Madaling-araw na nang may nagbukas ng pinto ng kubo ng dalaga. Naalimpungatan ang dilag ngunit di niya pa rin makita ang bisita. Hinawakan siya nito at inalalayan palabas, patungo sa lilim ng mga matatandang puno. Pagdating ng umaga'y nagising siya sa loob ng kanilang kubong karga-karga ang bilugang sinapupunan. Nagulat ang buong baryo. Napadasal ang ilang kakilala sa bakanteng simbahan. Nagsimulang umikot ang mga tsismis kung kaninong asawa ang salawahan. Nagturuan ang mga ina. Nag-away ang magkakapit-bahay.
Magkakasunod na balahaw ang narinig sa buong baranggay. Umabot sa katabing bundok, ilog, at sa sentro ang balita. Unang nakaalam ang mga nasa mataas na posisyon. Nangamba ang mayor na baka siya ang nakadali dito at masira ang reputasyon niya sa darating na eleksyon. Tinawagan niya ang senador na bihasa sa ganitong sitwasyon. Hindi ito sumasagot. Sumunod na ang mga panginoong-maylupa at mga usurerong walang pinanghahawakang pangalan dahil nakatatak na ito sa mapa at sa bawat butil ng pawis ng mga magsasaka. Sinilip nila ang malawak na sakahan ngunit di nila makita ang mga katuwang ng kalabaw at mga pananim. Walang ani nang araw na yun. Walang mapipitas na pinya o saging. Tila namroblema rin ang mga palay, gulay, at prutas sa natunghayan.
Dumating ang arawang ronda ng mga sundalo sa paligid ng mga bahayan. Tumigil ang lahat. Bumalik sila sa kanya-kanyang bahay at kubo. Mahirap na.
Pabalik na rin ng kubo ang babae nang kumawala ang tubig sa kanyang panubigan. Wala siyang magawa kung di iluwal ang sariling anak sa gitna ng liblib na kagubatan. Humiga siya sa piling ng mga patay na dahon at ng matabang lupain. Ibinuka niya ang mga hita. Hinagilap niya ang hangin ng kagubatan. Napunit ang kanyang kalamnan. Sa pag-iri ay lumabas ang isang malusog na kamote. Niyakap niya ang anak at inuwi sa kanilang tahanan.
Nang tumanda ang bata'y nagpaalam itong maglaro kasama ng iba pang bata sa baryo. Pumayag naman ang ina. Ngunit nang makita siya ng mga bata ay nagtawanan lang ang mga ito. Isa raw siyang malaking kamote. Yung kamoteng kabubunot pa lang sa lupa, yung marumi at may ugat-ugat pa. Tiningnan ng bata ang sarili, malinis naman siya. Hindi niya maintindihan kung bakit sila nagtatawanan. Nagalit ang bata at sinigawan ang mga nangungutya.
Mas lalong nagtawanan ang mga ito. Kahit ang mga inang nakakita sa kanya ay natawa na rin. Saan ka raw nakakita ng kamoteng pinaglihi sa galit? Nahiya siya at tumakbo pauwi. Umiyak ang bata sa kanyang nanay nung gabing iyon. Hindi na raw siya lalayo sa kanilang bahay uli.
Isang araw habang tinutulungan niyang magsampay ng damit ang kanyang ina ay dinagsa sila ng sunod-sunod na putok ng baril. Tumakbo sila papasok ng bahay ngunit inabot ng ligaw na bala ang kanyang nanay. Ilang minuto pa'y tumigil ang putukan. Lumapit ang bata sa ina. Di na to sumasagot. Lumipas ang isang araw na nagluluksa lang ang anak sa harap ng nakahandusay niyang ina. Ang araw ay naging linggo, at ang linggo ay naging buwan. Bumalik ang mga kaluskos sa dilim ng gubat ngunit di na makatayo ang bata. Tila bang ayaw na ng katawan niyang iwan ang kanyang pinag-ugatan.
Pinapanood niya lang ang nanay niyang parang mahimbing lang na natutulog. Pumutok ang isang baril. Hindi na naramdaman ng bata ang init na iniwan ng bala. Lumapit ang mga sundalo sa target mula sa pinagtataguang dilim. Nakita nila ang babaeng nakahandusay, pamilyar ngunit di na nila maalala kung saan nila ito nakita. Mukhang matagal nang patay. Nagturuan pa sila kung sino ang nakadali dito. Malamang ay hindi galing sa batalyon nila. Humalakhak ang isa, yung tinatarget daw nila kanina ay isang malaking kamote lang. Nagtawanan ang grupo. Kumuha sila ng mga sinibak na kahoy sa kubo. Ninakaw din nila ang kasirola at tubig sa bahay at pinakuluan ang kamote. Nang lumambot na ito'y biniyak ito ng kumander nila para makatikim ang lahat.
