Si Maria Elena kasama ang kanyang tiya na lulan ng isang magarang kalesa ay naghihirap at halos maliyo sa kanilang pagdaan sa isang lubak-lubak na daan na lumalabas ng mga alikabok sa bawat pagtapak ng kabayong nagdadala ng kanilang kalesa. Sa loob ng kanilang sasakyan ay nauulinigan ang mga mahihinang pagmura ng ginang na may hawak na abaniko. Tinatahak nila ang daan patungong Hacienda Lascencio upang makapagbakasyon ang dalaga at makapagpahangin.
"Jusko Por Santo! Anong klaseng daanan ito? Parte pa ba ito ng inyong Hacienda, Maria Elena?" sabay baling sa pamangkin na halatang hindi rin maganda ang kalagayan. Palibhasa'y nasanay sa magagandang daan at mga tulay sa Maynila kaya ngayo'y panay ang reklamo.
"Wala po akong nalalaman rito,hindi po ba?" sagot ng dalaga.
"Aba eh 'di ka nga pala bumibisita dito." anang tiya.
Sa halip na sumagot ay sumandal ito na may pinong galaw na likas sa dalaga. Marahan rin lamang kung magsalita at humahalakhak ng mahina. Mga ilang minuto pa ay naging patag na ang kanilang daan,agad na bumalatay sa kanilang mukha ang pagkaginhawa. Ilang oras pa ay narating na nila ang tarangkahan ng hacienda na nababalutan ng mga halamang kumakapit rito nguni't maayos ito at tila nakagagawa ng magagandang disenyo. Nakasulat sa itaas nito ang mga salitang 'Hacienda de Lascencio'.
Maraming mga nagtataasang mga puno ang nakapaligid sa kanilang daraanan kaya walang masyadong liwanag na pumapasok papunta rito.
Dahil sa kadiliman nito kaya nabuo ang pag-alala sa mukha ni Maria Elena na animo'y masasamang tao ang kasama at patungo sa lugar na tiyak na walang makaaalam. Subalit ang takot na iyon ay agad na gumuho ng makalabas sila sa mga matatayog na puno at napalitan ng mga taniman ng ibat ibang pananim at ito'y naging mainam sa paningin ng dalaga.
Inilibot niya ang mata at nasilayan ang malawak na palayan na umaabot hanggang sa hangganan nito sa isang makipot na sapa. Ang kulay ng mga tanim ay kulay ginto na nagpapahiwatig na maaari na itong anihin. Palibhasa'y ngayon nya lamang ito nakita kaya labis ang kanyang pagkagalak.
"Hindi nyo ho sinabi sa akin na may ganito palang pag-aari ang aking pamilya,Tiya Josefina."ani Maria Elena.
"Dahil ang alam namin ay wala kang interes pagdating sa ganitong mga bagay,ija." sabi ng kaniyang tiya. Patuloy na pinagmamasdan ni Maria Elena ang malawak nilang lupain na dulot ng kanilang pagkamayaman. Ilang sandali pa ay mayroon na siyang natatanawang mga kubo na alam niyang pag-aari ng mga nagtatrabaho sa kanilang hacienda.
Muli ay may bumungad sa kanila ang isang tarangkahan nguni't mas maliit ito kompara sa nauna. At sa itaas nito sa pamamagitan ng mga bakal ay nakasulat ang mga salitang 'Mansion de Lascencio'. Sa tapat niyon ay ang isang napakagandang hardin na natatamnan ng iba't ibang uri ng magaganda at mahalimuyak na mga bulalak. Mayroong kulay pula na umaangat ang kulay, mayroon ring puti at kulay-pupas na mga bulaklak na mahahalata mong pinagtutuunan ng pansin ng mga hardenero. Patuloy ang pagpasok sa malawak na bakuran ang kanilang kalesa.
YOU ARE READING
The Gleams
Historical FictionMatatawag ba akong taksil? Kung nahigitan ng pagsinta ko sa isang dilag na nagmula sa lahi ng mga manlulupig kaysa pag-ibig ko sa aking Inang-bayan?