Matapos bumalik sa hanay nila sa tapat ng malawak na bakuran ng isang mansyon, kumulo ang kanilang tyan. Sinubukan nilang maghanap ng makakaing dagang-bukid ngunit wala silang makita. Hindi tayo pwede abutan ng bagong taong gutom kung di'y buong taon tayo magugutom, sabi ng isa. May paghihimagsik ang mga mata ng mga kasama niya ngunit madadama mo rin ang pagod at panghihina. Kinuha ng lider ang piko. Wala na ang mga araro, kalabaw, at ang kanilang inutang na pesticide. Ano pa nga bang magagawa nila? Binungkal nila ang mga nakatiwangwang na lupa para may maihanda man lang sila sa darating na kapistahan.Nagtanim sila sa pagbukas ng liwanag, umuwi sila sa kanya-kanyang barong-barong paggising ng mga hasyendero. Tinubigan nila ang punla sa siesta. Inalagaan hanggang mamunga. Wag daw mag-alala, dasalan lang ang lupa't makikinig ito. Isang gabi bago ang noche buena'y 'di sila makatulog nang mahimbing. Umuugong ang lupa. Nag-aalburuto siguro para sa atin 'ika ng isa nilang kasama. Lalamunin na ang mga gahamang hasyendero! Palayo sa kanilang mga barong, tumakbo sila sa isang sulok ng bukid, iniiwasan ang hagupit ng kalikasan. Nagpakita ang dalawang bola ng liwang kasabay ang pagyanig ng lupa. Naghuhuramentadong ingay. Nilamon ang mga itinanim nila. Sinubukan nilang lumapit at magmakaawa tulad ng pagmamakaawa nila sa nakaraang sampung taon sa harap ng piket. Lumiyab ang mga barong-barong. Tinupok ng apoy ang lahat. Wala silang naisalba. Nilingon nila ang bukirin. Bumulaga ang higanteng makinang nililisan ang hinalukay na lupa.
