Isang malaking puting gate ang bumungad sa'min pagdating namin sa bago naming lilipatan. Awtomatiko itong nagbukas pagdating namin sa harapan nito. Napansin ko ang isang CCTV camera sa may gate na sa hinuha ko ay siyang dahilan kung bakit bumukas ang gate. Marahil ay nakilala nila ang limousine na sinasakyan namin kaya nila kami pinagbuksan agad.
Isang malaking rose garden ang sumalubong sa aming pagdating. Puno ng mapupulang rosas ang daanan papunta sa mansyon samantalang matatanaw mo naman sa iba pang parte ng lupain ang iba't ibang kulay ng rosas. May pavilion din sa kanang bahagi ng hardin.
Sa harapan ng mansyon ay may malaking fountain na may disenyo ng sirenang nasa ibabaw ng bumubulwak na tubig. Napakaganda at napakapino ng pagkakagawa sa fountain na iyon na akala mo'y nagmula ito sa fairytale at isang totoong isinumpang sirena ang nasa obra.
"Welcome, ojou-sama," sabay-sabay na bati ng mga nakapilang maid at butler sa akin pagkalabas ko ng limousine. Mga nakasuot ng itim na bestida na pinatungan ng puting apron ang mga babae samantalang all-black attire naman ang mga butler na may puting long sleeve na panloob at may mga puting gloves sa kamay. Mayroon ding puting panyo na nasa kaliwang dibdib nila samantalang puting headdress naman ang nasa ulo ng mga maid.
"Welcome, Ceres-sama," sabay-sabay na bati nila kay ina.
"Looks like your father finally secured this decent home," komento ni ina habang papasok siya ng mansyon. Nakasunod naman ako agad sa likuran niya.
Gawa sa makintab na marmol ang buong sahig ng bahay at may malaking chandelier ito sa gitna. Mas malawak din ang mansyong ito kumpara sa dati naming bahay. Halos triple ang laki nito sa mansyon namin sa Pilipinas.
Parang walang nagbago rito.
Tanda ko pa ang mga porselanang platerang naka-display sa magkabilang gilid ng hagdan. Kung hindi ako nagkakamali ay pawang angkat pa ang mga ito sa Tsina. Koleksyon ito ng aking lolo, ama ni ama. Dinala na niya ako rito upang magbakasyon kasama niya noong maliit pa ako pero kaunti lang ang natatandaan ko tungkol sa panahong iyon.
"Ojou-sama, ihahatid ko na po kayo sa inyong silid." Nabalik ang atensyon ko sa mga taong nakapaligid sa'kin. Nauna nang umakyat ng hagdan si ina kung saan pinangungunahan siya ng isang maid na maputi na ang buhok. Ang pagpapakilala niya sa amin kanina ay siya ang head maid dito sa mansyon.
Sinundan ko ang isang maid na sa tingin ko'y nasa dalawampung taong gulang na. Bitbit niya ang pink luggage ko at pumasok sa unang kwartong nasa bandang kaliwa ng hagdan.
"Ito po ang magiging kwarto niyo, ojou-sama." Napatalon ako sa kamang napakapamilyar sa'kin. Ito ang parehong kwartong tinuluyan ko noong limang taong gulang pa lamang ako. Puno ng iba't ibang manika at teddy bears ang paligid ng headboard ko. Ito ang mga regalo sa'kin noon ni lolo. Kinuha ko ang isang maliit na puting teddy bear sa kama ko at hinaplos ito.
BINABASA MO ANG
What Love Made Me Do [ON HOLD]
Action"Love conquers all." 'Yan ang pinaniniwalaan ni Hana mula pa noong maliit siya. At ngayong ikalabinwalong kaarawan niya, she wished for nothing else but a very sweet romantic romance with a perfect prince. Pero iba ang nakuha niya; a bloody and dark...