Dedicated to Jason Mahinay from The SerialReaders!
•••
Mabilis akong tumakbo habang dala-dala ang isang basket na puno ng mga prutas na ibibigay ko sana sa aking kasintahan. Ngunit sa kasamaang palad, may lalaking nagmamanman at humahabol sa akin. Wala akong alam kung bakit niya ako hinahabol.
Malamig ang simoy ng hangin na siyang nagpapadagdag ng nginig at kaba sa aking katawan. Dahan dahan lamang siyang naglalakad patungo sa akin at kahit anong bilis kong tumakbo parang wala pa rin itong silbi. Para bang tinakasan ng lakas ang aking mga binti at pagkaraay napatumba sa gitna ng isang makipot na eskinita.
Mabilis kong kinuha ang cellphone sa aking bulsa at idi-nial ang numero ng aking kasintahan. Ilang beses lamang itong nag r-ring at hindi man lang ito sinagot. Natatakot na ako. Natatakot, na baka ito na ang huling araw kong mabuhay at hindi man lang makapaghabilin ng isang mensahe para sa minamahal ko.
Habang tumatayo at naghihintay sa taong hinihintay kong sumagot, nagtago ako sa isang kumpol ng mga basura at mabilis na idi-nial ang numero ng opisina ng pulisya.
"Good evening, Ma'am/Sir. How may I help you?" Bati ng nasa kabilang linya.
Humugot muna ako ng lakas at napapikit habang humihingi ng tulong.
"T-tulungan niyo p-po ako." Tugon ko na hindi maiwasang mautal dahil sa kaba.
Palingon lingon ako sa paligid ngunit hindi ko pa naaaninag ang kanina pang sumusunod sa akin.
"Nasaan po kayo?"
"H-hindi k-ko alam." Pagsusumamo ko. Hindi ko alam kung saan ako napadpad kakatakbo.
"May nakikita ho ba kayo na kahit ano man lang sa paligid? Address o shop na malapit?"
Palinga linga ako sa paligid upang makakalap ng impormasyon kung saang lugar ako napunta.
"M-matina s-street s-sa may simbahan. P-please tulungan niyo p-po ako." Pagmamakaawa ko.
"Wala po ba kayong mahingan ng tulong na malapit diyan?"
"W-wala." Garalgal na ang boses ko dahil sa nerbyos.
"Kinakailangan po namin ng kongkretong impormasyon upang mahanap po kayo. Wala na po bang ibang pasilidad diyan?" Tanong niya na hindi ko napagtuunan ng pansin dahil sa mga yabag na aking naririnig palapit sa akin.
Nasa harap ko siya, naka hood at may hawak na martilyo sa kaniyang kanang kamay habang suot ang nakakakilabot niyang ngiti.
"T-tulong!" Huli kong sambit at pagkaraay kumaripas ulit ng takbo papalayo sa taong gustong kumitil ng aking buhay.
Hingal at pagod ang aking naramdaman ng huminto ako at napasandal sa pader. Hindi ko na kayang tumakbo pa ng nakapaa. Pasimple akong lumingon sa aking kanan upang matanaw ang humahabol sa akin. Ngunit sa aking paglingon, isang hampas ng martilyo ang aking naramdaman na siyang nagpabagsak sa aking katawan.
"M-maawa ka. B-buntis a-ako." Pagmamakaawa ko sa kanya. Hindi ko na kayang tumayo pa at humingi ng tulong. Tumilapon ang aking dalang basket at cellphone ng tadyakan niya ako sa aking tagiliran.