THEME: Oldies Love Story
SONG: Goodnight
ARTIST: Cher Lloyd
Ang pag-ibig ay hindi hinahanap, kusa itong dumarating. Magugulat ka na lang, umiibig ka na pala.
***
Tanghaling tapat nang unang beses kitang makita. Nang mga sandaling 'yon, parang nagbukas ang pintuan ng langit. Para bang isang anghel ang bumaba sa lupa at binihag ang puso ko.
Nang magtama ang ating mga paningin, nagsimulang lumukso ang puso ko. Para bang gusto nitong lumabas at tumalon mula sa aking kaloob-looban.
Tama sila Mommy at Daddy. Totoo nga ang love at first sight. Dahil unang kita ko pa lang sa'yo, nagwala na ang puso ko.
Tinamaan ako. Tinamaan ako ng mapaglarong palaso ni Kupido.
Pagkatapos ng araw na 'yon, 'di ka na nawala sa isip ko. Ewan ko ba. Gano'n siguro talaga pag in love ang isang tao.
Alam ko nakakatawa dahil 'yon pa lang ang unang beses na nakita kita. Pero anong magagawa ko? Hindi ko naman maaaring diktahan ang puso ko. May sarili itong pag-iisip at kung ano ang gustuhin nito, 'yun ang masusunod.
Ang pag-ibig ay parang kidlat. Hindi mo alam kung saan at kailan ito tatama. At sa kaso ko, tinamaan ako. Hindi nga lang ng kidlat, kun'di ng palaso ni Kupido. Sa isang iglap, nabihag mo ang puso ko.
Tanghaling tapat nang muli kitang makita. Nagpapahinga ako noon sa ilalim ng punong mangga ng makita kita --- sunong-sunong ang mga maruruming damit.
Dali-dali akong tumayo at tinulungan ka.
Nang mga oras na 'yon, batid ko ang hiya sa'yong mukha. Napansin ko ring bahagya kang namula. Sa una'y ayaw mo pa, pero hindi nagtagal napa-payag din kita na tulungan ka.
Kinuha ko na ang sandaling 'yon para tanungin ang ngalan mo.
Ngumiti ka na siyang naging dahilan ng pagbilis ng tibok ng puso ko. Ilang saglit pa'y nagsalita ka, "Narcisa," mahinang sabi mo.
Huminto ako sandali at nilahad ang isa kong palad habang ang isa'y naka-alalay sa batyang may lamang labada. "Pedro," nakangiting sabi ko.
At pagkatapos ng araw na 'yon, nakuha ko ang loob mo. Halos araw-araw na tayong nagtatagpo sa ilalim ng punong mangga. 'Yun na ang naging saksi ng ating umuusbong na pag-iibigan.
"Umuulan, halika rito sumilong ka." Nakakailang tawag na ako sa'yo pero hindi mo ako pinansin. Bagkus ay tuwang-tuwa ka pa habang pinagmamasdan ang mga butil ng ulan na bumabagsak mula sa kalangitan.
Tumingin ka sa aking direksyon, "Halika, samahan mo ako. Ang ulan ay isang biyaya mula sa Maykapal kaya dapat tayong magpasalamat."
Napangiti na lang ako. Kakaiba ka talaga. Ibang-iba ka sa mga babaeng nakilala ko.
Habang lumilipas ang panahon, mas lalo kitang minamahal. Pero kahit na gano'n, hindi tayo nakaligtas sa sakit ng magkasintahan, ang 'tampuhan'.
Ilang araw din ang nagdaan na hindi mo ako pinapansin, kinakausap kita pero 'di mo ako sinasagot. "Ano ba talagang nagawa ko na siyang kinagagalit mo?" Muli, hindi mo ako pinakinggan at tuluyan kang lumisan.
Lumipas pa ang mga araw. Dumating ang araw na kinatatakutan ko. Gusto mong makipaghiwalay. Gusto mong palayain kita.
"Ano ba kasing problema? Sabihin mo naman sa'kin, Narcisa. Ayusin naman natin 'to, oh?" Hinawakan kita nang mahigpit, sinusubukan kong kumuha ng sagot sa'yong mga mata pero patuloy ang pag-iwas mo. "Titigan mo ako saka mo sabihing hindi mo na ako mahal. Pag nagawa mo 'yon, sige, papalayain na kita kung 'yun ang gusto mo."
