Ikapitong Kabanata

85 2 1
                                    

Ikapitong Kabanata

Kadiliman ng paligid ang minulatan ni Jill. Nakatayo siya sa ginta ng kung saan. Pilit mang aninagan ang paligid ay 'di niya magawa ng dahil sa matinding dilim. Napayakap pa siya sa kanyang sarili dahil sa pag-ihip nang malakas na hangin. Hindi rin niya mapigilang manginig sa taglay nitong lamig.

"Tulong! May tao ba diyan?" sigaw niya. Nagbabaka sakaling may makita siyang ibang tao o di-kaya'y makarinig sa kanya.

"Nasaan ba ako?" halos maiyak na tanong niya sa sarili. Sinubukan niyang maglakad at maghanap ng maliwanag na lugar ngunit kahit anong layo niya'y talagang minamalas siya, ni katiting na ilaw kasi ay wala siyang makita.

"Jack! Punuin daw natin ng tubig ito. Sabi ni Mommy!" Masayang boses ng isang batang babae ang kanyang narinig. 

"Sino 'yan?" tanong niya pagkatapos niyang umikot upang tingnan sana kung sino ang nagsalita, ngunit wala siyang nakita. 

Nakarinig siya nang pagbukas ng ilaw sa kanyang likuran kaya umikot siya paharap dito. Nakita niya ang dalawang batang nakatalikod sa kanya habang naglalakad palayo. Magkahawak kamay ang dalawa habang hawak ng batang babae sa kaliwang kamay ang isang maliit na timba at ang kanan naman ang siyang nakahawak sa batang lalaking kasama niya.

"Mga bata, saan kayo pupunta? Nasaan tayo?" Halos takbuhin na niya ang kinaroroonan ng mga ito dahil sa bilis nang lakad nila.

"Kuya, sama natin sina Issa at Louie. Maganda roon sa burol. Laro muna tayo roon bago umuwi." Bakas ang saya at pagkasabik sa boses ng batang babae. Tuloy lang sa pag-uusap at paglalakad ng dalawa na tila hindi siya naririnig.

"Sige, tara!" Bakas din ang pagkasabik sa boses ng batang lalaki at sabay hila sa kasama nito palayo.

Sinubukan niyang sundan ang dalawa ngunit unti-unting namatay ang nag-iisang ilaw na nagbibigay sa kanya ng liwanag. Hanggang tuluyan nang nagdililm at hindi na niya nasundan pa ang mga ito. Gusto na niyang umiyak, magsisigaw ng malakas at magwala nang dahil sa mga nangayari.

"Nasaan ba talaga ako?" Alam niyang may nangyayaring kakaiba sa paligid. Ni hindi niya alam kung saang parte siya ng mundo naroroon.

Biglang bumukas ulit ang isang ilaw sa may taas niya. Luminga-linga siya, hinahanap kung saan naroroon ang switch ng ilaw at baka may isang taong nanloloko lang sa kanya. Nang walang makita'y yumuko siya, laking gulat niya sa kanyang nakita. Sumigaw siya ng ubod ng lakas dahil sa matinding takot na gumapang sa kanya. 

Umaagos ang dugo mula sa kung saan at kumakalat ito sa kanyang paanan. Umatras siya upang iwasan sana ito pero may sariling isip yata ang pulang likido. Sinusundan siya, pilit na inaabot ang mga nanginginig niyang mga paa.

Sinundan niya ang pinanggalingan ng dugo at laking gulat ulit niya sa nakita. Halos kalimutan niya na ang huminga nang matagpuan niya ang isang batang lalaki na nakahiga ng patagilid, nakaharap sa gawi niya, nakatutok sa kanya ang mga matang naglalarawan ng kawalan ng buhay habang masaganang umaagos sa ulo nito ang dugo.

Malabo man sa kanyang alaala ngunit kilala niya ang batang iyon. Hindi siya maaaring magkamali dahil minsan sa buhay niya ay naging kanya rin ang mukhang iyon, nagkaton lang na babae siya.

Humakbang siya palapit dito. Ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan ay tuluyan nang umagos.

"Jack? Kuya?" Ngunit sa bawat hakbang niya'y tila lumalayo rin ang kinalalagyan nito. Sinubukan niyang tumakbo ngunit tulad kanina'y unti-unti itong naglaho sa paningin niya.

"JACK!"

"HINDI PO AKO ANG MAY KASALANAN! HINDI PO AKO!" Malakas na boses ng babae ang nagpatigil sa kanya sa paghabol.

"Hindi ako!" Sunod-sunod ang mga sigaw na narinig niya.

"Sino ka?" balik tanong niya.

"Ikaw! Ikaw ang pumatay sa kanya." Galit na akusa ng isang panibagong tinig.

"Sino ka ba?" tanong ulit niya rito.

"Jill. Ikaw ang pumatay! Ikaw, Jill. Jill! Ji--" 

Tinakpan niya ang kanyang tenga dahil sa takot at kaba. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang nararamdaman niya.

"Hindi ako. Hindi ako." Paulit-uit na sabi niya. Sinasabayan niya pa ito ng sunod-sunod na iling upang ipaunawa sa nag-aakusa sa kanya na wala siyang kinalaman sa lahat.

"Jill? Jill, anong nangyayari?" Nag-aalalang boses ng kanyang ina ang gumising sa kanya.

Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at isang puting kisame ang bumungad sa kanya. Maliwanag ang paligid na taliwas sa lugar na kinalalagyan niya kanina. 

"Maraming salamat sa Diyos at gumising ka na." Hindi man niya makita ito dahil medyo nahihilo pa siya'y alam niyang ang ina niya ang nagsalita at may hawak ng kanyang kamay.

"Ma? Anong nangyari?" hindi niya makapa sa kanyang isip kung anong nangyari at bakit nag-aalala ang mga ito sa kanya. 

Inikot niya ang paningin at alam niyang nasa isang silid ng hospital siya.

"Ma, anong ginagawa ko rito?" Tangkang hihilain niya ang dextrose na nakakabit sa kanyang kaliwang kamay nang pigilan siya ng kanyang Ama.

"Hindi mo ba matandaan kung anong nangyari, nak?" Bakas ang pag-aalala ng kanyang ama sa tanong nito.

Kumunot ang noo niya habang dahan-dahang inaalala ang mga nangyari. Biglang nanlaki ang kanyang mga mata kasabay ng paglukob ng kilabot sa kanyang katawan. Ang alam niya'y nasa eskwelahan lang siya at may ginagawa sa library. Nang magpasya siyang umuwi'y naramdaman niyang may humahabol sa kanya kaya nagmadali siyang bumaba. At hindi niya inaasahan ang kanyang nakita. Ang sumunod na nangyari'y gumulong na siya pababa ng hagdan.

Lumunok muna siya upang alisin ang nakabara sa lalamunan niya. 

"Paano ako nakarating dito?" 

"May isang binatang nagdala sa'yo rito, ang sabi ng doktor ay kaklase mo raw ang pakilala nito sa kanya. May kasama ka ba nang maaksidente ka? Ano ba talagang nangyari sa'yo?" Sunod-sunod ang mga tanong ng kanyang Ama pero ni isa ay wala siyang masagot. Nalilito pa rin siya. 

Sino 'yung nakita niyang duguan? Tao ba 'yon o kaluluwa? Sino 'yung binatang naghatid sa kanya rito at sumagip ng buhay niya. Anong ibig-sabihin ng panaginip niya kanina, dala lang ba iyon ng mga pinagdaanan niya sa mga nakaraang mga araw? Hindi niya alam, sumasakit na ang ulo niya sa kakaisip ng mga nangyayari. Sa mga nagdaang mga araw, sunod-sunod na ang kamalasan at mga kakaibang bagay na nangyayari sa kanya at natatakot na siya. Natatakot siya sa mga susunod pa mga magaganap. Napausal tuloy siya ng dasal at panlangin na sana'y wala nang susunod pa.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 01, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Jack and JillTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon