Prologue

2.4K 33 2
                                    


1967.

"Ay, inggit naman ako!" kinikilig na tili ni Rosenda nang makita ang bungkos ng mga rosas na naghihintay sa paanan ng pintuan ng bahay ng mga Cartajena. Medyo lanta na ang mga iyon, halatang kanina pa inilagay roon.

Nakikipag-unahang dinampot nito ang mga bulaklak at sinipat ang nakasulat sa card na kakabit niyon.

"My dearest Lilian, welcome home. Love, Artem," basa nito at tumili na naman. "Napaka-sweet talaga ng boyfriend mo at ikaw na babae, wala kang kasinsuwerte!"

Nangingiting kinuha ni Lilian ang mga bulaklak mula sa bisig ng kaibigan. namamaga ang puso niya sa matinding kagalakang nadarama sa dibdib. Alam niyang mapalad siya kay Artem ngunit nadodoble ang pakiramdam na iyon kapag nakakarinig siya ng paghanga mula sa bibig ng iba, kahit pa nga mula sa matalik na kaibigan niya.

Kagagaling lamang nila ng Baguio. Tatlong araw silang namalagi roon. Ayaw pa nga sana niyang sumama noong una dahil isipin pa lang niyang tatlong araw niyang hindi makikita si Artem ay para na siyang mababaliw sa kalungkutan, ngunit mapilit si Rosenda. Blow-out nito ang bakasyong iyon dahil pumasa na ito sa pagkaguro.

Sa huli ay nakonsiyensiya na siyang hindi ito pagbigyan, lalo at hindi lamang siya pinayagan ni Artem, inudyukan pa siya nitong samantalahin ang pagkakataong makapagliwaliw at makapagpahinga mula sa araw-araw niyang trabaho.

Ulilang lubos na siya. Ang tangi niyang kasama sa buhay ay ang matandang dalagang tiyahin na tumayong ikalawang magulang niya. Pero dahil hindi naman sila mayaman — idagdag pang nagiging sakitin na ang Tiya Myrna niya — high school lamang ang kanyang natapos. Nauwi sa buntong-hininga ang pangarap niyang makapag-college lalo at ang malaking bahagi ng kanyang kinikita sa paglalako ng kakanin araw-araw ay napupunta sa doktor at gamot ng tiyahin niya.

Kaya nga inggit na inggit siya sa kaibigang si Rosenda. Nag-iisa lang ito sa Maynila ngunit sustentado naman ng pamilya nito. Hindi rin ito mayaman ngunit kompara sa kanila, nakaaangat ito sa buhay. Parehong empleyado sa kapitolyo ng Naga ang mga magulang nito. Sundalo ang isa nitong kapatid na lalaki na naka-destino sa Palawan.

Hindi niya sukat akalain na magkakaroon siya ng isang bagay na gustuhin man ni Rosenda ay hindi nito makakamtan — si Artem. Hindi naman nito ikinakaila sa kanya ang pagtingin nito sa kan­yang nobyo, ngunit magkagayon man ay payapa ang kanyang dibdib.

Mabuting kaibigan si Rosenda at kung maligaya siya ay mali­gaya na rin ito.

"Kung hindi siya mapupunta sa akin, di doon na siya mapunta sa kaibigan kong mahal ko rin," lagi nitong sinasabi kapag nabubuksan ang paksang iyon.

"Pero teka... paanong nalaman ni Artem na ngayon ang balik natin?" nagtatakang tanong ni Rosenda nang makapasok na sila sa bahay. Tahimik na tahimik dahil wala ang tiyahin niya. Habang nasa Baguio siya ay doon muna ito naglagi sa bahay ng isa nitong kasamahan sa simbahan para may kasama naman ito.

"Siyempre, sinabi ko," aniya, sabay bukas ng ilaw. "Baka nga namuti ang mga mata n'on sa paghihintay kanina. Sabi ko kasi, makapananghalian ang dating natin."

Alas-sais na kasi ng gabi at nag-aagaw-dilim na.

Napakagat-labi ito. "Sorry, ha. Hindi ko naman sinasadyang mag-extend kaya lang, sayang naman ang ipinunta natin doon kung hindi man lang ako makakabili ng mga souvenir items."

"Okay lang, nag-enjoy rin naman ako, eh," sagot niya.

"Baka magalit si Artem..."

"Iyon pa! Understanding 'yon kaya huwag kang mag-alala."

"Ay, kakainggit talaga!" Ibinagsak nito ang pang-upo sa sofa na gawa sa kawayan na nakakalatan ng maliliit na unan. "Kailan kaya ako magkakaroon ng isang katulad ni Artem?"

Mr. Meddlesome (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon