CHAPTER TWO

1.9K 51 2
                                    

DAHAN-DAHAN minulat ni Angelina ang mga mata matapos niyang maalimpungatan. Napakunot noo pa siya nang makita ang pamilyar na kisame, paglingon sa paligid ay saka niya nakumpirma na naroon nga siya sa sala ng bahay niya.

"Teka, a-anong ginagawa ko dito? Ang alam ko nandoon ako sa dati namin building ah," sabi pa niya sa sarili.

"Nawalan ka ng malay kaya dinala kita dito," sagot ng isang tinig ng lalaki.

Napabalikwas ng bangon si Angelina saka mabilis na lumingon sa pinanggalingan ng tinig. Muli siyang binalot sa takot ng makita ang isang matangkad na lalaki... at may pakpak! Bigla siyang sumigaw ng gumalaw ang pakpak ng anghel at saka mabilis na tumalon pababa sa sofa at tumakbo papasok sa kuwarto niya. Pagkatapos ay agad niyang ni-lock ang pinto. Napapikit siya ng mariin.

Ano ba ang nangyayari sa akin? Namamaligno na yata ako. Bakit kung anu-anong nakikita ko? Epekto ba 'yon ng mga problema ko? Nababaliw na ba talaga siya?

"Hindi ka nababaliw. Hindi ka rin namamaligno. Totoo ang nakita mo, isa akong anghel,"

Bigla siyang napalingon sa likod. Nakaupo sa gilid ng kama niya ang anghel.

"Paano ka napunta diyan? Kanina lang nasa..." nagtatakang tanong niya.

Mayamaya ay bigla na naman siyang sumigaw ng malakas. Sa isang kisapmata ay nakalapit sa kanya ang anghel at tinakpan ang bibig niya. Bigla siyang napahinto ng makitang kaylapit ng mukha nito sa kanya. Unti-unting nawala ang takot sa dibdib niya matapos magtama ang paningin nila.

"Wala kang dapat ikatakot, Angelina. Kakampi mo ako," halos pabulong na wika nito.

Agad niyang naalala ang mga nangyari bago siya mawalan ng malay. Tatalon na lang siya mula sa rooftop ng dati nilang gusali ng biglang lumakas ang hangin at kumulog at kumidlat, kasunod niyon ay biglang sumulpot sa harapan niya ang anghel na ito. Dahil sa takot at nawalan siya ng balanse at tuluyan nahulog pero niligtas siya nito bago pa man siya masaktan. Mayamaya ay tinanggal nito ang kamay sa bibig niya.

"Huwag ka nang sumigaw ulit. Hindi mo kailangan matakot sa akin," sabi pa nito.

"K-kung ganon, a-anong gi-nagawa mo dito? Kukunin mo na ba ako?"

Napatungo ito at saka ngumiti. Hindi maiwasan ni Angelina na mapansin ang magandang ngiti ng lalaki. Lalo na nang sumingkit ang mga mata nito at umabot doon ang ngiti nito.

"Wala ako dapat dito pero kinailangan kong magpakita sa'yo para pigilan ka sa gagawin mo," sagot nito.

Umiwas siya ng tingin, alam niya ang tinutukoy nito. Ang tangka niyang pagtalon kanina.

"Masisisi mo ba ako? Hindi mo alam kung gaano kahirap ang lahat ng pinagdaraanan ko," naluluha na naman na wika niya.

"Maniwala ka sa akin, Angelina. Alam ko ang lahat ng nangyayari sa'yo. Ako ang tinalagang anghel na tagapagbantay mo simula ng mabuo ka pa lang sa sinapupunan ng Mommy mo. Simula ng pinanganak ka, ako na ang nagbabantay sa'yo," sabi pa nito.

"Kung ganoon, bakit hindi mo ako tinulungan? Bakit mo hinayaan na maghirap ng ganito ang buhay ko?" sunod-sunod na tanong niya, hanggang sa hindi na niya napigilan pa ang emosyon at tuluyan na naman umagos ang luha niya.

"Dahil iyon ang nakatakdang mangyari, Angelina. Hindi hahayaan ng Diyos na mangyari lahat nang iyan sa'yo kung alam niyang hindi mo kakayanin. Kung alam Niyang hindi ka malakas at matapang. May dahilan Siya sa lahat ng pangyayari sa buhay mo. Kung ano man iyon, tanging Siya lamang ang may alam, ang kailangan mo lang ay matutunan na pagkatiwalaan Siya. Kaya huwag mo nang uulitin ang tangkang pagpapakamatay mo," sagot nito.

The Messenger's Trilogy Book 1: Surrender to an AngelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon