~~~~~
Napatigil ako sa paghalo ng niluluto ko nang tumunog ang phone ko na nakalagay sa ibabaw ng mesa. Hininaan ko muna ang apoy at nilapitan ang phone ko.
Saktong pag-accept ko pa lang ng facetime. Rinig na rinig na ang boses ng kaibigan ko. Halata rin na excited talaga siya.
"Ly? Ano? Nakapagdesisyon ka na ba? Kailangan ko ng sagot mo eh. Sayang naman tong chance na to kung hindi mo kukunin. Maganda ang pasweldo makakatulong to sa inyo. Lalo na at nag-aaral pa si Kian."
Hindi ako nakasagot sa tanong na yon.
"Wow! Luigi Hello ha. Ang galing galing mo eh wala man lang hi hello." Tawa lang ang sagot niya sa akin. At halata pang nang-aasar yung itsura. "Luigi, hindi ko pa kasi sure eh. Alam mo naman na hindi ko kayang iwan si Tin. Alam mong marami na siyang naitulong sa akin eh." Sabi ko at pinunasan ang pawis ko. Kakatapos ko lang magluto ng kakainin kong dinner ngayon.
"Wow! You know how to cook na without burning the whole kitchen?" Tumatawa pa siya habang sinasabi yon.
"Sakto lang, ako lang naman kumakain kaya hindi na ako nagrereklamo sa luto ko kaysa naman gumastos ng mahal noh. Ayos na yung ganito. At isa pa akala mo naman sobrang galing mong magluto. Kapal ng mukha." Umirap pa ako sa kanya.
"Kumpara naman sa luto mo noh Ly. Mas maayos yung sa akin. Kahit tanungin mo pa kay Ella."
"Kapal ng mukha mo Pumaren si Jorella pa ba eh lahat naman ng pagkain doon masarap."
"Nasaan pala si Ella? Himala yata at hindi nakikain dyan sayo."
"Can you imagine nagsawa daw siya sa luto ko. Samantalang wala naman siyang ambag dito buti nga may free dinner pa siya eh. Bwiset! Magsama nga kayong dalawa."
Halos hindi na makahinga si Luigi sa kakatawa niya. Isa pa talaga to eh! Aminado akong hindi ako magaling magluto. Nasubukan ko na nga yung tipong prito lang pero nasunog ko pa eh. Nakakainis lang kasi kahit na anong gawin kong pag-aaral parang hindi talaga para sa akin. Ito nga at magtyatyaga na naman ako sa luto ko. Ayaw ko na kasing lumabas at mababawasan na naman ang pera ko.
"Kailan ka pala uuwi dito sa Pinas? Parang ayaw mo na kasi eh, masyado ka ng nag-eenjoy dyan ah." Matagal na namin siyang kaibigan ni Ella. Nasa College kami nang makilala namin siya. Isang chef si Luigi at naswertehan niya ang trabaho sa Italy kaya naman hindi na siya umalis doon. Natutuwa nga ako at kahit na ganon hindi niya kami nakalimutan ni Ella.
"Hindi ko pa alam. Wala pa akong plano eh. Marami pa kasing gagawin dito."
"Nakahanap ka na noh?" Asar ko at nagsimula nang kumain. Sakto lang yung lasa. Sakto lang para sa akin kung may kasama ako malamang sasabihin na hindi masarap.
"Ganon ba kahalata?"
"Oo halata masyado sayo. So ano na nga? Sino ang malas na babae? Ibang lahi?" Sabi ko at sumimangot siya sa akin.
"Pinay, iba pa rin kapag pinay. Mas maalaga kasi. Though she's half Chinese pero sabi nga niya pusong pinoy ang mas lamang." Sabi niya habang nakangiti ng sobra.
"Mukhang iba talaga nagawa sayo ng babae na to ah. I want to meet her."
"You will kapag pumayag ka ng pumunta dito sa Italy. Ano? Para maconfirm ko na sa kanya at masabi na niya doon sa kaibigan niya." Natahimik na naman ako sa sinabi niya. "Sige na nga Ly mag-usap na lang tayo ulit kapag may desisyon ka na. Sige na at kumain ka na dyan papasok na rin ako sa trabaho. Magdesisyon ka na ha." Huling sabi niya at nagpaalam na sa akin. Pagkatapos namin mag-usap nag-isip kaagad ako.
Sayang yung offer, maganda malaki ang maitutulong sa akin nun lalo na sa Pamilya ko. At sa Italy pa matagal ko ng pangarap makapunta doon. Alam kong magiging malaking tulong sa akin at sa profession ko kapag nakapunta ako doon. Mas marami pa akong matututunan. Nahulog ako sa malalaim na pag-iisip dahil doon sa offer sa akin.