"HI, ROAN!' bati ni Zia sa babaeng naglalakad papunta sa bahay ni Gino.
Ngumiti ito at mabilis na lumapit sa kanya. "Ikaw pala, Zia. What are you doing here?" nagtatakang tanong ni Roan. Tumingin ito sa bahay ni Gino bago tumingin sa kanya. "Si Gino ba ang pinuntahan mo? Kanina pa siya umalis."
"I know. Tumawag siya sa akin kanina. Nasa office na raw siya. Ang totoo, ikaw talaga ang pinuntahan ko."
Unang kita pa lang ni Zia sa babae ay alam na niyang ito ang best friend ni Gino na si Roan. Ito ang babaeng nakita niyang kasama ni Gino sa halos lahat ng litrato sa photo album ng kasintahan. Ito rin ang babaeng nasa picture frame na nasa opisina ni Gino.
Nawala ang ngiti nito. "Ako? Bakit? May problema ba?"
Umiling siya. "Nabanggit sa akin ni Gino na may favorite soup siya na ikaw ang nagluluto sa kanya. Turo daw iyon ng mama niya bago ito nawala. Okay lang ba kung ituro mo sa akin ang recipe ng mama niya? Gusto kong ipagluto si Gino ng favorite niyang soup."
Tila nakahinga ito nang maluwag sa sinabi niya. "Akala ko kung ano na. Magbibihis lang ako sandali. Kailangan nating mag-grocery para sa soup na lulutuin natin."
Nabanggit sa kanya ni Gino na sa bahay nito pansamantalang tumutuloy si Roan habang naghahanap ng apartment ang kaibigan nito sa Manila.
Pagkalipas ng ilang sandali, magkatulong nilang niluto ang paboritong soup ni Gino. Habang nagluluto ay si Gino pa rin ang topic nila.
"Alam mo 'yang si Gino, paborito siyang asarin ng mga kaklase namin noong bata pa kami," kuwento ni Roan. "Mabait kasi 'yon, eh. Kahit binu-bully na siya, ang bait-bait pa rin niya sa umaaway sa kanya. Mahilig din siyang magbasa. Lahat ng librong dumaan sa kamay niya ay binabasa niya. Mahilig din siyang mag-aral. Lahat kami sa kanya kumokopya ng assignments. Noong nasa high school kami, lahat ng may crush sa kanya nakikipagkaibigan sa akin. Ang akala yata nila, liligawan sila ni Gino kung close sila sa akin. Kung alam lang nila kung ano ang gusto ni Gino sa babae."
"Mukhang super close kayo ni Gino, 'no? Ang dami mong alam sa kanya na hindi ko alam. Ang tagal din ninyong magkasama, mas matagal pa sa pinagsamahan namin. Minsan hindi ko mapigilang mainggit sa inyong dalawa."
Mabilis itong nag-iwas ng tingin. "Huwag kang mainggit sa amin, Zia. Ang sabi nga nila, wala daw 'yon sa haba ng panahon na kilala mo ang isang tao. Ang importante ay 'yong nararamdaman mo. Girlfriend ka ni Gino, ako best friend lang. Puwede niya akong palitan anytime dahil kaibigan lang niya ako. Pero ikaw, girlfriend ka niya, mahihirapan siyang palitan ka sa puso niya."
"Siguro nga," aniya sa mahinang boses. "I have always liked him, Roan. Hindi ka siguro maniniwala pero noong unang beses ko siyang narinig sa radio, alam ko nang gusto ko siya. I was lucky enough to meet him. I have never met someone as kind and sweet as Gino, Roan. We are okay. Minsan more than okay pa nga. Hindi niya sinasabi sa akin kung ano ang nararamdaman niya, pero nararamdaman kong importante ako sa kanya. Ipinaparamdam niya sa akin na espesyal ako sa kanya. Minsan lang hindi ko maiwasang kabahan. Natatakot ako na bigla na lang siyang mawala sa akin."
"I know my best friend, Zia. Alam mo bang bukambibig ka niya sa akin nang iwan mo kami kahapon? Kilala ko si Gino. Bawat gawin at desisyon niya pinag-iisipan niya. Hindi ka niya ipapakilala sa akin bilang girlfriend niya if he didn't mean it. And I'm sure lalo siyang mai-in love sa'yo 'pag natikman niya itong soup na niluto mo para sa kanya."
Ang dami niyang gustong sabihin dito. Ang dami niyang gustong itanong. Ngunit sa huli ay nagpigil siya. "Thank you, Roan. I appreciate it. Sana magustuhan ni Gino itong soup. Kahit ako ang nagluto at hindi ikaw."
BINABASA MO ANG
I Love You, Mr. DJ (Completed - Published by PHR)
RomanceUnang na-in love si Zia sa boses ni DJ Gino. Taglay nito ang pinakamaganda, masuyo, at baritonong boses na narinig niya sa buong buhay niya. At nang makilala niya ito, hindi niya napigilang tuluyang mahulog ang loob dito. Ngunit may malaking pr...