NAG-BIHIS NA ANG NAYON
(Tekstong Deskriptibo)Ibang-iba na ang nayon, wari baga’y isang taong nag-bihis at nagpalit ng magarbong damit, magarbo ngunit nariyan at pilit na lumilitaw ang himulmol ng nakaraang hinding-hindi maikukubli ninuman. Nayon ko, natatanaw kita mula sa malayo, ibang-iba ka na talaga, saan ka paroroon at ikaw ay nag-bihis ng ganiyan. Oh nayon ko, saan ang iyong patutunguhan?
Bawat himulmol ng iyong nakaraan, tandang-tanda ko pa at sariwa sa aking ala-ala, nasaan ang nayon kong kay tahimik at linis ng paligid? Mga huni ng ibong maya ang aking maririnig sa umagang nasisikatan ng matinding araw, mga tao’y mainit pa sa araw ang lubos na pag-bati sa iyo. Mga kalalakihan ay kaagapay na nila ang kanilang mga kalabaw na walang kasing-sipag sa gawaing bukid, handa na silang mag-araro’t magtanim ng mga palay. Nariyan pa ang ibang mga kalalakihan, dala-dala naman ang kanilang lambat at iba pang materyales na sila mismo ang gumawa pang-huli ng isda.
Simpleng buhay sa nayon ang nag-kukubli sa bawat himulmol ng magarbong bihis nito. Mga ilaw ng tahanan, nariyan at nag-didilig ng halamang itinanim sa kanilang bakuran. Kakikitaan ng mga samu’t-saring gulay, animo’y kinukumpleto ang mga gulay sa bahay kubo. Katapos mag-dilig, gawaing bahay na ang aatupagin, kay galing sa paglinis ni Inay, mga floor wax at map, hinding-hindi pa uso noon, nariyan at galing sa puno ng buko ang gagawing pangkuskos sa sahig na hindi gawa sa tiles, pawid at mga kahoy ang tanging pundasyon ng mumunting tahanan. Walang-kasing sarap mag-luto si Inay, lalo pa’t masayang tinutulungan siya ng kaniyang panganay na anak na babae.
Darating na sa tanghalian ang mga haligi ng tahanan, mga anak ay dali-daling mag-mamano, si Ina naman ay maghahain na para sa mumunting salo-salo ng pamilya sa tanghaling iyon. ‘Pagkat tapos na ang gawain, nariyan ang papag sa ilalim ng puno ng mangga, siguradong tambayan iyon ninuman sa pamilya. Sa hapon nama’y, pag-gantsilyo ang tanging libangan ni Ina, si Ama nama’y pupunta sa kaniyan mga kumpadre, at doon makikipag-kwentuhan. Mga bata nama’y dinig ang inosenteng halakhak nila, sapagkat sila pala’y naglalaro na ng tumbang preso at patintero, kung nariyan naman at malapit ng mag-gabi, mga bata’y laro naman nila ay takip-silim. Sabay karipas ng takbo kung mga kalaro mo’y nagsimula ng mga kwentong katatakutan.
Pag-sapit naman ng ala-sais ng gabi, tatawagin ka ng iyong apo, tuturuan kang mag-dasal at mag-rosaryo. Mga kataga sa aklat ng mga dasal iyong sasambitin. Sa mabituing gabi, simoy ng hangin ay may kung anong dalang bango, iyon pala ay mula sa mga bulaklak ng Dama de Noche at Sampaguita. Aabangan o di kaya naman ay sasama ka pa sa prusisyon ng inyong minamahal na patron, mga kandila at gasera, nagsisilbing ningning sa gabi.
Nariyan pa at sasapit na ang kapistahan, makukulay na banderitas, pagtutulungan isabit. Mga ilaw ng tahanan, hindi-magkamayaw sa pag-lilinis at pag-aayos ng kanilang bahay, nariyan pa at kakatayin ang matabang baboy para ihanda, isama pa ang mga bibe at manok na pinalaki. Tulong-tulong sa gawaing bahay, pati mga anak ay abala sa pag-silbi sa mga bisitang nanggaling pa sa kabilang nayon. Sa gabi, mga anak at mga kabaryo, makikita mo sa peryahan, talagang sabik ang makikita sa kanilang mga mata, minsan lamang sila makasakay ng ruweda o kaya’y ang caterpillar.
Nag-bihis na nga ang nayon, ‘pagkat magarbo ang damit, ‘sing garbo ng mga bahay na gawa sa semento at may disenyo pa ang balkonahe, mga palayan, naging garahe ng mga sasakyang magagara. Nariyan ang mga haligi ng tahanan, isang itim na hugis kahon ang bag, pasakay sa sasakyang itim. Yun pala’y sa opisina ang trabaho, susundan ng isa pang babaeng palagay ko’y sa trabaho rin ang punta, magara ang damit, suot ay isang hapit sa katawan na bestida, iyon pala siya ang ilaw ng tahanan, nagiiwan siya ng habilin sa katiwala ng bahay na kung tawagin ay “yaya” nasaan ka oh nayon ko? Mga bata’y sa kompyuter at ano pang gadgets ang hawak.
Ang daan man ay malinis, walang batang humahalakhak, walang puno ng mangga ang nakatanim o di kaya’y mga gulay. Inggit ang namumuno sa kapit-bahay, walang tulungan at kaniya-kaniya ang buhay. Ganoon na ba nagbihis ang nayon ko? Mga bata’y hindi mo makikitang tumutulong sa gawaing bahay ‘pagkat gawain na iyon ng mga yaya.
Oh nayon ko, bakit iyan ang naging kahihinatnan mo? Magarbo na ang iyong bihis, at tanging mga himulmol na lamang ang nagpapa-alala ng iyong simple ngunit masayang nakaraan, oh aking nayon, kay laki na ng iyong pagbabago, naalala mo pa kaya ang iyong mga dating itsura? Kay hirap ng iyong sitwasyon, ganiyan pala ang epekto ng modernisasyon. Maganda sanang ikaw ay tumanggap ng modernisasyon ngunit sana’y hindi ka lubusang nagbago. Nasaan na ang mga kaugaliang, ipinamana pa ng ating mga ninuno? Sana’y pinahalagahan mo at itinago sa iyong puso. Binhi ng magagandang asal, sana’y iyo pa ring kinikilos. Sapagkat sa pangyayaring ito, nagbihis kana nga aking nayon. Nagbihis ka na.
---------
Hi Guys! :)
BINABASA MO ANG
Clustered Thoughts
AléatoireThere are thoughts that somehow affects us, there are thoughts that are always clustered in our minds waiting to be shared. Thanks for reading! :)