Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang putting-puti, kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong sinusukat sa harap ng salamin ang nagbubur-dahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.
Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimiling uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siya ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na saging. Bibili na rin siya ng garbansos. Gustong-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na garbansos.
Mag-ikakasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangus na pagkanta pangisinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili.
Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya painiling magdaan. Ang lugar ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa gitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok, ay siyang paglabas na humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang dibdib. "Ano ka ba?" ang bulyaw ni Aling Marta. "Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!"
Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang-lilis ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap.
"Pasensya na kayo, Ale" ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos. Tigbebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya, "Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako e."
"Pasensya!" – sabi ni Aling Marta. "Kung lahat ng kawalang-ingat mo'y pagpapasensiyahan nang pagpapasensiyahan ay makakapatay ka ng tao."
Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Paano't pano man, naisip niya, ay ako ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng hindi mabuti ay sa kanyang pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung me iba pang nakikita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng ilang kartong mantika.
"Tumaba yata kayo, Aling Gondang," ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.
BINABASA MO ANG
MGA PANITIKANG FILIPINO
De Todokalipunan ng mga panitikang Filipino. #panitikan #Filipino #Filipino