Inilipat ni Mon sa ibang pahina ang itim na libro kung saan nakasulat ang dapat gawin para maikulong si Helga.
Mon: "Ang pagkukulong sa Diablong si Helga ang pinakamapanganib na iyong gagawin. Sa bawat sandali ay hindi ka nya hahayaang magtagumpay. Ang unang dapat gawin ay kailangan nating magdala ng isang malaking salamin. Kailangan natin itong itapat sa punong pagkukulungan nya hanggang sa makita ang repleksyon ng punong ito at dapat ay tumatama ang mismong liwanag ng buwan at mag'reflect ito sa puno.
Pangalawa, kailangan nating mapalabas si Helga sa salamin na iyon. May dalawang paraan para lumabas sya. Ang kusa syang lumabas o ang pwersahan syang palabasin!"
Joshua: "Palalabasin si Helga sa salamin? Paano ko naman gagawin 'yon?"
Mon: "Napakaswerte mo na kung kusa syang lumabas sa salamin pero napakaliit lamang ng posibilidad na mangyayari ito o halos imposible na lalo't alam nya ang tangka mong pagkukulong sa kanya. Kung hindi gan'on ang mangyayari ay kailangan mo syang pwersahang palabasin sa pamamagitan ng pagguhit ng isang simbolo sa salamin gamit ang iyong sariling dugo."
Joshua: "Simbolo?"
Ipinakita ni Mon ang isang larawan ng isang simbolo na nakaguhit sa itim na libro. Isang bilog na may larawan ng buwan at maliit na tala sa gitna.
Mon: "Kailangan mong sugatan ang iyong sarili at iukit ang simbolo sa salamin gamit ang iyong dugo pero hindi ito ganun kasimple at kadali dahil kailangan mo munang bitawan ang puting brilyante. Kailangang mo itong ilapag sa tabi ng puno bago mo ito gawin. Kailangan ay maiguhit mo ito kaagad bago pa magpakita si Helga at magkaroon ng pagkakataon na patayin ka."
Joshua: "Kung ganun--"
Mon: "Alam ko kung ano ang nasa isip mo, sa isang pagkakamali mo ay pwede kang mamatay!"
Joshua: "Ano ang mangyayari kung hawak ko pa rin ang brilyante habang sinusulat ko ang simbolong iyon?"
Mon: "Wala ring saysay ang gagawin mo. Ang simbolong gagawin mo ang magbubukas ng lagusan para makalabas sya at ang kapangyarihan naman ng puting brilyante ang hihila sa kanya."
Joshua: "Sa oras ba na magawa ko iyon ay tapos na ang lahat?"
Mon: "Hindi! Iyon pa lamang ang simula ng iyong kalbaryo. Sa oras na makalabas sya sa salamin ay mas magiging mapanganib pa ang lahat!"
Joshua: "Ano? Hindi pa matatapos ang lahat?"
Mon: "Papalabasin mo pa lang si Helga sa salamin pero hindi pa sya maikukulong. Bibigkasin ko muna ang isang katagang mag-uugnay sa ating mundo at sa dimensyon na magiging kulungan niya. Pipigilan mo si Helga habang sinasabi ko ang katagang iyon. Sa oras na matapos na ako sa pagbibigkas, pupulutin mo naman ang puting brilyante mula sa puno at itapat ang magiging liwanag nito kay Helga. Kapag nangyari 'yon ay tuluyan na syang hihigupin ng isang lagusan upang tuluyan na syang makulong!"
Joshua: "Kung ganun ay lubhang delikado ang bawat hakbang na gagawin ko. Lubha ngang imposibleng mabuhay pa ako."
Mon: "Bawat oras na lilipas ay mahalaga. Bawat sandali ay mapanganib di lang sa'yo kundi pati sa akin. Tatanungin kita ngayon Joshua, handa ka na ba?"
Joshua: "Handa na ako sa anumang mangyayari! Wala na itong atrasan pa!"
Luisa: "Mahabaging diyos! Wala na ba talagang ibang paraan?"
Mon: "Ikinalulungkot ko pero yun lamang ang tanging paraan. Tanging dasal na lamang ang ating pag-asa."
Napayakap na lamang si Luisa sa pamangkin at umiyak.
Luisa: "Napakabait mong bata, bakit kailangan pang sa'yo mangyari ito?"
Joshua: "Kapalaran ko na ito, tita. Hindi ko na ho ito matatakasan pa."