Chapter One

12.6K 156 10
                                    

"Good luck sa feature story ninyo, Sir."

"Thank you, Perlie. Makinig ka sa program ko bukas. Babatiin kita," wika ni Gino sa tour guide na tumulong sa kanya na libutin ang Intramuros.

Lingid sa kaalaman ng iba, hindi lang si Gino nagtatrabaho bilang general manager ng RJ Music Station - isa sa kilalang radio station sa bansa. Isa rin siyang DJ ng nasabing radio station. Tatlong oras ang programa niya sa radio. Bukod sa greetings at pag-grant ng song requests, mayroon rin siyang feature story of the week. Para sa linggong iyon, plano niyang i-feature ang Intramuros sa programa niya. Maaga pa lang ay nakipagkita na siya sa kanyang tour guide sa parking lot ng San Agustin Church. Pagkatapos pag-usapan ang kanilang itinerary, sinimulan na nilang ikutin ang Intramuros sakay ang kalesa. Kumuha rin siya ng mga litrato na plano niyang i-post sa kanilang Web site. Mamayang gabi ay aayusin niya ang kanyang feature story para sa radio program niya kinabukasan. 

"I will! Thanks, Sir!" ani Perlie saka nagpaalam.

Akmang bubuksan ni Gino ang kanyang sasakyan nang may maramdaman siyang kumalabit sa kanya. Nalingunan niya ang isang matandang babae. Halos kasing-edad ito ng kanyang mga magulang na namatay sa isang vehicular accident may ilang taon na ang nakararaan. 

"Baka gusto mong bumili ng tubig, hijo? Beinte pesos lang," nakangiting alok nito sabay taas sa hawak na tubig.

Ngumiti siya. "Sige po pabili ng isa." Dumukot siya ng pera at inabot dito. 

"Namamasyal ka ba, hijo?" tanong ng matandang babae.

"Opo, katatapos ko lang ikutin ang Intramuros."

"Itong San Agustin Church napuntahan mo rin?" 

"Yung museum lang po."

"Bakit hindi ka pumasok sa loob? Alam mo bang sa simbahan na 'yan kami nagkakilala ng yumao kong asawa? Malaki ang sentimental value sa akin ng lugar na ito, lalo na ang simbahan," kuwento ng matanda. Sa kanya ito nakatingin ngunit may pakiramdam siya na lumilipad ang isip nito. 

Narinig ni Gino ang kampana ng simbahan. "Mukhang may kasal sa loob. Baka hindi po ako makapasok."

"Puwede 'yan, hijo. Sa ganyan din kami nagkakilala ni Joselito ko. May kasal din noon nang una kaming magkita sa loob ng simbahan. Hindi ka siguro maniniwala, pero noong unang magtagpo ang aming mga mata, nakita ko ang sarili kong ikinakasal sa kanya. Hindi ako nagkamali dahil eksaktong isang taon pagkatapos naming magkita, dito rin mismo sa simbahang ito ay ikinasal kaming dalawa."

Kahit paano ay na-curious si Gino sa kuwento ng matandang babae. "Sige po, 'Nay, papasok po ako sa loob."

Nakangiting tumango ang matanda at tinapik ang kanyang balikat. "Matatagpuan mo rin ang kaligayahang hinahanap mo, hijo. Maniwala ka lang." Iyon lang at iniwan na siya nito.

Pumasok si Gino sa loob ng simbahan at umupo sa gawing likuran. Lumuhod siya at nagdasal. Kapagkuwan ay umupo siya at tumingin sa gawing unahan. Mukhang hinihintay na lang ang pagdating ng bride at mag-uumpisa na ang kasal.

Napatingin si Gino sa groom. Halata ang kaba at excitement sa ngiti nito. May kung anong lungkot ang lumukob sa kanyang puso. 

Akmang titingin siya sa pinto ng simbahan kung saan nakatayo ang bride nang may marinig siyang tila suminghot malapit sa kanya. Sa halip na sa bride, napatingin siya sa babaeng nakaupo hindi kalayuan sa kanya.

He couldn't help but stare at her. The woman was very lovely. Sa suot nitong puting bestida, she looked so innocent, delicate, and serene. Lahat yata ng makita niya sa mukha nito ay maliit - ang hugis-puso nitong mukha, ang mga mata nito, ang ilong at mga labi. At nang pagsama-samahin ang features na iyon sa mukha nito, lumabas iyong perpekto para lamang dito. Maliit din ito na kapag itinabi sa kanya, bahagya lang itong aabot sa balikat niya. Kung may anghel na bumaba sa langit, there was no doubt in his mind that that angel could be her.

I Love You, Mr. DJ (Completed - Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon