3. Puzzle

4.6K 108 11
                                    


Namimitig na ang mga ugat sa mga paa ni Alexis ay hindi pa rin dumarating si Xavier. Nang nagdaang gabi bago sila maghiwa-hiwalay,  binilinan siya nito na kailangang eksaktong alas-singko ng umaga ay naroon na siya sa harap ng gate nila. Iiwan daw siya nito kapag nahuli siya kahit isang minuto.

“Pero ngayon, siya naman ang late,” nagmamaktol na bulong niya.

Sa pagitan nina Xavier at Ymago mas gusto pa niya ang ugali ng huli. Dahil nang gabi ring iyon niya natuklasan na dalawa lang ang reaksiyong makukuha niya kay Xavier, ang manahimik at magsungit.

Mayamaya ay bumukas ang pedestrian gate nila at sumungaw roon ang kanyang ina. “Ano’ng ginagawa mo diyan, Alexis? Napakaaga pa, ah. Mag-almusal ka muna.”

“Five fifteen na, Mommy. Late na nga si Xavier. Alas-singko ang usapan namin.”

“Anong five fifteen? Alas-kuwatro kinse pa lang. Tingnan mo nga, napakadilim pa.”

Napadilat siya at tiningnan uli ang suot na relo sa liwanag ng lamppost. Alas-kuwatro kinse nga ang oras doon. Nagkamali lang marahil siya ng tingin kanina sa pag-aalalang ma-late sa usapan nila ni Xavier.

Kulang na lang sikaran niya ang sarili. Sayang tuloy ang isang oras na itutulog pa sana niya. Nagdadabog na bumalik na lang siya sa loob. Naiinis pa rin siya habang nag-aalmusal. Hindi pa sumisikat ang araw, naiimbiyerna na siya.   

“Pasensiya ka na, anak,” malungkot na sabi nito habang nakadulog siya sa mesa. “Wala akong maisip na ibang paraan para malutas ang problema natin sa bangko. Tinawagan ko kahapon si Winona pero maid pa rin ang sumagot. Umuwi nga raw doon ang pinsan mo pero isang araw lang. Pagdating daw ni Kestrel nagpunta naman silang mag-anak sa Singapore. Kaya hindi ako nakahiram ng pera sa kanya.

“Kung maso-solve ninyo ni Xavier Escuadro ang puzzle, para na ring inihain na lang sa atin ang bahay at lupang ito. Kaya sana, pagtiisan mo na lang ang mga hirap na haharapin n’yo sa paglutas nito. Hindi ako humihinto sa pagdarasal para maresolba ang mga problema natin.”

Nabaghan naman siya sa sinabi ng ina. Hindi ito ganito dati. Noon, kapag pinagdadabugan niya ito ay dinadakdakan siya. At siya palagi ang talo sa mga away nila.

Dapat nga yatang pati siya magbago na rin, dahil inaabot na sila ng kamalasan. Parusa yata ito ng Diyos sa kanila sa pang-aapi nila noon kay Winona. At sa kapangitan ng mga ugali nila.

Paglabas uli niya sa gate nila ay siya namang pagdating ni Xavier. Sakay ito ng isang itim na Ford F150. Isang impersonal na “good morning” lang ang ipinambati nito sa kanya. Hindi na iyon nasundan ng kahit na anong salita habang bumibiyahe sila. Pati ang bagahe niya ay mag-isa niyang isinakay sa backseat. Hindi man lang ito nag-alok kahit pabalat-bunga na tulungan siya.

Wala pang traffic sa daan. Palibhasa ay maaga pa. Kung nakadarama man siya ng pagkainip, iyon ay dahil lang sa hindi nagsasalita ang katabi niya. Wala naman siyang maisip na topic para pag-usapan nila. At palibhasa  kulang pa ang tulog niya, hindi pa sila pumapasok sa NLEX ay nakatulog na siya.

Nasa kasarapan ang tulog niya nang yugyugin siya nito sa balikat. “Gumising ka na,” sabi nito. “Ikaw naman ang mag-drive. Pag-aaralan ko ang clue sa puzzle.”

Nag-iinat na napatingin siya sa labas ng sasakyan. Nasa Pampanga na pala sila.

Inihinto nito ang sasakyan sa asphalt shoulder ng daan. Nagpalit sila ng puwesto nito. “Paandarin mo na,” utos nito nang nanatili siyang nakaharap lang sa manibela.

“Naiihi ako.”

“Wala kang iihian dito,” halatang naiinip na sabi nito. “Lumampas na tayo sa mga lugar na may restroom. Tulog ka kasi nang tulog.”

Braveheart 24 Xavier Escuadro (Gorgeous Reprobate) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon