Sa loob ng silid na iyon. Kung saan walang paalam na pumapasok ang liwanag ng ilaw mula sa mga katabing kwarto. May mga rehas na bakal. Nakaupo siya sa isang tabi. Humihikbi. Umiiyak ngunit walang luha. Nalulumbay. Matapang ngunit natatakot. Tahimik niyang dinukot sa bulsa ang maliit na supot. Gawa sa isang manipis na telang kulay itim. Ang isang luma't kupas na larawan ng kanyang minamahal. Pinagmasdan ito. Hinagkan. Inilapit sa dibdib, inalo, hinele. Gaya ng pagpapatulog isang ina sa kanyang sanggol. Pumatak ang kanyang mga luha. Isa. Dalawa. Tatlo. Pailan-ilang mga butil ng luha. Hanggang sa walang hinto at patuloy nang tumulo ang mga ito sa kanyang pisngi. Sa kanyang mukhang niyurakan ng panahon. Ipinikit ang mga matang binulag sa katarungan. Pansamantala. Dinala siya sa ibang dimensyon. Sa masasayang bangungot ng kahapon.Niyakap siya ng mahigpit ng kanyang anak. Iyon na ang pinakakamasarap ngunit pinakahuling yakap nang kayang buhay. Ramdam niya ang pagkasabik ng musmos na ayaw nang bumitaw sa pagkakayapos. Ayaw na rin niyang matapos iyon. Habambuhay ang kapantay ng sandali nilang pagkikita. Walang salita mula sa bibig. Tanging yakap lang ang nagpadama ng pagmamahal ng ina sa kanyang anak. Higit pa iyon sa libong salita ng pagmamahal na kayang bigkasin ng mga labi.
Ngunit sadyang mapait ang katotohanan. Nang unti-unti. Sila'y pinaghihiwalay ng mundo. Ayaw kumawala ng anak sa kanyang ina. Ngunit wala silang nagawa. Nagising siya mula sa isang mas masamang bangungot. Ang kasalukuyan.
Taas noo parin niyang hinarap ang kanyang kapalaran. Humihikbi. Umiiyak ngunit walang luha. Nalulumbay. Matapang ngunit natatakot.
Isang minuto.
Muli niyang ipinikit ang mga mata. Tanggap na niya ngunit may panghihinayang. Mula sa mga medalyang kailangan pang isabit. Noche Buenang sana'y kanilang pagsasaluhan. Report Cards na dapat pirmahan. Bagong taon na magkasamang nilang sasalubungin. Kwentong ginusto pa niyang marinig, mula sa anak na nais pa niyang makapiling.
Tatlumpung segundo.
Ngumiti parin siya. Kinumbinsi ang sariling plano ng diyos ang lahat. Sino ba siyang isang hamak na mahirap lamang. Nangarap na maiahon ang pamilya mula sa kinasadlakang kahirapan. Ang napiling mapaglaruan ng bulok na sistema. Napagkaitan ng katarungan. At tinakbuhan ng hustisya. Sino ba naman siyang napagbintangan lang naman. At pilit pinaaamin sa di naman niya ginawang kasalanan.
Sampung segundo.
At nakaramdam na siya ng kapayapaan. Kahit pa may mga pangakong hindi pa natutupad. Nang isang ina sa kanyang anak. Mula sa isa sanang masayang pagbabalik.
Limang segundo.
Patapos na rin ang lahat. Biglang gusto pa niyang umatras. Di na pwede. Di na maari.
Tatlong segundo.
Teka baka may iba pang paraan. Baka pwede pang ipagpaliban. Baka pwedeng ituloy nalang sa iba pang pagkakataon. Ayaw pa niya. Gusto pa niyang kumawala.
Dalawang segundo.
Isang segundo.
Hinahabol niya ang hininga. Nagpupumiglas habang nakikita niya ang sariling anino sa loob ng silid na nakabitin sa lubid ng kamatayan.
Isang mahabang paghabol sa kanyang hininga at tuluyan na siyang binawian ng buhay.
BINABASA MO ANG
Ang Aklat na Walang Pamagat
PoesíaKoleksyon ng mga tula, dagli, spoken word, sanaysay, maikling kwento, tsismis, listahan ng utang at mga....basta...magbasa ka nalang