📖 4: Balat-kayo

2K 82 7
                                    

Maagang nagising si Cyrus at matapos makapag-ayos ng sarili'y dumiretso siya agad sa pantry. Doon ay naabutan niya si Layla na nag-aalmusal at may hawak na dyaryo. Nagtungo muna siya sa counter at umorder ng tapsilog at kape bago naupo sa katabi ng kaibigan.

"Good morning," bati ni Cyrus sabay ngiti.

"Good morning din," masayang tugon ni Layla.

"Walang signal kaya ba dyaryo yang binabasa mo."

"Parang ganoon na nga, late nga tong issue nila. Kahapon pa kasi dapat ito," may pagkadismaya sa tinig ng dalaga.

"Malayo pa ata kasi ang pinanggalingan niyan. Mas maganda sana kung cell site ang pagtuunan nila ng pansin dito para may access naman sa outside world," wika ni Cyrus.

"Kaya nga eh, buti kahit papaano sibilisado na dito. Pansin ko lang bakit kaya di masyadong tumatanggap ng bisita tong isla?" tanong ni Layla.

"Malay natin, baka naman gusto lang talaga pangalagaan tong isla," tugon ni Cyrus.

"Sabagay baka magaya pa sa Boracay."

"Ang strict ng namamahala dito ha, biruin mo dahil lang sa pa raffle kaya tayo nakapagbakasyon dito at libre pa."

Maya-maya pa'y dumating na rin ang magnobyong Jan at Teya. Umorder din sila ng makakain at nakitabi sa mesa ng dalawa. Pumasok naman si manang Elle at nakangiti pa nitong binati ang mga bakasyunista,

"Maganda araw sa inyo. May handaan nga pala sa plaza mamayang tanghali, pumunta kayo ha."

"Sure po manang," masiglang tugon ni Jan.

"Sige lalabas muna ako at tutulong sa paghahanda," wika ni manang Elle.

"Sige po sasabihan na lang namin yong mag-asawa kapag nakababa na," saad ni Cyrus.

"Umalis na sila. Maaga silang lumuwas, emergency daw," banggit ng ginang sabay ngiti.

Pagtataka ang rumehistro sa mukha ng mga bakasyunista. Alam kasi nila na isang pribilehiyo ang pagkakataong makapagbakasyon sa isla kaya't naghihinayang sila sa biglaang paglisan ng mag-asawa. Matapos nilang kumain ay kanya-kanya sila ng pinagkaabalahan.

Si Layla nagpunta ng palengke para maglibot at dagdagan pa ang ipapasalubong niya sa kanyang mga pamangkin habang si Cyrus naman ay tumambay muna malapit sa dagat habang nakahiga't nagbabasa ng libro sa duyan. Ang magkasintahang sina Jan at Teya ay masayang nagtatampisaw sa dagat kasama ng ilang bata.

Pasado alas onse ng may pumuntang tricycle sa bahay-bakasyunan at sunduin ang mga bisita. Hindi na maitago ang kanilang mga ngiti, dahil alam nilang maraming masasarap na mga pagkain ang inihanda.

Pagdating nila sa plaza'y marami na ang taong nandoon at lahat ay nag-aabang sa kanila. May nakahanda ng mga tolda, lamesa at upuan para sa kanilang espesyal na panauhin. Maganda't makulay ang mga palamuti at banderitas na nakasabit. Pagbaba nila sa tricycle ay nagpalakpakan at naghiyawan pa ang iba. Mistula silang kumandidato sa isla at nagwagi. At gaya ng inaasahan nila'y napakaraming pagkain nga ang inihain ng mga taga-isla.

At halos maglaway sila sa dami ng masasarap na mga putahe. Bago kumain ay pinangunahan ng tumatayong pari ng isla na si father Natas ang pagdarasal. Mga nasa singkwenta pataas na ang edad niya at may pagkatubong mangyan. Isang dekada na siyang nanunungkulan at naninirahan sa isla.

Nagbigay din ng maiksing pahayag ang kasalukuyang mayor ng isla na si ginoong Reficul. Nasa sitenta na ang kanyang edad ngunit mukha pa rin siyang bata. Matipuno, makinis at maputi ang kanyang kutis halatang may lahing briton.

Nagpasalamat siya sa kanilang mga espesyal na bisita at isa-isang nakipagkamay dito. Ibinilin niya ang pagiging malinis at maayos ng isla. Hinikayat din niya ang mga bisita na tangkilikin ang kanilang produkto at makilahok sa iba pang aktibidad ng pista de pula.

Matapos nilang lantakan ang iba't ibang putahe'y hinandugan naman sila ng mga bata ng sayaw; isang sinaunang sayaw ng isla habang ang ibang kabataan ay kumakanta ng pagpupuri sa ibang lenggwahe. Nakasuot sila ng pulang roba at mga mananayaw ay may hawak na itim na palayok.

"Kakaiba ang costume nila. Ang creepy," bulong ni Teya kay Cyrus.

Napangiti na lang ang binata sa turan ng kaibigan. Kukuha pa sana siya ng pagkain ng mahagip ng mata niya ang babaeng nabangga niya kahapon. Nakatayo ito sa 'di kalayuan at nakatitig sa binata. Inakala naman ng binata na humihingi ito ng pagkain kaya nilapitan niya ito't inalok ng dalang pagkain.

"Umalis ka na habang may oras pa kung ayaw mong magaya sa sinapit ng mag-asawa kagabi," bungad niya.

Napakunot ang noo at lalong naningkit ang mata ni Cyrus sa narinig. Inayos niya muna ang suot na salamin bago magbitiw ng salita.

"Anong ibig mong sabihin?"

Patalikod na ang babae at akmang aalis ng pigilan siya ni Cyrus.

"Teka! hindi kita maintindihan. Pakilinaw ang sinasabi mo," nagtatakang wika ng binata.

"Mag-iingat ka na lang," sabay sanggi sa kamay ni Cyrus dahilan para matapon ang dalang pagkain. Ngumisi muna ang babae bago kumaripas ng takbo papasok sa kakahuyan.

Hahabulin pa sana ni Cyrus ang babae ng may humawak sa kanyang braso. Sa paglingon niya'y napag-alaman niyang si manang Elle iyon.

"Huwag mong pinagkakausap yong si Anita, baliw 'yon!" wika ng matanda.

"Aalukin ko lang sana ng pagkain kaso mukhang ayaw niya," tugon ni Cyrus.

"Hindi ligtas na lumapit ka sa kanya, mahirap na baka kung anong gawin niya sa'yo... mas mabuti pang bumalik ka na doon. Hinahanap ka na nila," malumanay na wika ni manang Elle.

Sumunod na lang si Cyrus sa matanda at bumalik sa kinauupuan. Sa gitna ng pagdiriwang at kasiyahan ay napaisip siya ng malalim sa sinabi ng babae at habang tumatagal ang pagkaupo niya'y mas lalo siyang binabagabag.

Pista de PulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon