Chapter One

184 6 0
                                    

Sunod-sunod na ang malakas na pagkabog ng dibdib ni Peppermint nang hindi dumating ang sinasakyang eroplano ni Kael sa Cebu. Kinutuban na siyang may hindi magandang nangyari sa boyfriend lalo na't kanina pa ito hindi makontak.

Tinawagan na niya ang business expo na dadaluhan ni Kael bilang panauhing pandangal ngunit hindi pa raw nakapag-report ang lalaki. Di- mapigil ang pagdunggol ng takot sa kanyang puso. Pinatunog niya ang mga daliri sa mesa. Alam na alam niya ang oras ng pagdating ng boyfriend sa Cebu. Sinabi ni Kael iyon sa kanya. Siya rin ang naghatid rito sa private plane hanggang sa maglaho iyon sa paningin niya. 

Alas siete na ng gabi ngunit wala pa rin siyang natanggap na text mula sa komite ng okasyon na safe na nakarating si Kael doon. Aligaga na si Peppermint, halos pandilatan na niya ang keyboard ng cellphone, kinalampag na niya iyon. Tinawagan na rin niya ang ilang kakilalang kasama ring dadalo sa Expo. Taimtim siyang nagdasal na sana'y walang masamang nangyari kay Kael. 

Lumipas ang isang oras ngunit wala pa rin siyang natanggap na balita. Nanlalamig ang kamay na dinapot niya ang cellphone sa desk. Hinuweno niya ang phonebook upang hanapin ang numero ni Vanilla kailangan na niya ang tulong ng kaibigan. 

"Baka na-delay lang yun." ang pambungad na pahayag nito sa kanyang natarantang diwa.

"Hindi talaga ako mapakali Val. Alam mo naman kung gaano ko kamahal si Kael di ba." tila kapusin siya ng hininga ng sabihin iyon sa kaibigan.

"Ako na ang nagsasabi sayo Pep, na-delay lang yun. Malay mo may importanteng bagay iyong inasikaso." 

"Pero Val, hindi pa rin ako mapakali hangga't hindi ko naririnig ang boses niya. Kaya please help me. Kailangan ko ng tulong mo!" Tila sambahin na siya ang kaibigan, gawing diyos para isanto ang kanyang kahilingan. Masisisi ba niya ang sarili kung ganoon na lang siya ka-paranoid pagdating kay Kael.

"Sige susubukan ko." saka ibinaba na nito ang kabilang linya. Napahawak siya ng sariling dibdib.Halos ikahimatay na niya ang bawat segundong lumilipas. Buhay pa siya pero binuburol na ang kanyang isipan.

Pinapak niya ang manggas ng suot na polo. Isinilid ang sarili sa suit, kinigkig siya ng sobrang lamig sa katawan. Di-makanti ang kanyang mga mata sa pagtingin sa screen ng cellphone, pinapanalangin na sana ay mag-vibrate iyon at si Kael ang tumatawag. 

Wala sa sariling napatayo si Peppermint sa sariling study table. Pinasadahan niya ang tingin ang suot na relos. Mas lalong sinukob ng kaba ang buong katawan niya nang mahinuhang alas nuebe na ng gabi. Halos mapapadyak na siya sa sobrang pag-aalala. Para siyang sinapian sa pabalik-balik na paglalakad sa kaparehong posisyon. Nang hindi na niya mapigil ang sarili ay dinampot niyang muli ang aparato. Tinawagan uli ang hotel na tutuluyan ni Kael , ngunit pati iyon ay walang balita tungkol rito. 

Parang kinoryente ang kanyang mga tuhod, napasalampak siya ng upo sa swivel chair. Hindi siya uuwi ng bahay hangga't hindi nasisiguradong safe ang lalaki. Nagtungo siya sa pantry upang kumuha ng tubig pamatid sa kanyang nanunuyong sikmura. Saka mabigat niyang ibinalik ang sarili sa pag-upo. Malakas siyang napabuga ng hangin. 

Hindi siya masisisi ng kahit sino kung bakit gayon na lang ang kanyang pag-aalala. Kael is all for her. Mahal na mahal niya ang lalaki at ganon din ito sa kanya. They had been on a relationship ever since na tumuntong sila ng first year college. Kahit pa may katigasan minsan ang kanyang ulo ay iniintindi siya ng lalaki. Nirerespeto nito palagi ang kanyang desisyon. Katulad na lamang ng magpunta siya ng Amerika, kahit batid niyang labag sa kalooban nito ang ginawa niya ay pinakinggan nito ang kanyang hindi naman mabigat na rason. Sa paglipas ng mga taon ay wala silang mga malalalang away sa isa't-isa na humantong sa pagtetengang-kawali, ang minsan lang nilang pinagtatalunan ay ang tungkol sa pagiging demanding niya.

Peppermint: Now And Forever( Published Under Blue Sky Press Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon