"OUCH!" daing ni Janicka. Hindi niya napigilang mapangiti nang matigilan si Jeff sa paggagamot sa paa niya. Nakakunot-noong tumingin ito sa kanya. "Joke lang! Ang serious mo kasi. Daig mo pa ang surgeon na nagpe-perform ng major operation sa sobrang serious mo. Smile, okay?"
Nang pilitin siya nitong makita ang kanyang sugat, matigas ang naging pagtanggi niya. Hanggang sa makalabas sila ng drugstore, pinipilit pa rin siya nito. Sa huli, natagpuan niya ang sariling sumusunod dito papasok sa convenience store at ipinapakita ang kanyang sugat.
Ang akala ni Janicka ay titigilan na siya ni Jeff kapag napagbiyan niya ang gusto nito. Umupo siya sa mahabang upuan ng convenience store. Saglit na iniwan siya nito at pagbalik ay may dala na itong cotton balls, alcohol, at kung ano-anong cream. At dahil late na at katatapos lang umulan, maliban sa dalawang empleyado ng convenience store, silang dalawa ang tanging customer na naroon.
Napatuwid si Janicka ng upo nang tabihan siya ni Jeff. Inabot nito ang kanyang paa na may sugat at ipinatong sa binti nito. May ilang minuto siyang tahimik habang pinagmamasdan ito na seryosong ginagamot ang kanyang paa. Kahit saang anggulo tingnan, mukha talaga itong anghel. Habang tumatagal na magkasama sila, unti-unti ay nakikilala niya ang totoong Jeff. He might seem like a cold and distant man, subalit sa loob ay nagkukubli ang isang mabait at maalagang lalaki.
"Ikaw talaga. Just when I thought na tatahimik ka na."
"Huwag ka kasing masyadong seryoso. Tingnan mo natakot tuloy sila sa'yo," aniya sabay turo sa dalawang empleyado ng convenience store. "Kaninang kinakausap ka ni Ate, bigla mo siyang tinalikuran. Mabuti na lang, tinanggap niya 'yong paliwanag ko na magkaaway tayo kaya mainit ang ulo mo. Here, drink this. Gaganda ang mood mo kapag uminom ka ng apple juice." Inabot niya rito ang biniling juice.
"Tatapusin ko muna ito."
"Hindi tatakbo ang mga paa ko kahit na uminom ka na ngayon. Don't worry, babantayan ko sila. At saka magaling na 'yang ginagamot mo. Peklat na lang 'yan."
"When it comes to your body, you should never presume anything. Minsan mukha lang magaling ang sugat o sakit, pero kung pakasusuriin mong mabuti, saka mo malalaman na naroon pa ang cause niya. Hangga't hindi mo siya ginagamot nang tama, hindi siya tuluyang gagaling. Baka lalo lang siyang lumala kapag pinabayaan mo."
"How did you know that? Alam mo kung hindi kita kilala, iisipin kong doctor ka."
Bigla itong nag-iwas ng tingin. Tila hindi nito gustong pag-usapan ang itinanong niya. Bago pa siya makapag-isip ng sasabihin, naramdaman niyang hinipan nito ang kanyang sugat. Animo may bagyong dumaan at dinala nito ang huwisyo niya.
"Okay na ang sugat mo. Pahiran mo siya nitong cream. After ng ilang days, puwede ka nang magsuot uli ng skirt at open shoes," sabi nito habang ibinababa ang itinaas niyang laylayan ng suot na dress pants. Ito na rin ang nagsuot ng kanyang sapatos.
"Thank you."
"No problem. Mag-ingat ka sa susunod."
Tumango siya.
"Let's go." Kinuha ni Jeff ang gamit niya. Hinawakan nito ang kamay niya at inalalayan siyang tumayo. Palabas na sila ng convenience store nang bigla itong tumigil. "Sorry for the inconvenience and thank you."
Nagulat ang dalawang empleyado ng convenience store. Sa huli, halos sabay na ngumiti ang dalawa.
"Thank you rin, Sir. Sana po magkaayos na kayo ng girlfriend n'yo," nakangiting sabi ng babaeng napagsungitan nito kanina.
Mukhang may sasabihin pa si Jeff ngunit pinili na lang nitong ngumiti. Nagpasalamat siya sa dalawa at nagpaalam. Nangingiting sumunod siya kay Jeff palabas ng convenience store.
BINABASA MO ANG
Sleeping Heart (Completed: Published by PHR)
Storie d'amore"Ganoon yata kapag mahal mo ang isang tao. Nagagawa mo ang mga bagay na hindi mo madalas na ginagawa." Nakita ni Janicka ang katangin ng kanyang Prince Charming sa katauhan ni Jeff kahit noong una ay suplado ito sa kanya. Pero dahil sa pangungu...