'Di mo lang alam
Alexa:
Hindi mo alam kung gaano mo ako pinasaya.
Sa iyong pagbabalik mundo ko’y biglang sumigla.
Hindi ko inaasahang ako ri’y mahal na,
O kay laking pasasalamat dahil nararamdaman nati’y iisa!
Mga salitang binitiwan ko noo’y tila kinain ko ngayon,
ang paghihiganti ng puso’y nawala sa isip ko.
Ngayong sa akin na nakapako ang iyong atensyon,
Araw-araw akong kikiligin, minu-minutong ngingiti nang dahil sa iyo.
At huwag mong isipin na ganun lang kadali ang ako’y makuha.
Susuot ka sa butas ng karayom para mahaplos ang aking mukha,
Katulad ng tala sa gabing payapa,
Ako’y susungkitin, titingalai’t pagmamahal ay isusumpa.
Di mo lang alam, nang ika’y magtapat,
Kilig at kabog ng dibdib ay hindi ko masukat.
Ako’y tila tinamaan ng ligaw na sibat,
Pati na rin ng kuryente ng malakas na kidlat.