Lupang Tinubuan Ni Narciso G. Reyes

8.5K 17 0
                                    

Ang tren ay tumulak sa gitna ng Sali-salimuot na mga ingay. Sigawan ang mga batang nagtitinda ng mga babasahin, Tribune, mama, Tribune, Taliba? Ubos nap o. Liwayway, bagong labas. Alingawngaw ng mga habilinan at pagpapaalam. Huwag mong kalimutan, Sindo, ang baba mo ay sa Sta. Isabel, tingnan mo ang istasyon. Temiong, huwag mong mabitiw-bitiwan ang supot na iyan. Nagkalat ang mga magnanakaw, mag-ingat ka! Kamusta na lang sa Ka Uweng. Sela, sabihin mong sa Mahal Na Araw na kami uuwi. Ang pases mo Kiko, baka mawaglit. Maligayang Paglalakbay, Gng. Enriquez. Ngumiti ka naman, Ben, hindi naman ako magtatagal doon at susulta ako araw-araw. Kamusta na lamang. Paalam. Paalam. Hanggang sa muli.

Ang tren ay nabuhay at dahan-dahang kumilos. H-s-s-s-Tsug. Tsug. Naiwan sa likuran nina Danding ang takipsilim ng Tutuban, at sila'y napagitna sa malayang hangin at sa liwanag ng umaga.

Huminga nang maluwag ang kanyang Tiya Juana at ang sabi, 'Salamat at tayo'y nakatulak na rin. Kay init doon sa istasyon.' Ang kanyang Tiyo Goryo ay nakadungaw at nagmamasid sa mga bahay at halaman sa dinaraanan.

Ang galaw ng makina ngayon ay mabilis na't tugma-tugma, tila pintig ng isang pusong wala nang alinlangan. Napawing tila ulap sa isip ni Danding ang gulo at ingay ng pag-alis, at gumitaw ang pakay ng kanilang pag-uwi sa Malawig. Nagsasalita na naman ang kanyang Tiay Juana, 'Ang namatay ay ang Tata Inong mo, pamangkin ng iyong Lola Asyang at pinsan namin ng iyong ama. Mabait siyang tao noong siya'y nabubuhay pa.'

Si Danding ay sinagian ng lungkot, bagama't hindi niya nakita kailanman ang namatay na kamag-anak. Ang pagkabanggit sa kanyang ama ang tumimo sa ilang bahagi ng kanyang puso, at naglapit sa kanyang damdamin ang hindi kilalang patay. Naalala niya na sa Malawig ipinanganak, lumaki at nagkaisip ang kanyang ama. Bumaling siya sa kanyang Tiya Juana at itinanong kung ano ang anyo ng nayong iyon, kung mayaman o dukha, kung liblib o malapit sa bayan. At samantalang nag-aapuhap sa alaala ang kanyang butihing ate ay nabubuo naman sa isip ni Danding ang isang kaaya-ayang larawan, at umusbong sa kanyang puso ang pambihirang pananabik.

Sa unang malas, ang Malawig ay walang pagkakaiba sa alinmang nayon sa Kallagitnaang Luzon. Isang daang makitid, paliku-liko, natatalukapan ng makapal at manilaw-nilaw na alikabok. Mga puno ng kawayan, mangga, niyog at akasya. Mga bahay na pawid, luma na ang karamihan at sunog sa araw ang mga dingding at bubong. Pasalit-salit, isang tindahang hindi mapagwari kung tititigan sa malapit. Doon at ditto, nasisilip sa kabila ang madalang na hanay ng mga bahay. At sa ibabaw ng lahat, nakangiti at puno ng ningning ng umaga, ang bughaw, maaliwalas at walang ulap na langit.

'Walang maganda rito kundi ang langit,' ang sabing pabiro ng kutsero ng karitelang sinasakyan nila. Pinaglalabanan ni Danding ang sulak ng pagkabigo sa kanyang dibdib. ' Hindi po naman,' ang marahan niyang tugon. Naisaloob niyang sa mga nayong tulad nito isinilang at nagsilaki sina del Pilar, at iba pang bayani ng lahi, at sa gayong mga bukid nagtining ang diwa ng kabayanihan ng himagsikan laban sa mga Kastila. Ang alaalang iyon ay nakaaaliw sa kanya, nagbigay ng bagong anyo sa lahat ng bagay sa paligid-ligid.

Kay rami pala niyang kamag-anak doon. Hindi mapatid-patid ang pagpapakilala ng kanyang Tiya Juana. Sila ang iyong Lolo Tasyo, at sila ang iyong Lola Ines. Ang mga pinsan mong Juan, Seling, Marya at Asyas. Ang iyong Nana Bito. Ang iyong Tata Enteng. Yukod at ngiti rito, halik ng kamay roon. Mga kamag-anak na malapit at malayo, tunay at hawa lamang, matatanda at mga bata. Ang lahat yata ng tao sa bahay, buhat sa mga nangasapuno ng hagdan hanggang sa nagasaloob ay pawang kamag-anak ni Danding. 'Mabuti na lamang at likas na sarat ang ilong ko,' ang naisaloob niya. ' Kung hindi ay pulpol na marahil ngayon.'

Sapagkat sila lamang ang nagsipanggaling sa Maynila, sa pagtitipong iyon ay napako kina Danding ang pansin ng lahat. Umugong ang kamustahan. Balana ang nagtanong kay Danding ng kung ano ang lagay ng kanyang amang may sakit at ng kanyang inang siya na lamang ngayong bumubuhay sa kanilang mag-anak. Sinulyapan ng kanyang Tiya Juana si Danding at sinikap na saluhin ang mga tanong. Bantad na siya sa pagkamaramdamin ng kanyang pamangkin, at alam niyang ang kasawian ng ama nito ay talusaling na sugat sa puso nito. Ngunit hindi niya maunahan ng pagtugon sai Danding, na tila magaan ngayon ang bibig at palagay na ang loob sa piling ng mga kamag-anak na ngayon lamang nakilala.

MGA PANITIKANG FILIPINOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon