak ko dahil sa ginawang pagsisigaw ni tatay kay nanay.
Ganito kami araw-araw. Pagkagaling ko ng school, magmumuni-muni ako. Dadating si tatay at saka ako mag-aaral. Aawayin ni tatay si nanay at bubugbugin na naman ni tatay si nanay either sa salita o pisikal. Battered wife ang nanay ko. Pero 'di ko alam kung bakit 'di ko man lang siya maipagtanggol.
Ang pag-aaway nila ang dahilan kung bakit gusto kong gumawa ng spaceship. Gusto kong makagawa ng maliit na spaceship na sakto lang para sa laki ko at sa mga gamit ko. 'Pag nabuo ko na ito, lalayas na ako sa bahay namin at habangbuhay na akong mawawala sa paningin nila. Ayoko kasi talaga sa mga magulang ko, lalung-lalo na sa tatay ko. Si nanay naman, nakakainis din kasi bakit hindi niya magawang labanan si tatay? Bakit hindi niya maipagtanggol ang sarili niya? Bakit ang hina niya?
Sana pwede na lang palitan ang pamilya. Sana hindi na lang sila ang naging magulang ko.
Pero okay lang. Kapag nabuo ko na ang spaceship ko, aalis ako agad dito. Dadalasan ko na rin ang pangungupit kay tatay lalo na at nalaman kong maglo-loan na naman siya ng malaking pera sa SSS at GSIS ata 'yon para sa pagsasaka. Itatabi ko na lahat ng kupit ko at 'di na bibili ng isaw. Kailangan ko ang kupit ko para magamit ko sa paglalayas ko: mag-gro-grocery ako ng Moby, hotdog, orange juice, at magpapagasolina sa Petron sa palengke para sa spaceship ko.
"Jess, iabot mo nga 'yong sigarilyo ko."
Tumayo ako at kinuha ang Fortune Green na tabako ni tatay sa mesa at saka ibinigay sa kanya. 'Di pa ko nakakabalik sa upuan ko ng tawagin niya uli ako.
"Wala ng laman. Bumili ka nga. Kumuha ka ng pera sa wallet ko."
Tahimik akong nagbuga ng hangin at saka inabot ang pantalon niya na nakasabit sa likod ng pinto at kinuha ang wallet niya. Nabigla ako sa nakita ko. Ang daming pera ni tatay! Akala ko ay maglo-loan palang siya pero nakapag-loan na pala siya. Kailangan ko nang simulan ang paggawa sa spaceship ko bago pa maubos ang pera ni tatay.