Nanaginip siyang napatay na niya ang huling terorista. Matapos niyang bombahin ang lahat ng lungsod, probinsya, at gubat ay natapos din ang kanyang operasyon. Di madali ang mga desisyong binitawan niya. Pati sarili niyang mga tao ay kinailangan niyang isakripisyo matalo lang ang tusong kalaban. Mabuti na lang ay may nakuha silang impormasyong nagbalat-kayo ito bilang isang sibilyan sa bayang bandang timog. Parang hunyango sa katipunan ng mga mamamayan. Tunog mamamayan, amoy mamamayan, astang mamamayan. Napakunot ang noo niya. Tinawag niya ang kanang kamay at ipinalinya ang lahat ng mamamayan sa harap ng mosque. Binigyan niya ng isang pagkakataon ang bawat isa para umamin. Hindi po ako, patay. Maawa kayo ser, wala po akong alam, patay. Ser may pamilya po ako, maawa na po kayo, patay hanggang sa pinaka bunsong anak. Mabuti na'ng sigurado. May mga umamin sa pag-aakalang maiiba ang tadhana nila ngunit hindi siya kumbinsido. Mukhang sakitin o di kaya'y mukhang di kayang manakit ng kapwa. Ginilitan niya ng leeg ang mga to dahil sa panlilinlang nila. Natira silang dalawa ng kanyang kanang kamay. Sino sa kanila ang susunod? Marami-rami pa silang bala, pwede silang magdwelo nito hanggang magkaubusan. Pero bago pa man siya makapagdesisyon ay ibinaba ng kanang kamay niya ang baril, granada, at kutsilyo. Sumaludo to bago niya barilin. Tuso ang terorista.
Nagising siyang tumutulo ang laway. Lumapit ang isang kumander, handa na raw ang air strike, naghihintay na lang ng utos niya. "Do it immediately," sa wakas, naisip niya.
