"ANAK, anong oras daw darating si Gino?"
Mula sa pagtanaw sa gate ay napatingin si Zia sa kanyang ina na hindi niya namalayang nakalapit na sa kanya. "Hindi ko po alam, Mama. Baka may emergency kaya na-late siya ng dating."
Muling sumulyap si Zia sa gate, umaasang makikita na niya ang sasakyan ni Gino. Pero nabigo siya. Nangako itong darating ng alas-sais, pero mag-iisang oras na mula nang magsimula ang birthday party ng kanyang ama ay wala pa rin ito. Ilang beses niya itong tinawagan ngunit out of coverage ang cell phone nito. Nag-aalala siya na baka kung ano na ang nangyari sa nobyo.
"Ipupusta ko ang isang buwang suweldo ko, hindi darating ang lalaking 'yon."
"Ryan!" sita ng kanyang ina sa kapatid. "Don't worry, anak, you'll see darating si Gino. Kilala ko ang batang 'yon. He's not the type of person who breaks his promise," pang-aalo sa kanya ng ina.
Napatango si Zia. Alam niyang darating si Gino. Ilang beses itong nangako sa kanya. May emergency lang siguro kaya ito na-late ng dating. Mamaya makikita rin niya itong papasok ng gate at binabati siya.
"Walang problema sa akin kung darating siya, Mama. Ang sinasabi ko lang dito kay Zia, huwag siyang masyadong umasa." Tinapik siya ng kapatid sa balikat. "Don't hope too much, sis. Hindi masamang minsan protektahan mo rin ang puso mo," anito saka umalis.
Nalungkot siya sa sinabi ng kapatid.
"Don't mind your brother, anak. Alam mo namang may sister complex 'yon. Maiwan muna kita. May nakita akong kaibigan na dumating. Don't worry, Gino will be here soon."
Tumango siya. "Enjoy the party, Mama."
"You, too. Speaking of friends, dumating na ang mga kaibigan mo."
Binati ng ina ang kanyang mga kaibigan saka sila iniwan para asikasuhin ang mga dumating na bisita.
Lumipas ang oras ngunit kahit anino ni Gino ay hindi niya nakita. Ni hindi ito tumawag o nag-text sa kanya.
"Are you okay, sis?" tanong ng kuya niya. Katatapos lang ng party at paakyat na siya sa kuwarto niya.
"I'm okay, Kuya. Medyo napagod lang ako. Magpapahinga na ako. 'Night!"
Naramdaman niyang lumapat ang palad nito sa noo niya. "Mainit ka. Magpapaakyat ako ng gamot at gatas sa kuwarto mo. Gusto kong nainom mo na 'yon pagpunta ko sa kuwarto mo. Alam mo kung ano ang mangyayari 'pag hindi mo ginalaw ang ipinaakyat ko."
Pinatirik niya ang mga mata. "I know, Kuya. Gigisingin mo ako at pilit na ipapainom sa akin ang gamot at gatas." Hinalikan niya ito sa pisngi. "Thanks, Kuya! Good night!"
Nakapag-palit na si Zia ng damit-pantulog nang dumating ang ipinadalang gamot at gatas ng kanyang kapatid. Agad niya iyong ininom. Makalipas ang ilang saglit, mahimbing na siyang natutulog sa kanyang kama.
---------------------------------------------------------------
"KAHIT sandali lang, Ate. Gusto ko lang makita si Zia. Kahit bantayan mo pa ako. Hindi ako magtatagal, promise," pakiusap ni Gino sa kasambahay na nagbukas sa kanya ng gate.
Kararating lang ni Gino mula sa Batangas. Kaninang umaga nagulat siya nang magpaalam sa kanya si Roan na pupunta ng Batangas para kausapin ang ex-fiancé nito. Hindi niya ito pinayagang umalis na mag-isa dahil kagagaling lang nito sa sakit. Sa halip, nagprisinta siya na ihatid ito sa Batangas.
BINABASA MO ANG
I Love You, Mr. DJ (Completed - Published by PHR)
RomanceUnang na-in love si Zia sa boses ni DJ Gino. Taglay nito ang pinakamaganda, masuyo, at baritonong boses na narinig niya sa buong buhay niya. At nang makilala niya ito, hindi niya napigilang tuluyang mahulog ang loob dito. Ngunit may malaking pr...