CHAPTER 1

18.2K 258 25
                                    

NAPANGITI SI Jane habang tinitingnan ang mga paintings na nakadisplay sa isang art gallery sa may Pasay. Nasa isang exhibit siya na in-organize ng kaibigang si Vladimir para sa ilang aspiring artists na gustong magkaroon ng break sa pagpipinta. Hindi tuloy niya maiwasang maalala ang mga panahong nag-uumpisa pa lang siya sa naturang larangan.

Sinadya pa niyang lumuwas sa Maynila mula sa townhouse niya sa Batangas para suportahan ang naturang event lalo na si Vladimir.
Kahit paano ay malaki ang utang na loob niya dito dahil ito ang nakadiskubre sa kanya. Pinsan ito ng bestfriend niya na si Natasha. Naging kaklase niya si Natasha sa isang subject noong first year college sila. Kaagad silang nagkahulihan ng loob and they were inseperable since then.

Nakita ni Vladimir ang iniregalo niyang painting kay Natasha noong kaarawan nito at kinulit ang kaibigan niya para makita siya. Noong nakita nito ang iba pa niyang paintings ay inalok siya nitong isali ang mga gawa niya sa art exhibit na i-organize nito, kasama ang ilang baguhang pintor. Atubili man ay wala na siyang nagawa kundi ang sumali, sa pamimilit na din nina Natasha at Vladimir. And that was seven years ago.

Hindi nila inaasahang magiging sold out ang lahat ng paintings niya sa unang gabi pa lang ng art exhibit. Kaya naman nagsimulang umugong ang pangalang Jane Velez sa mundo ng sining. Marami ang na-curious kung ano ang mayroon sa mga paintings niya para masold-out ang mga iyon gaya ng laging nangyayari kapag may mga sinasalihan siyang mga exhibit.

Malayo sa tinapos niyang Business Management ang pagpipinta. Nakakuha lang siya ng ilang units sa Fine Arts noong nag-aaral pa siya pero hindi  din niya natapos. Ilang beses na din niyang sinubukan na magtrabaho sa mga kumpanya para magamit ang pinag-aralan pero hindi din niya nagawang magtagal. Kaya naman napagpasiyahan niyang mag-focus na lang sa pagpipinta.
Kasalukuyan niyang pinaghahandaan ang one woman exhibit niya na gaganapin tatlong buwan mula sa araw na iyon kaya sa mga nakalipas na buwan ay madalas siyang maglagi sa Batangas.

Nang makaipon na ng sariling pera mula sa kinikita sa mga paintings niya ay naisipan niyang bilhin ang naturang town house mula sa isang kakilala. Doon siya naglalagi kapag nagpipinta o gusto niyang makapag-isip-isip. Pero madalas ay nasa Maynila siya kasama si Natasha.

“Miss Jane Velez?”

Kunot-noong nilingon ni Jane ang tumawag sa kanya. Isang matangkad na guwapong lalaki ang nalingunan niya. Hindi pamilyar sa kanya ang mukha nito kaya malamang na isa ito sa mga bisita ni Vladimir.

Marahil ay nabasa nito sa mukha niya ang pagtataka kaya naman nagsalita ulit ito. “Hi, I’m Akio, Vladimir’s classmate way back in college.” Tinanggap niya ang nakalahad nitong kamay. Medyo nailang siya dahil mataman itong nakatingin sa kanya. Nahigit niya ang hininga nang dalhin nito sa mga labi ang likod ng palad niya. “I’m your fan. Tama nga sila, mas maganda ka sa personal.”

Namula siya sa sinabi nito. Mabilis niyang binawi ang palad at itinago iyon sa likod niya. Hanggang ngayon ay hindi pa din siya sanay ng nakakatanggap ng papuri mula sa ibang tao.

Mahinang napaubo si Vladimir na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila.

“So, I guess, nakilala mo na ang kaibigan ko, Jane,” ani Vladimir. “Ingat ka diyan matinik sa chicks ang lalaking 'yan.” Natawa ito nang mahinang suntukin ni Akio sa balikat.

“Hey! Paninirang puri 'yan, Vlad.” Tumingin ito sa kanya. “Huwag kang maniwala sa kanya. Good boy kaya ako.”

Isang alanganing ngiti lang ang naisagot niya dito. Nakita niya ang pinipigilang ngiti ni Natasha na iniwan siya kanina para kumuha ng maiinom. 

Medyo may pagka-introvert siya. Hindi siya sanay makihalubilo sa maraming tao. Kung hindi nga lang siya laging pinagsasabihan nina Vladimir at Natasha ay hindi siya pupunta sa mga art exhibit niya. Mas gusto niyang magkulong sa studio niya at magpinta buong araw kaysa ang makihalubilo sa maraming tao.

Xavier, The Dark Prince (Published Under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon