Hindi na tinapos pa ni Cyrus ang ibang aktibidad ng kapistahan ng biglang sumama ang kanyang pakiramdam. Kaya naman nagpasiya siyang magpaalam sa mga kaibigan pati kay manang Elle. Hinatid naman siya tricycle pabalik ng bahay-bakasyunan para makapagpahinga.
Pagtapak pa lang ni Cyrus sa kwarto'y nakaramdam na siya na parang masusuka. Dali-daling napatakbo ang binata sa banyo at isinuka ang lahat ng kinain sa inidoro. Nang mahimasmasan ay hinanap niya ang baon niyang gamot sa kanyang bagpack para sa ganoong pagkakataon. Pagkainom ay humiga siya't ipinikit ang mga mata.
Habang sa isang banda'y nagkaroon ng magarang parada sa isla at sumama sina Layla at magkasintahan sina Jan at Teya sa paglilibot. Nagsimula iyon sa plaza, sunod ang pinakabayan kung nasaan ang munisipyo at mga pamilihan. At habang naglalakad sila'y napansin ni Layla ang baul na hawak ng lalaki sa pinakaunahan. Sa labis na kuryusidad niya'y lumapit siya dito at nagtanong,
"Ano pong laman niyan kuya at kasama yan sa prusisyon?"
"Malalaman mo rin iha," masayang banggit ng matandang lalaki.
Napakamot-ulo na lang ang dalaga at umupo sa nakita niyang upuang bakal sa tabi ng poste ng ilaw. Hinubad niya ang suot na sapatos at hinilot ang kanyang namumulang paa.
"Sasama ka pa ba?" nakangiting tanong ni manang Elle.
"Baka hindi na po. Malayo-layo na 'yong nalakad ko. Masakit na ang paa ko eh," tugon ni Layla.
"Sige, tatawag na lang ako ng tricycle o kaya single para ihatid ka."
"Salamat po."
Pagdating sa bahay-bakasyunan ay nakasalubong niya si mang Lito palabas ng pinto at may dalang lubid at itak.
"O iha, bakit ang aga mo naman atang bumalik?" tanong ni mang Lito.
"Ang sakit na po kasi ng paa ko eh," tugon ni Layla habang pilit na ngumingiti.
"Sayang naman 'di mo makikita ang isa sa mga atraksyon ng kapistahan."
Napangiti na lang ang dalaga at paakyat na sana ng hagdan ng muling magsalita ang matanda.
"Meron pa naman mamayang gabi gusto mo ipatawag na lang kita para makita mo?"
"Sige po, iiglip muna siguro ako."
Nagpatuloy ang prusisyon at sunod itong dumaan sa sakahan at pataniman ng gulay at prutas.
Sa huling bahagi ng prusisyon ay sa dalampasigan sila huling tumuloy. Tinawag ng atensyon ni father Natas ang magkasintahang bisita at pinalapit sila sa mga lalaking may hawak ng baul.Nag-alay muna ng dasal ang pari, isang dasal para sa masagang huli sa karagatan at saka pinaunlakan si Teya na buksan ang baul. Nananabik at nakangiti pa ang dalaga sa pagkakataon ibinigay sa kanya. Pagbukas ng dalaga'y nanlaki ang mga mata niya't mistula siyang binuhusan ng malamig na tubig. Nanginig siya ng todo at bumilis ang tibok ng kanyang puso.
Napasigaw ito ng ubod ng lakas at napatakbo sa likod ng nobyo. Kinuha ng pari ang laman ng baul at tumambad sa kanila ang pugot na ulo ni Dean. Tirik ang mga mata, maputla at lawit na ang dila nito. Halos matumba't hindi maipinta naman ang mukha ng magkasintahan sa labis na pagkagimbal.
"Magpugay kayo dahil ang kanyang buhay at dugo ay naging alay para sa ating panginoon! ang tunay na diyos!" wika ni father Natas.
"Mga baliw!" sigaw ni Jan.
"Hindi ito kabaliwan bagkus isang pagpapala!"
Paalis na sana ang magkasintahan ng hawakan sila ng ilang lalaki.
"Dapat niyo itong ikarangal dahil magagaya na rin kayo sa sinapit ng ibang bisita," buong pugay na sambit ng pari. At sabay-sabay naghiyawan ang taong-bayang sumama sa prusisyon.
"Naging kaisa niyo na ang ibang bisita sapagkat ang kanilang laman at dugo ay inihanda namin sa mga putahe kanina," dagdag ng pari.
Halos bumaligtad naman ang sikmura nila Jan at Teya sa narinig. Napaiyak na lang ang dalaga at masuka-suka. Panay naman mura ng binata at pilit na nagpupumiglas. At marahas silang hinatak sa parte ng dalampasigan kung saan mamula-mula ang buhangin. Habang ang iba'y sumasambit ng dasal sa kakaibang lengwahe.
Pagkatapos ay iniyuko nila si Jan at walang sabi-sabing pinugutan siya ng ulo ng isang lalaki gamit ang tabak. Naghagulgol at parang mababaliw si Teya sa nasaksihan habang napapaligiran siya ng mga taong galak na galak sa nangyari.
Pagkatapos ay tinali nila ang paa ng bangkay ni Jan at isinabit iyon ng patiwarik sa puno. At hinayaan lang nilang tumulo ang sariwang dugo nito diretso sa buhanginan. Naglakad ulit ang taong-bayan patungo sa susunod na pwestong paglalagakan ng pag-aalay. Ang sakahan.
***
Naalimpungatan si Cyrus ng makarinig ng sunod-sunod na kalabog sa pasilyo. Kahit aantok-antok pa'y sinilip niya ang nangyayari roon. Sa pag-awang ng pinto'y nakita niyang pilit na kinakaladkad ni manang Elle si Layla palabas ng pinto ng kanyang kwarto. Nagpupumiglas din ito at pilit inaalis ang basahan na tinatakip sa kanyang mukha.
Lalabas na sana si Cyrus para tulungan ang kaibigan ng makita niyang paakyat sa hagdan si mang Lito, nakangiti at may hawak na itak. Nanlaki ang mga mata ng binata't kasabay ng paggapang ng kaba sa kanyang dibdib. Mabilis at marahan niyang isinara ang pinto at pilit na uminahon. Humugot siya ng malamim na hininga at pinakinggan ang nangyayari sa labas.
"Pasukin mo na ang isa natin bisita," pagkarinig niya.
Mas dumoble pa ang bilis ng tibok ng puso niya at napakagat siya sa kanyang daliri. Nagpabalik-balik siya ng lakad at nag-iisip ng dapat na gagawin habang inaayos ang suot nitong salamin.
Kinuha niya ang kanyang smart phone at dismayado siyang makitang walang signal ito, binulsa na lang niya iyon at huminga ng dahan-dahan at malalim.
Hanggang sa sumagi sa isip niyang buksan ang shower at ilock ang pinto ng banyo. At nagtago siya sa likod ng pinto at panay ang dasal niya na 'di siya mapansin doon.
Narinig niya ang pagbukas ng lock ng pinto at pumihit ang saradora. Napapikit siya't nagpigil ng hininga. Sa pagdilat niya nakita niyang nakatalikod ang matanda at abala sa paghahanap ng susi ng banyo para buksan iyon.
Hindi na siya nagdalawang isip pa at dahan-dahan siyang umalis sa pinagtataguan at lumabas ng pinto. Sinilip muna niya ang ibaba at ng masigurong walang tao ay kumaripas siya ng takbo palabas.
Tumakbo siya hanggang sa makalayo, walang patutunguhan at walang kasiguraduhan.
BINABASA MO ANG
Pista de Pula
HorrorIsang masayang bakasyon ang inaasahan ni Cyrus mula ng napanalunan niya ang premyong makatungtong sa tinaguriang paraisong isla sa modernong panahon, ngunit sa kabila ng ganda't halina ng nasabing isla ay masasangkot siya kapistahang doon lamang gin...