Entry #5 Shalom by AkankeQuinn

305 13 6
                                    

Shalom

Nasaan ang kapayapaan?

Paulit-ulit kong tinatanong sa sarili ko ang mga katagang ito. Nagmimistulang isang sirang plaka ang utak ko, sa paulit-ulit na paguusisa kung nasaan nga ba ang kapayapaan sa mundong ito.Kung nasaan nga ba ang kapayapaan sa sarili ko. Nasaan ang kapayapaan ng tao.

Mahahanap lamang ba ito, kapag tayo’y namatay na? Kapag tayo’y wala ng galit sa puso? O kapag sumuko na tayo sa Panginoon?

 Sinuot ko na ang maong na kupas at isang manipis na sando. Sabay patong ng isang jacket para hindi maging halata at kapansin-pansin ang mga bundok ko. Naglakad ako palabas ng aking bahay, sinalubong agad ako ng mapulusyong kalsada. Sabagay, ano nga bang nais kong madatnan? Kung nakatira lang ako sa isang paupahan na halos ‘di  na magkasya ang dalawang tao, na katabi ng riles ng tren at parang nililibing ka na ng buhay sa sobrang sikip. ‘Di ko mapigilan ang sarili kong mangarap, na sa paglabas ko sa mumunti kong bahay ay may sasalubong sa akin na sariwang hangin, na maririnig ko ang mga huni ng ibon. Na may madaratnan akong kapayapaan.

Pinagpatuloy ko ang paglalakad sa masukal na mundo, kung saan pinagmamasdan ko ang mga tao sa aking paligid. Patuloy ang paglalakbay ng aking mga mata sa mga taong nagsisigawan sa daan. Mga taong nagiinuman. Ang taong gustong magpakamatay at nakatayo sa gitna ng riles ng tren. Tila iniisip na wala ng patutunguhan ang buhay nila. Tila nangangarap na maging ayos na ang lahat pero alam nila sa sarili nila na kahit kailan hindi na nila ito maatim pa.

Naglaro ako sa utak ko. Pinagmasdan ko ang mag-asawang nagaaway sa gitna ng daan. Dahil sa lakas ng boses nila naririnig ko sila, at dahil sa bagal nang lakad ko, magagawan ko sila ng storya. Ano nga bang nasa likod ng mga taong ito? Nagagalit ang babae dahil umuwing lasing ang lalaki sa bahay. ‘Yun lang ang totoo, pero subukan nating palawakin ang ating pagiisip. Bakit nga ba nagagalit ang babae sa pag-uwi ng lalake na lasing? Dahil ba nag-alala ito sa kanya? Dahil ba ayaw niyang makitang masira ang buhay ng asawa niya? O dahil ang perang sinahod ng asawa ay nagastos na agad at hindi siya nahatian para makapaglaro ng mahjong? Dahil ba may anak sila na mag-aaral at ayaw niyang maging masamang ehemplo ang tatay nila? Alin man ang dahilan nang pagaaway. Isa sila sa mga dahilan kung bakit hindi magkaroon ng kapayapaan ang mundo.

Napatingin naman ako sa gawi ng mga nag-iinuman. Kung susumahin, isa lang silang mga walang-kwentang tao na walang ginawa kung hindi ang paikliin ang nalalabing oras nila dito sa mundo. Pero lahat ng tao may kwentong itinatago, ano kaya ang sa kanila? Pinagpatuloy ko ang laro sa aking isipan habang binabaybay ang daan. Laro na bumabasa ng tao. Yung isang tawa nang tawa habang lumalagak ng alak, masaya kaya talaga siya sa ginagawa niya? Kita ng mga mata ko ang lungkot sa mga mata niya na kahit ano pang tawa ang gawin niya ay alam kong hindi siya masaya. Maaring iniwan ng minamahal, namatayan ng kapamilya, nawalang ng trabaho o nawawalan ng dahilan mabuhay ang mga taong ito. Sino man sa kanila ang may pinakamabigat na problema, alam kong lahat sila nangangailangan ng kapayapaan.

Napatingin ako sa liwanag na nanggagaling sa ‘di kalayuan ng riles ng tren, saglit na bumilis ang tibok ng puso ko sa mga pangyayari. Agad na napunta ang aking tingin sa lalaking naglalakad sa gitna ng riles ng tren. Gustuhin ko man sumigaw para umalis siya diyan. Ay napahinto ako. Gusto na niyang mamatay. Bakit? Dahil naghahanap na siya ng kapayapaan. Kapayapaan na hanggang ngayon hindi ko rin alam kung sino ang makapagbibigay. Diniretso ko na ang tingin ko sa aking nilalakaran.Walang may pakielam sa maaring mangyari. Dinudurog ang puso ko. Pero ganito sa mundong ibabaw, walang taong hindi nasasaktan. Walang taong walang problema. Lahat sila may kanya-kanyang istorya na may kagimbal-gimbal na pangyayari kung saan siyang magpapatunay kung magtatagumpay pa sila sa malupit na mundo.

Dumaan na ang tren. Unti-unti kong nilipat ang tingin ko sa lalaking namatay ng wala man lang may pakielam. Pagkatapos nang pangyayari ay umusad ang buhay. Na parang walang lalaking naglalakad sa riles ng tren. Tila nabura sa isang segundo ang eksistensya ng lalaking namatay.Tila walang may pakielam kung magkalasog-lasog ang katawan niya.Nakalimutan na agad siya. Bumalik lahat sa paghahanap ng kapayapaan. Pinagpatuloy ang pagresolba ng mga misteryong hindi natin alam kung sino ang makakasagot.

Wattpad Short Story Writing Contest 2014 (WSSWC)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon