THEME: Forgiveness and Second Chances
SONG: Get Back Up
ARTIST: Toby Mac
Second chance o pangalawang pagkakataon. Lahat naman tayo siguro binigyan na ng second chance dahil wala naman tao na hindi nagkakamali at nabibigo. Sa bawat pagkakamali at pagkabigo may mga nagbibigay sa atin ng pangalawang pagkakataon. Ang buhay kasi parang kotse at ikaw ang nagmamaneho. Minsan smooth ang biyahe, walang traffic at hindi lubak ang daan. May mga road sign na kailangan mong sundin para ligtas at maayos ang iyong biyahe. May pagkakataon din na masisira ang iyong kotse sa gitna ng daan at kailangan mo itong ayusin. Kung hindi mo kaya may sasakyan namang titigil sa iyo at tutulungan ka sa iyong problema.
Lahat nga tayo may second chance pero ang tanong tatanggapin mo ba ito?
Ganito ang nangyari kay Bea Gonzales, labing-anim na taong gulang at isang magaling na pintor. Nag-iisa lang siyang anak at may kaya ang kanilang pamilya. Doktor ang kanyang ama habang guro naman ang kanyang ina. Masaya ang kanilang pamilya at kailanman hindi sila nagkaroon ng matinding problema. Hanggang dumating ang pagkakataong nag-away ang kanyang magulang.
Wala si Bea sa bahay noon. Pag-uwi niya doon na lang niya nalaman sa kanyang ama na nag-empake at umalis ang kanyang ina. Pinaliwanag ng kanyang ama na nagkaroon sila ng pagtatalo at napagpasyahan ng kanyang ina na lumayo muna para mapag-isa. Mananatili daw muna ito sa kanilang probinsya sa Sorosogon at humiling na huwag siya pupuntahan. Nagalit si Bea sa ama dahil hinayaan nitong masira ang kanilang pamilya. Simula nun hinintay ni Bea ang pagbabalik ng ina at makumpleto muli ang kanilang pamilya. Subalit lumipas ang isang taon at hindi ito nangyari.
Lungkot at galit ang naramdaman ni Bea noong panahong iyon. Pareho siyang galit sa mga magulang dahil hindi niya matanggap na ginawa nilang maghiwalay. Bakit hindi sila nag-usap at magbati? Hindi ba nila inisip kung ano ang magiging epekto nito sa kanilang anak? Para kay Bea pareho silang makasarili.
Dahil sa pangyayaring iyon, nawalan na ng gana si Bea magpinta. Wala na siyang inspirasyon. Pakiramdam niya sira na ang kanyang buhay. Wala na rin kasi ang number one fan niya, ang kanyang ina. Wala na ang taong nagbigay sa kanya ng inspirasyon at nagturo sa kanya magpinta. May isang larawan siyang ginuguhit para sa kanyang ina pero hindi na niya ito pinagpatuloy noong umalis ito.
Natanto ni Bea na talagang hiwalay na ang kanyang mga magulang noong mapagpasyahan ng kanyang ama na lumipat na sila ng bahay. Hindi naman payag dito si Bea dahil madami silang ala-ala sa bahay na ito. Mga masasayang ala-ala na kasama ang kanyang ina.
"Paano kung bumalik si mommy?" tanong ni Bea sa ama.
"Hanggang kalian ko ba sasabihin sa iyo na hindi na siya babalik," sagot ng ama. "Nagmove-on na siya kaya kailangan ganon din tayo."
Sumunod na lang siya sa ama pero sa kalooblooban alam niyang kailanman hindi siya makakamove-on. Kailanman hindi niya makakalimutan ang ina. Alam niyang babalik ito at magsasama muli sila.
Lumipat sila sa isang subdivision. Pagdating doon nakita ni Bea ang isa pang dahilan kung bakit gustong lumipat ng kanyang ama. Pagbaba nila ng kotse binati sila ng isang babae na ang edad ay mga nasa trenta. Ngayon pa lang ni Bea nakita ang babae pero kilala niya ito mula sa kwento ng kanyang ama. Ito ang nurse na tumulong sa kanyang ama para makalipat sa isang hospital malapit dito.
"Bea, pinapakilala ko pala sayo si Clarice," sabi ng kanyang ama.
"Nice to meet you Bea," bati nung Clarice.
Sinimangutan lang siya ni Bea at pumasok sa bago nilang bahay. Sa unang tingin pa lang alam na ni Bea na may relasyon si Clarice sa kanyang ama. Kung paano ito ngumiti at kumislap ang mga mata noong bumaba sila ng kotse. Nandiri naman siya noong magbeso ang dalawa. Alam ni Bea na isang araw sasabihin din ng ama na gusto na niya muling magpakasal.