DAHIL ILANG araw ng nakasarado ang Eatery, nang muli silang magbukas ay dinagsa sila ng tao. Kaya nang humupa ang mga customers ay saka nila naramdaman ang pagod. Isang linggo na ang nakakalipas simula ng magpakasal silang dalawa ni Andrew. Walang nakakaalam sa kahit na sino, napagkasunduan nila na pansamantalang ilihim dahil komplikado ang sitwasyon nilang dalawa lalo na ni Andrew.
Ngunit aaminin ni Angelina, sa bawat araw na lumilipas ay binabalot siya ng matinding takot. Simula ng mawala si Andrew at tatlong araw na hindi nagpakita. Nang bumalik ito ay nahalata niya ang pag-iiba mula sa asawa. Parang bawat sandali ay sinusulit nito. Andrew became very sweet. Kung dati ay tila pigil ang kilos nito, ngayon napaka-open nito sa paglalambing sa kanya kahit sa harap ng ibang tao. Kaya ng makahalata si Lena, sinabi na lang niya na mag-boyfriend silang dalawa. Tuloy ay hindi niya maiwasan kabahan, natatakot siya na baka bigla na lang siyang iwan nito. Isipin pa lang ay parang hindi na niya kakayanin.
"Ate, mukhang pagod ka na. Umuwi na kayo ni Kuya Andrew, kami na dito," sabi ni Lena.
"Sigurado kang ayos lang kayo?" tanong pa ni Angelina.
"Oo naman Ate, daan ko na lang sa bahay n'yo 'yung kita ngayon araw."
"Ah hindi na, maaabala ka na naman. Bukas mo na lang ibigay sa akin, malaki naman ang tiwala ko sa'yo," sagot niya saka ngumiti sa babae.
"Sige po, salamat ate,"
Tinapik niya ito sa braso saka tumango. "Teka lang, may ginagawa pa ba si Andrew sa loob?" tanong pa niya.
"Meron pa po yata," sagot ni Lena.
Pagpasok ni Angelina sa kusina ay naabutan niya si Andrew na abala sa paghihiwa ng gulay.
"Andrew, tama na 'yan. Iwan mo na sa kanila 'yan, umuwi na tayo," awat niya.
"O sige, tapusin ko lang 'to," sagot nito.
Napakunot-noo si Angelina ng paglapit niya ay nakitang pinagpapawisan ang noo nito. Ngayon lang niya nakitang pinagpawisan ito, pagtingin niya sa mukha ni Andrew ay parang pagod na pagod ito. Agad niyang nilapitan ito saka hinawakan sa mukha.
"Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong niya.
Tumingin sa kanya ito ng nakakunot-noo pagkatapos ay ngumiti. "Oo naman," sagot ni Andrew.
"Mukhang pagod na pagod ka," aniya. Iyon ang unang beses na makita si Andrew ng ganon. Simula ng magkakilala sila ay hindi pa niya nakitang pinagpawisan ito kahit na konti dahil nga sa pagkatao nito. Kahit na anong dami ng ginagawa nila, hindi nakita ni Angelina na napagod ito.
"Ako? Pagod?" natatawa pang tanong nito. "Masyado kang nag-aalala sa akin, ayos lang ako," giit pa ni Andrew.
Binalingan ni Angelina ang isang kitchen helper niya. "Ikaw na magpatuloy nitong ginagawa ng Kuya Andrew mo," utos pa niya.
"Sige Ate," sagot agad ng tauhan niya.
Umiiling na tumingin si Andrew sa kanya habang natatawa. "Masyado kang nag-aala... aray!" biglang daing nito.
Pagtingin ni Angelina ay nahiwa ng kutsilyo sa daliri si Andrew at panay ang dugo niyon. Nagkatinginan silang dalawa, agad niyang kinuha ang panyo mula sa bulsa ng suot na pantalon at binalot ang daliri nitong nasugatan.
"Andrew... nasugatan ka," hindi makapaniwalang wika niya.
"Okay lang ako," sagot nito.
BINABASA MO ANG
The Messenger's Trilogy Book 1: Surrender to an Angel
Fantasy"You are the greatest miracle of my life, you are the living proof of what real love means. The purity of your heart and your love taught me that it can cross boundaries.." Teaser: Hindi alam ni Angge kung anong meron sa araw na iyon. Nagising na l...