6

10 0 0
                                    


Dumating ang van ng ilang sikat na TV networks sa bagong gawang munisipyo. Lahat ay nagkakagulo sa gitna ng katanghalian, gusto nilang masilayan ang dakilang gusali. Matikas, malawak, at mataas na tila binabantayan nito ang musmos na siyudad. Nakipaggitgitan ang mga tagapagbalita sa mga nawindang na sambayanan para maipalabas nila ito sa gabi. Sa unang tingin pa lang ay naramdaman na ng mga tao ang ginhawa dahil may maaasahan na silang mahabaging tagapagligtas. Para bang kahit anong krimen ang gawin mo'y di ka nito sasaktan. Bibigyan ka nito ng isang pagkakataon para magbago, at isa pa uli kung uulit ka. Hindi ka nito pahihirapan, bibiyayaan ka lang nito ng mga banal na sermon hanggang sa kusang sumugat sa iyong damdamin ang bigat ng iyong pagkakamali. Nakonsensya ang mga holdaper at snatcher. Lumuhod sila't humingi ng patawad. Binasbasan sila ng liwanag ng gusaling dumampi sa kanilang mga nagmamakaawang mukha. Nagdasal ang mga saksi.


       Hindi lahat ay tinanggap ang kabanalan ng munisipyo. Marami ring nagsabing may sa-demonyo ito. Mukhang matibay, tipong kahit daanan uli sila ng Ondoy ay di nito iindahin, pero nangangamoy ang kasamaan nito. Malamang daw ay nag-alay na naman sila ng tao para sa bawat bato, kahoy, at semento ng gusali tulad ng ginawa nila sa nabalitang tulay dati. Baka nga raw pati ang pintura nito'y hinaluan pa ng dugo. "Kaya siguro naubos yung adik sa mga lugar natin, ano," biro ng isang tambay habang pinupunas ang hinubad na damit sa pawisang bilbil. Kinagabiha'y sinaksak siya ng kutsilyo ng lasing na kaibigan nang nagpintig ang tenga nito sa patutsada niya tungkol sa paghihiwalay ng lasing at ng syota nito. Naiwan siyang nakahandusay sa imburnal, bingi sa sumisigaw na aleng nagbabantay ng tindahan. Ang huli niyang maaalala sa kanyang buhay ay ang balita sa TV ng tindahan tungkol sa banal na munisipyo.


       Dumating ang sasakyan ni Mayor. Nadatnan nila ang kaguluhan sa labas ng bagong munisipyo. "Putangina ng mga ralihistang to, unang araw pa lang ng city hall, nakaharang na sa entrance," habang hinihimas ang makinis na binti ng sekretarya. Inutusan niyang businahan ang mga to. Nang makita ang media ay biglang binitawan ni Mayor ang binti ng katabi at nag-ayos ng polo. Nakahinga nang maluwag ang sekretarya at hinila pababa ang palda. Pagbukas pa lang ng pinto ay dinumog na siya ng mga tao. Naisip nilang kung ang munisipyo ang tagapagligtas, ang mayor ang tagapaglikha. Itinapat agad ng mga reporter ang dala-dalang mikropono sa tapat ng bunganga ng nasabing tagapagligtas. Tinanong siya kung anong masasabi niya sa pagsamba ng mga tao sa pinatayo niyang munisipyo. Bago pa man makasagot si mayor ay inamoy-amoy na siya ng mga kababaihan. Mula leeg hanggang sa kanyang dibdib. Nag-init ang pakiramdam ni Mayor. Napagtanto niyang hindi ralihista ang mga 'to, walang ralihistang ganito kasarap. Sinunggaban niya ang mga kababaihan at isa-isang hinalikan. Nagpa-picture pa ang iba. Sumingit sa kaguluhan ang mga lalaking mukhang gusto ring makahalik. Nakita niya pa lang ang mga mamasa-masang nguso ng mga ito'y inabot na niya ang mga dala-dalang damit sa kotse. Ibinato niya ang puting damit na may malaking litrato ng mukha niya sa lahat ng nakangusong kalalakihan. "Bakit at paano niyo po itinayo ang city hall nang mag-isa?" Tanong ng isang reporter. Napakunot lang ng noo ang Mayor sa tanong.


       Narinig niya ang huni ng isang kampanilya sa likod ng kaguluhan. Sinubukan niyang hanapin kung saan ito nanggaling pero natabunan lang siya ng mga tao kaya bumalik na lang siya sa pagbibigay ng damit, sapatos, twalya, at pamaypay sa mga taga-suporta. Di pa man eleksyon, pakiramdam niya'y panalo na ulit siya.


       Humuni uli ang kampanilya. Lumabas sa likod ng munisipyo ang mga manggagawang wala nang lakas magmadaling umuwi. Nagtipon sila sa bilihan ng yosi, naghiraman sa pangsindi. Nakita nila ang nangyayari sa harap ng munisipyo. Hitit, buga. Binuhat nila ang kanilang mga paa patungo sa sakayan ng jeep. Buntong hininga.

Hunyango Man ang Tao Part 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon