10. Operation: Make Him Fall

2.8K 53 7
                                    

“Many waters cannot quench love;
rivers cannot sweep it away.” Song of Song 8:7a

______________

“HUWAG na huwag kang bibitiw sa kamay ko at baka mawala ka, Cherry. Malalagot ako kay Papa,” paalala sa kanya ni Lee habang pumipila sila sa check in counter ng isang sikat na airline company.

Ang Papa niya ang tinutukoy nito. Ang mga tatay kasi nila ang naghatid sa kanila sa airport dahil tulog pa ang mga nanay nila. Early flight kasi ang pinili ni Lee kaya naman hindi na siya natulog. Naghintay na lang siya ng oras habang tinatapos ang ilang designs sa sketchpad niya. Baka kasi hindi siya magigising kapag natulog pa siya. Hindi kasi siya morning person.

Ngayon na ang araw na pupunta sila sa Baguio. Mula sa San Agustin ay lilipad sila papuntang NAIA International Airport. Saka sila sasakay ng bus paakyat ng Baguio City.

Dapat sana ay may sundo sila pagdating nila ng NAIA. Kaso nag-abiso na ang hotel na tutuluyan nila na hindi makakababa ang van ng mga ito. Gagamitin daw iyon ng isang grupo ng mga turista sa paglilibot at sira ang isa pang van na backup sana ng mga ito.

Nais na sana niyang mag-back out dahil doon kaso pursigido talaga si Lee na pumunta. Gusto nitong ituloy ang plano nilang mag-noche buena sa Baguio. Kaya nagpasya siyang tumuloy na lang din.

“May available pa po bang window seats? Magkatabi kami sa upuan ha?” narinig niyang request ni Lee sa babaeng nakaupo sa counter.

“Yes, sir. Siya po ba ang kasama ninyo, Sir?” alanganin pang tanong ng babae kay Lee.

Tiningnan pa siya nito mula ulo hanggang paa. Naitirik na lang niya ang kanyang mga mata. Kahit pala sa labas ng campus, mayroon pa ring mapanghusga.

“Oo, she’s my girlfriend. May problema ba?” narinig niyang sagot ni Lee dito.

“W-wala naman po, Sir. Sandali lang po at ipi-print ko lang ang ticket ninyo,” napahiyang sagot ng babae.

Siniko naman niya si Lee kaya bumaling ito sa kanya. Nagtatanong ang tinging ibinigay niya dito. Girlfriend? Since when?

Kumindat naman ito sa kanya bilang kasagutan. Ganoon ito palagi kapag may gusto itong gawing kalokohan at nais nitong idamay siya. This time, mukhang ang kawawang babae sa counter ang napag-trip-an nito.

Lihim na lang siyang napailing.  Hahayaan na lang niya ito sa trip nito.

“Heto na po ang tickets ninyo, Sir at Ma’am. Enjoy your flight,” magalang nitong sabi.

Hindi pa rin siya nito nilulubayan ng tingin. Tila nababasa na niya kung ano ang naglalaro sa isip ng babae. Marahil nagtataka ito kung ano ang nakita ni Lee sa kanya sa paniniwalang girlfriend nga siya ni Lee.

“Tara na, my love. Akin na ‘yang handcarry mo,” eksaheradong aya ni Lee.

Sinadya pa talaga nitong lakasan ang boses nito upang marinig ng babae sa check in counter. At alam niyang hindi lang ang babaeng iyon ang nakarinig ng mga sinabi ni Lee. Hindi rin nakaligtas sa pandinig ng ibang nakapila malapit sa kanila ang sinabi nito.

“Sira ka talaga. Bakit mo ba pinalabas na magnobyo tayo? Nakakahiya tuloy,” aniya nang maupo siya sa window seat sa loob ng eroplano. Hinihintay na lang nila na makaupo ang ibang mga pasahero.

“Dapat lang para wala nang mambu-bully sa’yo. Remember, ako lang ang may karapatang manlait sa’yo. Kaya panis talaga sa ‘kin ang sinumang magtatangkang laitin ka,” sagot ni Lee.

Binubuklat nito ang magazine ng airline. Habang siya naman ay abala sa pagbabasa ng safety and emergency booklet.

“Nasanay naman na kasi ako sa ganoon,” sagot niya.

One Perfect Love 1: My Heart's Desire PUBLISHEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon