Nagkataong nangangati ang lalamunan ng bata nang nag-operasyon sa erya nila. Kahit anong ubo ang gawin niya'y di matanggal-tanggal ang kati. Kinailangan nilang umalis tatlong bundok palayo sa pinakamalapit na albularyo. Tatlong bundok at dalawang sityo para sa pinakamalapit na lungsod kung saan mayroong ospital. Kaya naman sinubukan niya na lang uminom ng samut-saring pinakuluang dahong gamot daw sa kati ngunit di ito tumatalab. Wala na siyang magawa kung di ipasok ang hintuturo sa bibig at kamutin ang sanhi ng kanyang problema. Anong ginhawa ang naramdaman ng bata. Umulan nang malakas at kinailangan nilang magtago sa pinakamalapit na puno o kung ano mang silong ang maaabutan nila. Malamig ang basang baro ngunit di maiibsan ng panginginig ang walang puknat na kati. Pinasok ng daliri niya ang bibig patungong tonsil at sa pamamagitan ng musmos na kuko ay lipulin ang nararamdaman. Minasaker nito ang kati sa ngalangala, sa nakatihayang dila, at sa dumuduyang tilao. Nalasahan niya ang dugo ngunit 'di pa tapos ang operasyon, wala nang iba pang paraan. Tinuloy niya lang, malapit na. Napunit ang pinagmumulan ng kati na parang hinawing talahib sa kapatagan at lumitaw ang isang makinang na skalpel at isang pares ng guwantes. Nasuka ang bata. Pinilit ilabas ng kanyang lalamunan ang isang doktor. Pinagpag ng doktor ang kanyang lab coat. Natuwa ang mga katribo ng bata dahil, sa wakas, mabibigyang lunas na ang kanilang mga sakit. Pumila ang mga may kapansanan at isa-isa itong tiningnan ng doktor. Tinanong niya kung anong parte ng katawan ang masakit, kailan pa ito nagsimula, ano ang mga kinakain ng mga ito, at kung ano ang pangunahing ehersisyo ng mga pasyente. Matapos suriin isa-isa ang mga kasama ng bata, nagbigay na ito ng reseta. Hinawakan ng mga pasyente ang puting papel at pinilit intindihin ang nakasulat. Bago pa man sila makapagtanong, siningil na sila ng doktor. Sa una'y nagtinginan sila na para bang may pera ang katabing pwede nilang ipangbayad. Ngunit lahat ng pagkain at ani'y iniwan na nila nang may nakita silang sundalong may karga-kargang armalayt. Sinubukan ng pinuno ng grupo na kung pwede ay bayaran na lang siya 'pag nakauwi na sila sa mga bahay nila. Nagmaktol ang doktor.
"Naku 'di po pupwede yan, may pamilya rin po akong pinapakain at tinutustusan, di ko naman pwedeng ipambayad ang sako ng saging niyo sa eskuwelahan ng mga anak ko!"
Nagmakaawa ang mga lalaki at nagpaumanhin ang mga babae ngunit wala talaga silang kayang maibigay sa ngayon. Tumalikod ang doktor at naglakad palayo sa gubat. Pinunasan ng bata ang duguang bibig. Di siya makapaniwala sa nangyari.
Kinagabiha'y malalim na nakatulog ang mga may sakit. Nagising ang bata nang may marinig na kaluskos sa anino ng gubat. Makati pa rin ang lalamunan niya, ngunit di na tulad ng dati.
![](https://img.wattpad.com/cover/155933621-288-k670497.jpg)